Sunday, December 30, 2012

Araw ni Dr. Jose P. Rizal, Martir at Bayaning Kayumanggi

Fusilamiento del mártir Dr. José Rizal en Manila 1896


Sa araw na ito, ika-30 ng Disyembre ay ginugunita ng sambayanang Pilipino ang kabayanihan ni Dr. Jose Rizal. Bagamat maraming mga Pilipino noon ang lumaban sa mga dayuhan sa pamamagitan ng dahas, ipinagbubunyi ng lahing kayumanggi ang katangi-tangi niyang kontribusyon sa pagkakamit ng kalayaan ng bansa sa pamamagitan ng talino at panulat. 

Gamit ang tinta at pluma, kanyang tinuligsa ang pamahalaang Espanyol sa Pilipinas na kanilang ikinagalit dahilan upang siya ay paratangan na siya ang nangasiwa at namuno sa pag-aalsa ng mga Pilipino, tagapagtatag ng mga lihim na kapatiran, may-akda ng mga pahayagan at aklat na humimok sa mga Pilipino na maging mapaghimagsik at ang pangunahing pilibustero ng bansa. 


Sa mga paratang na ito siya ay nilitis sa isang hukumang militar na pinagkait sa kanya ang karapatan niyang makapli ng manananggol. Bagkus, siya ay binigyan ng isang listahan ng mga bagong manananaggol na kalian man ay hindi pa niya nakikilala. Doon ay pinili niya si Luis Taviel Andrade na buong pagsisigasig na pinag-aralan ang kaso ng kanyang kliyente. Sinikap niyang mabigyan ng patas na laban ang kaso ni Rizal subalit ang kanyang pagod at hirap ay nauwi sa pagkatalo. Hindi pinayagan na maipakita sa hukumang militar ang ilan pa sa kanilang mga ebidensya sapagkat ayon sa kanila, ang mga nakalipas na kaganapan may kaugnayan sa pag-aalsa ng mga indio, ang pag-uugnay ng kanyang pangalan sa mga pag-aalsa at ang kanyang pagiging Mason ay sapat na upang siya ay hatulan ng kamatayan. Hinatulan siyang mamatay sa pamamagitan ng pagbabaril sa kanya noong ika-30 ng Disyembre, 1986. 

Dinala siya noong ika-29 ng Disyembre, 1896, isang araw bago siya bitayin sa sa isang pansamantalang kapilya upang doon ay manatili hanggang sa araw ng paggagawag ng bitay sa kanya. Doon ay sinasabing kanyang binawi ang kanyang mga sinabi, pinahayag at isinulat laban sa pamahalaan at simbahan upang maikasal siya kay Josephine Bracken at upang maigawad sa kanya ang mga huling sakramento ng simbahang Katoliko.
  
Kasama ng napakaraming sundalo, ilang mga pari at ng mga nagbubunying Espanyol, siya ay naglakad mula sa Fuerza de Santiago hanggang sa Luneta, sa lugar na malapit sa pinagbitayan sa tatlong paring Martir na GomBurZa. Ang kanyang hiling na mabaril nang nakaharap sapagkat ayon sa kanya, siya ay hindi nagtaksil sa bayan ay hindi pinayagan ngunit sinubukan pa rin niya na pumihit paharap bago siya tamaan ng punglong kumitil sa kanyang buhay.

Sa pagkamatay niyang ito, ipinagbunyi ng mga nanonood na mga Espanyol ang tagumpay ng Espanya sa pamamagitan ng pagtugtog ng banda ng Marcha ng Cadiz. Ipinagkait kay Rizal ang isang disenteng libing sapagkat siya ay ibinaon sa Cemeterio de Paco nang walang kabaong.  Ag pagkamatay na ito ni Rizal ay naging hudyat upang lalong mag-alab ang pagnanasa ng mga Pilipino upang labanan ang mga pang-aapi ng mga Kastila. Labing-anim na taon mula noong siya ay mamatay, inilipat ang kanyang mga labi mula sa tahanan ng kanyang kapatid sa Binondo patungo sa monumentong itinayo sa kanyang alaala sa Luneta.

Sa taong ito, 2012, inaalala rin ng sambayanang Pilipino ang ika-100 taon ng paglilipat ng kanyang mga labi sa Stella Motto, ang Bantayog ni Rizal sa Bagumbayan.

Wednesday, December 12, 2012

Simbang Gabi sa Meycauayan

Ang Simbang Gabi ay isang kinaugaliang Pilipino na pagdaraos ng Banal na Misa sa sa loob ng siyam na araw bago sumapit ang araw ng Pasko. Tinatawag din itong Misa de Gallo  o "misa ng tandang", sapagkat sa hudyat ng pagtilaok ng tandang tuwing madaling-araw bumabangon ang madla upang maghanda sa misa sa mga simbahan. Isa itong natatanging tradisyon sa Pilipinas na nagmula pa noong panahon ng mga Kastila na magpahanggang sa ngayon ay patuloy pa rin nating ginagawa.

