Marami tayong pinagsamahan sa nakalipas na isang taon. Sabay
tayong umasang magiging masaya at mabunga ang pagdating mo. Buo ang pananalig
natin na bubukal sa iyong taon ang mga biyaya nagmumula sa Kanyang pagpapala.
Magkatuwang nating hinawan ang mga sagwil at hadlang upang
maging matiwasay ang pagtahak ko sa bagong daigdig na kasalukuyan kong
iniinugan. Pinaunawa mo sa akin na kailangan kong magbago, kahit ang
pagpapanibago ay hindi madali. Unti-unti, tinuruan mo akong kumalas sa mga
bagay na mahal sa akin. Sapagkat walang anumang mananatiling pangmatagalan sa
mundong ito. At ang pagyakap sa pagbabago ay daan upang matuklasan ko kung ano
pa ang nakahain para sa akin.
Kasama rin kita nang muli kong buksan ang aking sarili. At
sa pagbubukas na ito, nabigo man sa ilan, alam kong darating ang panahon na
masaya kong ipipinid itong muli.
Hindi naging madali ang pagtahak natin sa mga lumipas na
araw na kasama kita. Napaluha mo ako noong nagpasya akong umalis sa pangalawa
kong tahanang pumanday sa akin kung ano ako ngayon. Nakaramdam ako ng pait sa
mga pangyayaring hindi ko kayang pigilan. Pinanghinayangan ko ang mga
pagkakataong aking pinalampas at mga bagay na hinayaang mawaglit sa akin. Ngunit
sa kabila ng mga ito, tinuruan mo akong maging matatag. Nanatili akong
nakatayo, bumagsak man ay muling bumangon. Lumalaban. Nang malampasan natin ang
mga ito, higit akong naging malakas.
Salamat at kahit na ika’y may dalang lungkot at pagkawasak,
pinalago mo ang aming pananampalataya. Mananatili kang nakatatak sa amin. Ang
iyong mga bilang ay umukit ng mahalagang kasaysayang tanging ako lamang ang
nakatatalos Sa iyong pag-alis, taglay ko ang mga alaalang bumuo sa akin bilang
ako. Salamat. Maraming salamat.
01 Enero, 2014
Lungsod ng Meycauayan, Bulacan