Wednesday, April 24, 2013

Provincia de Meycauayan?



Cronica ni Fray San Antonio

Siya nga, nabasa mo iyan nang tama sapagkat minsan, sa mga dahon ng kaysaysayan ay tinatawag na lalawigan ng Meycauayan ang Bulacan. Sa kasaysayan ng Bulacan, karaniwang batid ng marami na ang lalawigan ng Bulacan ay itinatag noong 1578 kasabay ng pagkakatatag ng bayan ng Bulakan na itinuturing din na una nitong cabecera. Ngunit ilan sa mga lumang aklat ang maaaring makapagpatunay sa katotohanang tinawag itong “provincia de Meycauayan” na kung saan ang “Pueblo de Meycauayan” ang siyang cabecera.

Sa aking paghahanap ng mga tala, una kong nakita ang aklat ni P. Felix Huerta, isang Franciscanong mula sa Espanya na dito sa Pilipinas namalagi. Ang aklat na ito ay pinamagatang Estado geográfico, topográfico, estadístico, histórico-religioso de la santa y apostólica provincia de S. Gregorio Magno. Inilalarawan sa kanyang aklat ang mga bayang itinatag ng mga Franciscano sa Pilipinas kasama na rin ang kasaysayan ng mga ito. Dahil ang Meycauayan ay isang bayang itinatag ng mga Franciscano, kasama ang kasaysayan nito sa aklat.

Ang Meycauayan ay kasama sa mga bayang itinatag ni Fray Juan de Plasencia at Fray Diego de Oropesa. Sang-ayon sa paglalarawan ni Huerta sa lalawigan ng Bulacan, sinimulan niya ito sa mga katagang “Esta provincia, llamada antiguamente de Meycauayan, por haber estado en el pueblo de este nombre la cabecera…” [1] Samantala, sa paglalarawan din niya sa pueblo de Meycauayan nabanggit din niya ang mga pariralang “antiguamente fue cabecera de provincia.” [2] Malamang may pinagbatayan si Padre Huerta sa kanyang isinulat yamang may mga naunang mga naisulat na hinggil sa kasaysayan ng Probinsya ng San Gregorio Magno sa Pilipinas. Ngunit hindi mapatutunayan ang sapantahang ito dahil sa hindi nakasulat sa nasabing akda kung saan kinuha niya ang ideyang ito.  

Sa aklat na Apuntes Interesantes Sobre de las Islas Filipinas, tinukoy ng may akda na sa pagkakatatag ng lalawigan ng Bulacan ay minsang naging kabisera nito ang bayan ng Meycauayan.[3] Sinusuportahan nito ang binanggit ni Padre Huerta sa naunang aklat na nabanggit.

Ayon naman kay Dr. Jaime Veneracion, nang dumating ang mga Espanyol sa Pilipinas, ang pinakapusod ng lalawigan noon ay ang Meycauayan kung saan nagmula ang iba pang mga bayan sa katimugang bahagi ng Bulacan. Binanggit din niya na sa kalagitnaan ng ikalabimpitong daang taon lamang  makikilala ang lalawigan bilang Bulacan na ipinangalan sa kanyang kabisera, ang bayan ng Bulakan. Ang ikalawang tinuran niyang ito ay ibinatay niya sa Errecion de Pueblo: Bulacan mula sa Pambansang Sinupan.[4]

Sa aking mga nasaliksik, ang pinakamahalaga at pinakamatandang tala na bumabanggit sa pagkalalawigan ng Meycauayan ay mula rin sa isang Franciscano, si Padre Juan Francisco de San Antonio sa kanyang pagsulat sa kasaysayan ng Probinsiya ni San Gregorio Magno. Binanggit sa talang ito na ang kabayanan ng Pueblo de Meycauayan ay inilipat sa bagong lugar mula sa dati nitong kinalalagyan dahil sa pananalanta ng isang mapaminsalang bagyo. Kaugnay nito, Sa kahilingan ni San Pedro Bautista sa pamamagitan ng noo'y ministro na si Fr. Antonio Nombela, ipinadala ni Dr. Santiago de Vera ang kanyang kalihim, si Gaspar de Azebo sa noo’y alcalde mayor ng “provincia de Meycauayan” (katumbas ng punong-lalawigan sa kasalukuyan) na si Christoval de Asqueta noong ika-16 ng Nobyembre, 1588. Ito ay upang siyasatin ang ilang mga usapin ukol sa paglilipat ng kabayanan at ang pagtatayo ng bagong simbahang bato para sa parokya ng Meycauayan.[5]

Nakatutuwang isipin na minsan sa mga pahina ng kasaysayan ay naging lalawigan ang Meycauayan. Ang katatotohanang ito ay nagpapatunay sa kadakilaan ng bayan at makapagbibigay-diing ang bayan ay hindi nagsimula bilang isang “sleepy town.” Ngunit nakalulungkot na ang katotohanang ito, na hindi mapasusubalian dahil sa mga patunay na nabanggit sa itaas, ay lingid sa kaalaman ng mga nakararaming Bulakenyo. Marahil ay natabunan ito dahil ang kasaysayan ng Bulacan sa pangkalahatan ay nakasentro sa Malolos dahil sa mahalagang papel na ginampanan nito sa rebolusyon. Sana’y unti-unti nang mabuo ang mga napilas na dahon ng kasaysayan ng dakilang lalawigan ng Bulacan.