Sa ilang taon ko na ring tungkulin bilang tagahanda ng powerpoint presentation para sa misa sa parokya, halos taon-taon kong nakukumpleto ang Simbang Gabi. Kaunting sakripisyo ng paggising sa umaga upang magbigay parangal at papuri sa isang Diyos na nag-alay ng sarili, nagpakababa upang maging katulad natin at upang tayo ay maligtas. 

Inaanyayahan ang lahat ng mga mananampalataya sa Parokya ni San Francisco ng Assisi na makiisa sa pagsasagawa ng Simbang Gabi mula ika-16 hanggang ika-24 ng Disyembre, 2012. May mga misa sa parokya sa ganap na ika-4 at ika-6 ng umaga. 
 
Inaanyayahan din ang lahat na maghandog ng anumang inyong makakayanan tulad ng canned goods, noodles at bigas para sa ating taunang pamaskong handog. Maaari po ninyo itong isama sa prusisyon ng mga alay.

Friday, November 30, 2012

Ika-30 ng Nobyembre, Araw ni Bonifacio

Sa araw na ito, ika-30 ng Nobyembre, ginugunita ang kapanganakan ng dakilang bayaning Pilipino na si Andres Bonifacio. Noong taong 1974,  isang Palatandaang Pangkasaysayan ang inilagay sa lugar ng kanyang kapanganakan sa Tondo, Maynila, sa isang bahagi ng Divisoria ngayon, bilang paggunita sa kanyang kabayanihan.

Andres Bonifacio (1863-1897)

Isinilang sa pook na ito noong ika-30 ng Nobyembre, 1863. Lumaki sa pagdaralita ngunit natuto sa sariling pagsisikap at likas na katalinuhan. Lumabas sa mga dulang Tagalog sa pamamahala ng Teatro Porvenir sa Trozo. Itinatag ang mapanghimagsik na Katipunan nang manga Anak ng Bayan noong ika-7 ng Hulyo, 1892 na ang layo'y makamtan ang kasarinlan ng bayan. Namuno sa paghihimagsik laban sa mga Kastila noong 1896 na humantong sa Republika ng Pilipinas noong 1898.
 Namatay sa Kabite noong ika-10 ng Mayo, 1897.

Friday, November 2, 2012

Mga Obserbasyon sa Nakaraang Undas 2012


Hindi namin nakasanayan sa pamilya na tawaging Undas ang November 1. Mas sanay kaming tukuyin ang araw na iyon na Todos los Santos. Sabagay, ang araw naman talaga na iyon ay nakalaan para sa paggunita sa lahat ng mga santong itinalaga ng simbahan. Marahil dahil sa malapit na kultura ng mga Mehikano at ng mga Pilipino, naging tradisyon na rin natin na gunitain ang araw na ito bilang Araw ng mga Patay o Dia delos Muertes. Pero bakit nga ba “undas?” Sinasabing ang undas ay galing sa mga salitang kastila na “honras de funebres.” Isa itong monumentong gingawa upang alalahanin ang mga yumao. Tinatawag din itong “tomba” o “tumba.” Sa aming parokya, may gumagawa pa rin ng tumba tuwing sasapit ang buwan ng Nobyembre upang gunitain ang mga kaluluwa ng mga namatay. Hinuhulugan nila ang tumba ng mga pangalan ng mga namatay na nais nilang maisama sa lahat ng mga misa sa buwang iyon.

Dalawang sementeryo ang pinupuntahan naming mag-anak. Ang pampublikong sementeryo ng Meycauayan kung saan nakalibing ang aking tatay at ang kanilang pamilya at ang Cementerio Catolico de Meycauayan kung saan naman nakahimlay ang mga yumao sa pamilya nina nanay.

Matatagpuan ang Pampublikong Sementeryo ng Meycauayan sa Calvario. Hindi na rito tumatanggap pa ng mga bagong libing dahil sinasabing magkakaroon daw ng pagsasaayos sa sementeryo na ilang taon na ring napapabalita. Sa totoo lang, tama rin na huwag munang tumanggap ng mga bagong libing sapagkat nangangailangan na ng pagsasayos ang naturang himlayan. Makikitang ang mga nichong apartment type ay umaabot na sa ikawalo hanggang ikasiyam na palapag na kung titignan ay mapapansing walang naiwang pagkakakilanlan kung sino ba ang nakalibing doon. Ilan din sa mga nichong iyon ay tinubuan na ng mga puno ng balete na naging sanhi ng pagbibitak ng mga ito. Maputik din sa loob lalo na sa panahon ng tag-ulan at sa tuwing bumabagyo. Maswerte na lang at hindi ito nakalagay sa mababang lugar kaya hindi ito binabaha. Maraming mga nicho ang iniwang bukas matapos na ipa-exhume ang mga labi na marahil ay ililipat na ng bagong libingan sa ibang lugar upang hindi madamay sa pagsasaayos. Sa pangkalahatan, nakalulungkot ang kalagayan ng sementeryong ito. Nais man namin mailipat si tatay sa cementerio catolico, hindi pa namin ito maisagawa dahil kung magkakagayon, kailangan na maisama ang mga kapamilya niya.

