Hindi namin nakasanayan sa pamilya na tawaging Undas ang
November 1. Mas sanay kaming tukuyin ang araw na iyon na Todos los Santos.
Sabagay, ang araw naman talaga na iyon ay nakalaan para sa paggunita sa lahat
ng mga santong itinalaga ng simbahan. Marahil dahil sa malapit na kultura ng
mga Mehikano at ng mga Pilipino, naging tradisyon na rin natin na gunitain ang
araw na ito bilang Araw ng mga Patay o Dia delos Muertes. Pero bakit nga ba
“undas?” Sinasabing ang undas ay galing sa mga salitang kastila na “honras de
funebres.” Isa itong monumentong gingawa upang alalahanin ang mga yumao.
Tinatawag din itong “tomba” o “tumba.” Sa aming parokya, may gumagawa pa rin ng
tumba tuwing sasapit ang buwan ng Nobyembre upang gunitain ang mga kaluluwa ng
mga namatay. Hinuhulugan nila ang tumba ng mga pangalan ng mga namatay na nais
nilang maisama sa lahat ng mga misa sa buwang iyon.
Dalawang sementeryo ang pinupuntahan naming mag-anak. Ang
pampublikong sementeryo ng Meycauayan kung saan nakalibing ang aking tatay at
ang kanilang pamilya at ang Cementerio Catolico de Meycauayan kung saan naman
nakahimlay ang mga yumao sa pamilya nina nanay.
Matatagpuan ang Pampublikong Sementeryo ng Meycauayan sa
Calvario. Hindi na rito tumatanggap pa ng mga bagong libing dahil sinasabing
magkakaroon daw ng pagsasaayos sa sementeryo na ilang taon na ring
napapabalita. Sa totoo lang, tama rin na huwag munang tumanggap ng mga bagong
libing sapagkat nangangailangan na ng pagsasayos ang naturang himlayan.
Makikitang ang mga nichong apartment type ay umaabot na sa ikawalo hanggang
ikasiyam na palapag na kung titignan ay mapapansing walang naiwang
pagkakakilanlan kung sino ba ang nakalibing doon. Ilan din sa mga nichong iyon
ay tinubuan na ng mga puno ng balete na naging sanhi ng pagbibitak ng mga ito.
Maputik din sa loob lalo na sa panahon ng tag-ulan at sa tuwing bumabagyo.
Maswerte na lang at hindi ito nakalagay sa mababang lugar kaya hindi ito
binabaha. Maraming mga nicho ang iniwang bukas matapos na ipa-exhume ang mga
labi na marahil ay ililipat na ng bagong libingan sa ibang lugar upang hindi
madamay sa pagsasaayos. Sa pangkalahatan, nakalulungkot ang kalagayan ng
sementeryong ito. Nais man namin mailipat si tatay sa cementerio catolico,
hindi pa namin ito maisagawa dahil kung magkakagayon, kailangan na maisama ang
mga kapamilya niya.
Matagal nang nakatayo ang Cemeterio Catolico de Meycauayan.
Panahon pa lamang ng mga Kastila, pinaglilibingan na ng mga yumaong katoliko
ang sementeryong ito. Mayroon itong isang ermitang yari sa bato na nagsisilbing
mortuary chapel noon na ipinagawa sa mga huling taon ng panunungkulan ni Fray
Benito de Madridejos (1850-1852) bilang kura paroko. Maraming sinaunang nicho
sa paligid ng kapilyang ito ngunit dahil sa pagsasaayos ng mga libing sila ay
nawala at nasira. Napakaraming mga sinaunang libing na yari sa adobe ang wala
na at napalitan na ng mga bagong gawang hollow blocks. May bakod na yari sa
bato at isang tarangkahang yari sa bakal ang sementeryo na ipinagawa noong 1885.
Ang pinakamatandang lapidang yari sa bato (1920’s) ay makikita sa likod ng
bakod na ito ay pinangangambahang masira sapagkat nadamay ito sa pagpapataas at
pagsesemento ng daan. Talaga bang
kinakailangan isakripisyo ang pamanang kultura upang mabigyang-daan ang
pagsasaayos?
Sa nakaraang paggunita sa mga yumao, kitang-kita ang kawalan
ng disiplina ng maraming mga Pilipino. Maingay sa sementeryo. Napakaraming
naghuhuntahan tungkol sa mga buhay-buhay, patay man o buhay. Nagkalat ang
basura. Walang basurahan sa mga sementeryo. Sa likuran nga namin ay may isang
tumpok ng basura na kung titignang mabuti ay may mga tela at foam na mula sa
ataul na gamit na. Iilan ang nagdarasal. Kaunti ang makikita mong nagrorosaryo
o kaya ay nagsa-San Gregorio.
Marami akong hinahanap. Ngunit kung pakasusuriin, sa dami ng
mga taong dumadalaw sa mga sementeryo kahapon, mabuti na ring isipin na nabubuklod
pa rin ng pagpapahalaga sa pamilya ang mga Pilipino, patay man o buhay.