Friday, August 9, 2013

Bulaklak ng Lahing Kalinis-linisan



- Jose Corazon de Jesus

Lakandiwa:                   Yamang ako’y siyang Haring inihalal
Binubuksan ko na itong Balagtasan,
                                     Lahat ng makata’y inaanyayahang
  Sa gawang pagtula ay makipaglaban.

Ang makasasali’y batikang makata
   At ang bibigkasi’y magagandang tula,
  Magandang kumilos, may gata sa dila
      At kung hindi ay mapapahiya.


     Itong balagtasa'y galing kay Balagtas
Na Hari ng mga Manunulang lahat,
     Ito’y dating Duplong tinatawag-tawag
Balagtasan ngayon ang ipinamagat.

  At sa gabing ito’y sa harap ng bayan
Binubuksan ko na itong Balagtasan
    Saka ang ibig kong dito’y pag-usapan:
                BULAKLAK NG LAHING KALINIS-LINISAN.

                                   Tinatawagan ko ang mga makata,
Ang lalong kilabot sa gawang pagtula,
                                   Lumitaw na kayo’t dito’y pumagitna
                                  At magbalagtasan sa sariling wika.

Paruparo:                   Magandang gabi sa kanilang lahat
              Mga nalilimping kawal ni Balagtas,
Ako’y paruparong may itim na pakpak
                                  At nagbabalita ng masamang oras.

Nananawagan po, bunying Lakandiwa,
Ang uod na dating ngayo’y nagmakata,
                                  Naging paruparo sa gitna ng tula
    At isang bulaklak ang pinipithaya.


    Sa ulilang harding pinanggalingan ko
     Laon nang panahong nagtampo ang bango,
    Nguni’t aywan baga’t sa sandaling ito
    Ay may kabanguhang binubuhay ako.

May ilang taon nang nagtampo sa akin
Ang bango ng mga bulaklak sa hardin,
Luksang Paruparo kung ako’y tawagin,
 mata ko’y luhaan, ang pakpak ko’y itim.

Bunying Lakandiwa, dakilang Gatpayo,
   Yaring kasawia’y pagpayuhan ninyo,
   At si Lakan-iLaw ang gagamitin ko
Upang matalunton ang naglahong bango.

Lakandiwa:               Sa kapangyarihan na taglay ko na rin
   Ikinagagalak na kayo’y tanggapin,
   Magtuloy po kayo at dito sa hardin,
   Tingnan sa kanila kung sino at alin.

Paruparo:               Sa aking paglanghap ay laon nang patay
 Ang bango ng mga bulaklak sa parang,
 Nguni’t ang puso ko’y may napanagimpang
 Bulaklak ng lahing kalinis-linisan.

Ang bulaklak ko pong pinakaiirog
Ubod na ng ganda’t puti ang talulot,
Bulaklak po ito ng lupang Tagalog,
Kapatak na luhang pangala’y kampupot.

Kung kaya po naman di ko masansala
Ang taghoy ng dibdib na kanyang  dinaya,
Matapos na siya’y diligan ng luha
Nang siya’y umunlad, nagtago…nawala!

Isang dapit-hapong palubog ang araw
Sa loob ng hardin, kami’y nagtaguan,
Paruparo, anya kita’y tatalian,
Ako’y hanapin mo’t kung makita’y hagkan.


Isang panyong puting may dagta ng lason
Ang sa aking mata’y itinakip noon,
At ang Bulaklak ko’y bumaba sa dahon,
Nagtago pa mandin at aking hinabol.

Hinabol-habol ko ang bango at samyo
Hanggang makarating ako sa malayo,
At nang alisin na ang takip na panyo
Wala si Kampupot, wala yaring puso.

Ang taguang biro’y naging totohanan
Hanggang tunay na ngang mawala sa tanaw,
At ang hinagpis ko noong ako’y iwan,
Baliw na mistula sa pagsisintahan.

Sa lahat ng sulok at lahat ng panig
Ay siya ang laging laman niring isip,
Matulog man ako’y napapanaginip,
Mistulang nalimbag sa sugatang dibdib.

Sa apat na sulok ng mundong payapa
Ang aking anino’y tulang nabandila,
Paruparo akong sa mata’y may luha,
Ang mga pakpak ko’y may patak na luksa.