Matagal nang nakatayo ang Cemeterio Catolico de Meycauayan. Panahon pa lamang ng mga Kastila, pinaglilibingan na ng mga yumaong katoliko ang sementeryong ito. Mayroon itong isang ermitang yari sa bato na nagsisilbing mortuary chapel noon na ipinagawa sa mga huling taon ng panunungkulan ni Fray Benito de Madridejos (1850-1852) bilang kura paroko. Maraming sinaunang nicho sa paligid ng kapilyang ito ngunit dahil sa pagsasaayos ng mga libing sila ay nawala at nasira. Napakaraming mga sinaunang libing na yari sa adobe ang wala na at napalitan na ng mga bagong gawang hollow blocks. May bakod na yari sa bato at isang tarangkahang yari sa bakal ang sementeryo na ipinagawa noong 1885. 


Ang pinakamatandang lapidang yari sa bato (1920’s) ay makikita sa likod ng bakod na ito ay pinangangambahang masira sapagkat nadamay ito sa pagpapataas at pagsesemento ng daan.  Talaga bang kinakailangan isakripisyo ang pamanang kultura upang mabigyang-daan ang pagsasaayos?








Sa nakaraang paggunita sa mga yumao, kitang-kita ang kawalan ng disiplina ng maraming mga Pilipino. Maingay sa sementeryo. Napakaraming naghuhuntahan tungkol sa mga buhay-buhay, patay man o buhay. Nagkalat ang basura. Walang basurahan sa mga sementeryo. Sa likuran nga namin ay may isang tumpok ng basura na kung titignang mabuti ay may mga tela at foam na mula sa ataul na gamit na. Iilan ang nagdarasal. Kaunti ang makikita mong nagrorosaryo o kaya ay nagsa-San Gregorio.

Marami akong hinahanap. Ngunit kung pakasusuriin, sa dami ng mga taong dumadalaw sa mga sementeryo kahapon, mabuti na ring isipin na nabubuklod pa rin ng pagpapahalaga sa pamilya ang mga Pilipino, patay man o buhay.

Saturday, October 20, 2012

Sa araw na ito...

Isinilang si Arsobispo Artemio Gabriel Casas sa Poblacion, Meycauayan, Bulacan noong ika-20 ng Oktubre 1911. Panganay sa  mga supling nina Exequiel Casas at Maria Gabriel. Nag-aral siya sa Colegio de San Juan de Letran at nagtapos sa Pamantasan ng Santo Tomas.

Ika-20 Marso, 1938 nang ordinahan siya sa pagkapari at unang naging destino niya ang Paombong, Bulacan bilang coadjutor. Di lumaon at nalipat siya sa Parokya ng San Roque sa Probinsya ng Rizal at Inmaculata Concepcion sa Tayuman Maynila.

Ika-17 ng Enero, 1956 nang siya ay italaga bilang Monsignor (Domestic Prelate) sa San Miguel, Maynila ni Lub. Kgg Rufino J. Santos D.D., Arsobispo ng Maynila. Kasabay niyang itinalaga sina Reb P.  Pedro Abad na tubong-Meycauayan din at ng lima pang paring taga-Bulacan na Sina P. Guillermo Mendoza ng Bocaue, P. Jose Aguinaldo ng Hagonoy, P. Fernando Mempin ng Baliauag, P. Honorio Resurreccion at Francisco Avendano na parehong taga-Obando. Kasabay din nila Si P. Felix Sicat na naging kura paroko ng ating simbahan. Siya ay nahirang na Rector ng Katedral ng Maynila mula 1956 hanggang sa mahirang na Obispo ng Imus noong ika-1 ng Disyembre, 1961 at Inordinahang Obispo ni Rufino Jiao Cardinal Santos noong ika-24 ng Pebrero, 1962 sa Imus, Cavite kung saan siya naglingkod hanggang 1969.
           
Ika-4 ng Setyembre, 1968 nang hiranging siya bilang Katuwang na Obispo ng Maynila at Obispo Titular ng “Macriana Minor”. Si Obispo Casas ay nanilbihang Chancellor sa Arkidiyosesis ng Maynila sa kapanahunan ni Cardinal Santos at nanungkulan din bilang Censor Librorum.

