Sunday, December 30, 2012

Araw ni Dr. Jose P. Rizal, Martir at Bayaning Kayumanggi

Fusilamiento del mártir Dr. José Rizal en Manila 1896


Sa araw na ito, ika-30 ng Disyembre ay ginugunita ng sambayanang Pilipino ang kabayanihan ni Dr. Jose Rizal. Bagamat maraming mga Pilipino noon ang lumaban sa mga dayuhan sa pamamagitan ng dahas, ipinagbubunyi ng lahing kayumanggi ang katangi-tangi niyang kontribusyon sa pagkakamit ng kalayaan ng bansa sa pamamagitan ng talino at panulat. 

Gamit ang tinta at pluma, kanyang tinuligsa ang pamahalaang Espanyol sa Pilipinas na kanilang ikinagalit dahilan upang siya ay paratangan na siya ang nangasiwa at namuno sa pag-aalsa ng mga Pilipino, tagapagtatag ng mga lihim na kapatiran, may-akda ng mga pahayagan at aklat na humimok sa mga Pilipino na maging mapaghimagsik at ang pangunahing pilibustero ng bansa. 


Sa mga paratang na ito siya ay nilitis sa isang hukumang militar na pinagkait sa kanya ang karapatan niyang makapli ng manananggol. Bagkus, siya ay binigyan ng isang listahan ng mga bagong manananaggol na kalian man ay hindi pa niya nakikilala. Doon ay pinili niya si Luis Taviel Andrade na buong pagsisigasig na pinag-aralan ang kaso ng kanyang kliyente. Sinikap niyang mabigyan ng patas na laban ang kaso ni Rizal subalit ang kanyang pagod at hirap ay nauwi sa pagkatalo. Hindi pinayagan na maipakita sa hukumang militar ang ilan pa sa kanilang mga ebidensya sapagkat ayon sa kanila, ang mga nakalipas na kaganapan may kaugnayan sa pag-aalsa ng mga indio, ang pag-uugnay ng kanyang pangalan sa mga pag-aalsa at ang kanyang pagiging Mason ay sapat na upang siya ay hatulan ng kamatayan. Hinatulan siyang mamatay sa pamamagitan ng pagbabaril sa kanya noong ika-30 ng Disyembre, 1986. 

Dinala siya noong ika-29 ng Disyembre, 1896, isang araw bago siya bitayin sa sa isang pansamantalang kapilya upang doon ay manatili hanggang sa araw ng paggagawag ng bitay sa kanya. Doon ay sinasabing kanyang binawi ang kanyang mga sinabi, pinahayag at isinulat laban sa pamahalaan at simbahan upang maikasal siya kay Josephine Bracken at upang maigawad sa kanya ang mga huling sakramento ng simbahang Katoliko.
  
Kasama ng napakaraming sundalo, ilang mga pari at ng mga nagbubunying Espanyol, siya ay naglakad mula sa Fuerza de Santiago hanggang sa Luneta, sa lugar na malapit sa pinagbitayan sa tatlong paring Martir na GomBurZa. Ang kanyang hiling na mabaril nang nakaharap sapagkat ayon sa kanya, siya ay hindi nagtaksil sa bayan ay hindi pinayagan ngunit sinubukan pa rin niya na pumihit paharap bago siya tamaan ng punglong kumitil sa kanyang buhay.

Sa pagkamatay niyang ito, ipinagbunyi ng mga nanonood na mga Espanyol ang tagumpay ng Espanya sa pamamagitan ng pagtugtog ng banda ng Marcha ng Cadiz. Ipinagkait kay Rizal ang isang disenteng libing sapagkat siya ay ibinaon sa Cemeterio de Paco nang walang kabaong.  Ag pagkamatay na ito ni Rizal ay naging hudyat upang lalong mag-alab ang pagnanasa ng mga Pilipino upang labanan ang mga pang-aapi ng mga Kastila. Labing-anim na taon mula noong siya ay mamatay, inilipat ang kanyang mga labi mula sa tahanan ng kanyang kapatid sa Binondo patungo sa monumentong itinayo sa kanyang alaala sa Luneta.

Sa taong ito, 2012, inaalala rin ng sambayanang Pilipino ang ika-100 taon ng paglilipat ng kanyang mga labi sa Stella Motto, ang Bantayog ni Rizal sa Bagumbayan.

Wednesday, December 12, 2012

Simbang Gabi sa Meycauayan

Ang Simbang Gabi ay isang kinaugaliang Pilipino na pagdaraos ng Banal na Misa sa sa loob ng siyam na araw bago sumapit ang araw ng Pasko. Tinatawag din itong Misa de Gallo  o "misa ng tandang", sapagkat sa hudyat ng pagtilaok ng tandang tuwing madaling-araw bumabangon ang madla upang maghanda sa misa sa mga simbahan. Isa itong natatanging tradisyon sa Pilipinas na nagmula pa noong panahon ng mga Kastila na magpahanggang sa ngayon ay patuloy pa rin nating ginagawa.

Sa ilang taon ko na ring tungkulin bilang tagahanda ng powerpoint presentation para sa misa sa parokya, halos taon-taon kong nakukumpleto ang Simbang Gabi. Kaunting sakripisyo ng paggising sa umaga upang magbigay parangal at papuri sa isang Diyos na nag-alay ng sarili, nagpakababa upang maging katulad natin at upang tayo ay maligtas. 

Inaanyayahan ang lahat ng mga mananampalataya sa Parokya ni San Francisco ng Assisi na makiisa sa pagsasagawa ng Simbang Gabi mula ika-16 hanggang ika-24 ng Disyembre, 2012. May mga misa sa parokya sa ganap na ika-4 at ika-6 ng umaga. 
 
Inaanyayahan din ang lahat na maghandog ng anumang inyong makakayanan tulad ng canned goods, noodles at bigas para sa ating taunang pamaskong handog. Maaari po ninyo itong isama sa prusisyon ng mga alay.