24 Abril, 2013
Lungsod ng Meycauayan



[1] Huerta, Fr. Felix, Estado geográfico, topográfico, estadístico, histórico-religioso de la santa y apostólica provincia de S. Gregorio Magno. Imprenta de N. Sanchez, Binondo, Manila ; 1865 p 70.
[2] Ibid, p 71.
[3] Herrero, Casimiro, Apuntes interesantes sobre las islas Filipinas, Imprenta del el Pueblo, Madrid; 1869 p 79.
[4] Veneracion, Jaime, Kasaysayan ng Bulacan, BAKAS, Cologne, Germany, 1986 p 17.
[5] San Antonio, Juan Francisco de,  Chronicas de la apostolica provincia de S. Gregorio, Papa, el Magno ... de religiosos descalzos de N.S.P. Francisco en las Islas Philipinas, China, Japon &c: Parte segunda .... [Sampaloc (Manila)]: Impressa en la imprenta del uso de la propia Provincia, sita en el Co[n]vento de Nra. Señora de Loreto del pueblo de Sampaloc, extra-muros de la ciudad de Manila , 1741 p 316-319.

Monday, April 22, 2013

Pista ng Bisitang Matanda ng Marilao


Larawan ng isinaayos na "Bisitang Matanda"
      Tuwing sasapit ang buwan ng Abril sa Marilao, matapos ang pagluluksa ng sambayanan sa kalilipas pa lamang na Semana Santa at ang pagsasaya ng madla sa katatapos pa lamang na Pasko ng Pagkabuhay, pinakaaabangan ng mga taga-Poblacion ang pagdiriwang ng Pista ng Bisitang Matanda. Isa itong bisitang itinuturing ng mga Marileño na duyan ng kanilang pananampalatayang Katoliko sapagkat dito sa bisitang ito, ipinunla ng mga frayleng Franciscano ang sambayanan ng Diyos bago pa mang ang bayan ng Marilao ay nagsarili mula sa Meycauayan. Sinasabing ang lugar na kinatatayuan ng matandang bisita ang tinatawag noon na “Tawiran” na kung saan nakadambana ang imahen ng Santo Cristo na tinatawag ng maraming “Mahal na Señor.” Limampung taon matapos na maitayo ang matandang bisita, sa panahong nagsarili ang bayan, dahil na rin sa kaliitan ang bisita at sa lumalagong pangangailangang pangkaluluwa ng mga taga-Marilao kung kaya nagpasya silang ilipat ang lugar na katatayuan ng bagong simbahang kalalagyan ng kanilang bagong patron, si San Miguel Arcangel. Taong 1796 nang pormal na maitatag ang Pueblo de Marilao.

Opisyal na Replika ng Mahal na Señor
     Ang imahen ng Mahal na Señor sa Bisitang Matanda ay isa sa mga natatanging yaman ng Bayan ng Marilao. Isa itong krusipiho na may kakaibang paglalarawan sa paghihirap ng ating Panginoong Jesus. Ang krusipiho ay nagpapakita kay Jesus na agaw-buhay na nakabayubay sa krus habang ang isang anghel, dala-dala ang isang kalis, ay matamang nakaantabay upang sahurin ang pagpatak ng Kanyang Mahal na Dugo. Iilan lamang sa Pilipinas ang may ganitong paglalarawan sa Mahal na Señor kaya gayon na lamang ang pagmamalaki ng mga taga-Marilao rito.









Salinan ng Krus
      Mayaman sa tradisyon ang pagdiriwang ng pista ng Bisitang Matanda. Pinagdiriwang ito tuwing ikatlong linggo matapos ang Pasko ng Pagkabuhay. Ang kapistahang ito, na bukod sa pistang bayan, ay tila isang bato-balaning humahatak pabalik sa mga dating Marileñong naninirahan na sa ibang mga bayan at lungsod upang mamintuho at makipista. Sa taong ito ng kanilang pagpipista, bukod sa isang Hermano Mayor na nangangasiwa sa mga gawaing may kinalaman sa pagpipista, mayroong siyamnapung hermanos mayores ang nagtutulong-tulong na itaguyod ang kapistahan. Bawat isang hermano ay nag-aalaga ng maliit na krus na ipinasa sa kanila ng noong nakaraang pista. Buong taong mamalagi sa kanila ang krus na kanila naman isasalin sa susunod na hermano sa araw ng kapistahan. Tinatawag nila itong “Salinan ng Krus” na isinasagawa matapos ang misa sa gabi. 

     Pagtapos ng salinan na tumatagal ng isang oras dahil na rin sa dami ng mga sasalinan, isa-isa nang dumarating ang maliliit na batang babaeng nakasuot ng magagandang damit upang iprusisyon ang mga maliliit na krus. Sila ay karaniwang kaanak ng mga hermano na kakatawan sa kanila upang ilibot sa kabayanan ang krus na kanilang inalagaan kasabay ng paglabas ng mahimalang larawan ng Mahal na Señor. Matapos ang prusisyon, karaniwan nang nagkakaroon ng salu-salo sa tahanan ng mga heramano bilang pasasalamat sa pagpapalang tinamo nila sa buong taon.

     Nakatutuwang isipin na bagamat nagsarili na ang Marilao bilang isang parokya, dalawang daan at labimpitong taon na ang nakalilipas, ang pagpipista sa Bisitang Matanda, na siyang tulay na nagkakawing sa kasaysayan ng mga bayan ng Marilao at Meycauayan ay hindi pa rin nalilimutan. Patunay ito ng malapit na ugnayang nagdurugtong sa dalawang bayan.

22 Abril, 2013
Lungsod ng Meycauayan