Noong yumao si Cardinal Santos, siya ang nahirang na “Vicar Capitular” at di naglaon ay naging Arsobispo ng Jaro Iloilo kapalit ni Jaime Cardinal Sin na nahirang naman bilang Arsobispo ng Maynila noong ika-11 ng Mayo, 1974. Nanungkulan siyang arsobispo sa Jaro hanggang ika-25 ng Oktubre,1985.

            Pumanaw noong ika-25 Marso 1989 sa gulang na 78, bilang Arsobispo Emerito ng Jaro, pari sa loob ng 51 taon at obispo ng 27 taon. Tunay na alagad ng simbahan,  mapagmahal na ama ng Jaro at dakilang Anak ng Meycauayan. Siya ay inilibing sa may paanan ng kampanaryo ng ating Simbahan, ang simbahang umugit at naging inspirasyon niya sa pagtahak sa buhay paglilingkod sa Diyos at sa Kapwa.

*Sanggunian: N. S. P. S. Francisco de Asi: Kasaysayan ng Buhay-Pananampalataya ng Meycauayan ni Ronaldo Dionisio et al.

Thursday, October 18, 2012

Sa araw na ito...

Ika-18 ng Oktubre, 1973, itinalaga ang Lubhang Kagalang-galang Cirilo R. Almario, Jr., D. D. bilang Obispo Titular ng Zaba at Katulong na  Obispo (coadjutor bishop) ng Diyosesis ng Malolos sa Katedral ng Lipa, Batangas.

Si Obispo Cirilo ay ipinanganak sa Caridad, Lungsod ng Cavite noong ika-11 ng Enero, 1931 at inordinahang pari noong Ika-30 ng Nobyembre, 1956 sa Maynila. Humalili siya kay Obispo Manuel Del Rosario, ang kauna-unahang obispo ng Diyosesis ng Malolos. Pansamantala namalagi si Obispo Cirilo sa bagong kumbento ng Parokya ni San Idefonso ng Toledo sa Guiguinto at nanatili doon sa loob ng tatlong taon matapos ang pagpapagawa ng kumbento ng Katedral ng Malolos na siyang magiging Palasyo ng Obispo. Ilan sa mga posisyong kanyang hinawakan ay ang mga sumusunod: Kalihim ng Kapulungan ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas (CBCP) mula 1976-1981, puno ng CBCP Public Affairs Committee and CBCP Commission on Biblical Apostolate. Naging punong abala siya sa paghahanda sa kauna-unahang pagbisita ng Santo Papa, Beato Juan Pablo II noong 1981. Bumaba sa tungkulin at naging Obispo Emerito ng Malolos noong ika-20 ng Enero, 1996. Kasalukuyang namamalagi sa kumbento ng mga madre ng Religious Catechists of Mary na kanyang itinatag.

Thursday, August 30, 2012

Awiting Pilipino: Mamang Sorbetero

Tulad noong nakaraang taon, bilang gawaing panapos para sa Buwan ng Wika, ang korong pampaaralan na aking pinamumunuan ay maghahandog ng isang awitin para sa mga mag-aaral ng St. Mary's College of Meycauayan. Sa taong ito ay aawitin nila ang kantang "Mamang Sorbetero".

Ang awiting “Mamang Sorbetero” ay pinasikat ni Celeste Legaspi nang magsimulang sumahimpapawid ito noong katapusan ng dekada 70. Ang himig ng awit na ito ay nilikha ng sikat na mag-aawit at kompositor na si Jose Mari Chan noong 1979 para sa pelikulang “Mamang Sorbetero” na ginampanan ni din Celeste Legaspi at ng dating Pangulong Joseph Estrada bilang isang pelikulang kalahok sa Metro Manila Film Festival. Ngunit alam nyo ba na ang himig o ang melody ng awit na ito ay hango sa isang awiting sinulat din ni Jose Mari Chan noong kalagitnaan ng dekada 70 na pinamagatang “Mr. Songwriter?” Si Gryk Ortaleza, isang sikat na advertiser noong kanyang panahon, ang naglapat ng mga titik sa wikang Tagalog para sa awiting ito. Dahil sa tagumpay ng pelikulang “Mamang Sorbetero”, naging popular ang nasabing kanta kasabay din ng pagsikat ni Celeste bilang isang aktres at mang-aawit.

Noong ika-27 ng Hulyo, 2012, inawit ng Marian Music Ministry ang nasabing kanta sa isang konsyerto na pinangunahan ng Our Lady of Fatima University Chorale na pianagatang "Heal the World: A Night of Chorale Music na ginanap sa Pambansang Dambana ng Mahal na Birhen ng Fatima sa Marulas, Lungsod ng Valenzuela.