Sunday, February 3, 2013

Bakit Pebrero ang Pista ng La Purisima sa Sta. Maria, Bulacan?



Sa darating na Unang Huwebes ng Pebrero, muling ipagdiriwang ng bayan ng Sta. Maria sa Bulacan ang  kapistahan ng kanilang patrona, ang La Purisima Concepcion. Kasabay din nito, kanilang ginugunita ang ika-221 guning taon ng pagkakatatag ng kanilang bayan.

Ang pagpipista ng La Purisima ng Sta. Maria ay maituturing na isa sa mga panatang laganap sa katimugang bahagi ng Bulacan kung saan ang pananampalatayang Kristiyano ay ipinunla ng mga Franciscano.  Sa simula ng kanyang nakatalang kasaysayan, ang Sta. Maria ay dating sakop ng bayan ng Bocaue na sakop naman noon ng Meycauayan. Ang mga bisita ng Sta. Maria, Bagbaguin at Sta. Cruz ay inihiwalay sa Bukawe upang maging isang ganap na “Pueblo”. Ito ay tinawag na Sta. Maria de Pandi. Matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nahiwalay naman sa Sta. Maria ang bayan ng Pandi.

Pinangalanang Sta. Maria ang bayan dahil sa pamimintuho ng mga naninirahan doon sa Mahal na Birheng Maria sa titulong La Purisima. Taon-taon ay dagsa ang mga deboto ng Banal na Ina upang bisitahin ang kanyang imahen sa bayan ng Sta. Maria. Di-mahulugang karayom ang mga nagsisimba sa loob at sa labas ng kanyang dambana sa araw ng kapistahan. Isang hayag na patunay ito ng walang-maliw na pananampalataya ng mga Katoliko sa bahaging ito ng Bulacan.

Dalawa ang pinaniniwalaang pinagmulan ng imahen. Una, sinasabing kasabay na dumating sa Pilipinas ng mga imahen ng Virgen dela Paz sa Antipolo at Virgen de Salambao ng Obando ang imahen ng La Purisima ng Sta. Maria. Ikalawa, iniukit ito ng isang prayleng kastila sa Galleon patungong Pilipinas para sa bayan gamit ang isang kahoy mula sa galleon na pinaglululanan niya. Nang mailuklok ang imahen, mula noon ay patuloy na sumailalim sa pamamatnubay niya ang bayan ng Sta. Maria. Hindi na rin mabilang ang mga himala at biyayang tinanggap ng bayan mula sa Diyos sa pamamagitan ng pamimintuho sa kanya.

Ayon sa mga panayam mula sa mga taga-Sta. Maria, ang imahen ay konektado sa Pista ng Candelaria, ang palilinis o Purificacion sa Mahal na Birheng Maria. Sa mga matatandang tala at sa mga libros canonicos ng simbahan, gamit ng parokya ang titulong La Purisima.

Noong kasagsagan ng Digmaang Pilipino-Amerikano, nasunog ang simbahan ng Sta. Maria kasama ang ilan pang mga gusali sa bayan. Isang deboto ng Mahal na Birhen ang nagligtas sa imahen. Mula noon, sa loob ng humigit-kumulang tatlumpung taon, walang nakaaalam kung saang lugar napunta ang mapaghimalang Birhen. Ilan sa mga balita ay matatagpuan daw ito sa bayan ng Gapan sa lalawigan ng Nueva Ecija. Isang babae diumano ang lumapit kay Teofilo Ramirez na nagsalaysay na ang imahen daw ay nasa isang kubong malapit sa isang ilog sa Gapan. Ang babaeng ito raw ay nanaginip na kinausap siya ng Mahal na Birhen na itinuro ang kanyang kinaroroonan. Binanggit din nitong nilisan ng Birhen ang bayan dahil sa napabayaan na siya ng kanyang tagapag-alagang si Apolonia Alarcon. Ipinahanap ni G. Ramirez ang imahen at ito ay natagpuan. Ibinilik ito sa simbahan ng Sta. Maria sa unang Huwebes ng Pebrero nang buong kasiyahan st simula noon ay ginunita na taun-taon ang pagkakabalik sa imahen mula nang ito ay mawala maliban na lamang kung papatak ang unang Huwebes sa Pista ng Candelaria.

Bago matapos ang dekada 90, ang imahen ay muling nawala bago sumapit ang kanyang kapistahan sapagkat ninakaw ang Birhen sa kanyang altar ng ilang masasamang-loob. Muling nanalangin ang mga deboto ng Birhen na sana ay maibalik ang imahen sa lalong madaling panahon. Ang kanilang panalangin ay nabigyan ng kasagutan sa tulong ng pinagsamang lakas ng mga pulis at ilang mapagmatyag na mamamayan nang makita ang imahen sa isang tindahan ng mga antigong gamit na nakahanda na upang iluwas sa ibang bansa. Bagama’t wala na ang kanyang mga lumang gamit, muling naibalik sa kanyang altar ang imaheng minamahal at pinag-aaalayan ng pagsinta ng mga taga-Sta. Maria.

03 Pebrero, 2013
Lungsod ng Meycauayan, Bulacan

2 comments:

  1. Malaking tulong po ang artikulo na ito. Maari ko po ba malaman ang sources na ginamit sa pagsulat ng artikulong ito? Dahil ako po ay nagtatangkang magsagawa ng pag-aaral tungkol din sa simbahan na ito bilang isang mamamayan ng Sta. Maria. Maraming Salamat po!

    ReplyDelete