Ang sakdal kong ito, Lakandiwang mahal,
Ibalik sa akin, puso kong ninakaw,
At kung si Kampupot ay ayaw po naman,
Ay ang puso niya sa aki’y ibigay.

Bubuyog:               Hindi mangyayari at ang puso niya’y
Karugtong ng aking pusong nagdurusa,
Puso ni Bulaklak pag iyong kinuha
Ang lalagutin mo’y dalawang hininga.

Pusong pinagtali ng isang pag-ibig
Pag pinaghiwalay kapanga-panganib,
Daga’t ma’t hatiin ang agos ng tubig,
Sa ngalan ng Diyos ay maghihimagsik.


Ang dalawang ibon na magkasintahan,
Papaglayuin mo’t kapwa mamamatay,
Kambal na pag-ibig pag pinaghiwalay,
Bangkay ang umalis, patay ang nilisan,

Paruparong sawing may pakpak na itim
Waring ang mata mo’y nagtatakipsilim,
At sa dahil sa diwang baliw sa paggiliw
“Di man Kampupot mo’y iyong inaangkin.

Dinaramdam ko rin ang dinaranas mo
At sa kasawia’y magkauri tayo,
Ako ma’y mayroong nawawalang bango
Ng isang bulaklak kaya naparito.

Buhat pa kanginang ikaw’y nangungusap
Bawat salita mo’y matulis na sibat,
Saka ang hanap mong mabangong bulaklak,
Luksang paruparo, siya ko ring hanap.

Ipahintulot mo, Paruparong luksa,
Dalitin ko yaring matinding dalita.
Itulot mo rin po, Hukom na dakila,
Bubuyog sa sawi’y makapagsalita.

Paruparo:              ‘Di ko pinipigil ang pagsasalaysay
Lalo’t magniningning ang isang katwiran,
Nguni’t tantuin mo na sa daigdigan
Ang bawa’t maganda’y pinag-aagawan.

Lakandiwa:            Magsalita kayo at ipaliwanang
Ang ubod ng lungkot na inyong dinanas,
Paano at saan ninyo napagmalas
Na ito ang siya ninyong hinahanap?

Bubuyog:               Sa isang malungkot at ulilang hardin
Ang binhi ng isang halama’y sumupling,
Sa butas ng bakod na tahanan namin
Ay kasabay akong isinisilang din.


Nang iyang halama’y lumaki, umunlad,
Lumaki ako’t tumibay ang pakpak,
At nang sa butas ko ako’y makalipad
Ang unang hinagka’y katabing bulaklak.

Sa kanyang talulot unang isinangla
Ang tamis ng aking halik na sariwa,
At sa aking bulong na matalinghaga
Napamukadkad ko ang kanyang sanghaya.

Nang mamukadkad na ang aking kampupot
Sa araw at gabi ako’y nagtatanod,
Langgam at tutubing dumapo sa ubod
Sa panibugho ko’y aking tinatapos.

Ngayon, tanda ko ngang kayo’y nagtaguan
Habang ako’y kanlong sa isang halaman,
Luksang paruparo nang ikaw’y maligaw
Ang aking halakhak ay nakabulahaw.

Ang inyong taguan, akala ko’y biro,
Kaya ang tawa ko’y abot sa malayo,
Ngani’t nang ang saya’y tumagos sa puso
Sa akin man pala ay nakapagtago.

Lumubog ang araw hanggang sa dumilim
Giliw kong bulaklak din dumarating,
Nang kinabukasa’t muling nangulimlim
Ay hinanap ko na ang nawalang giliw.

Nilipad ko halos ang taas ng langit
At tinalunton ko ang bakas ng ibig,
Ang kawikaan ko sa aking pag-alis
Kung di makita’y di na magbabalik.

Sa malaong araw na nilipad-lipad
Dito ko natunton ang aking bulaklak,
Bukong sa halik kokaya namukadkad
‘Di ko papayagang mapaibang palad.

Luksang Paruparo, kampupot na iyan,
Iyan ang langit ko, pag-asa at buhay,
Ang unang balik kong katamis-tamisan
Sa talulot niya ay nakalarawan.

Paruparo:              Hindi mangyayaring sa isang bulaklak
Kapwa mapaloob ang dalawang palad.
Kung ikaw at ako’y kanyang tinatanggap
Nagkasagi sana ang kanitang pakpak.

Ikaw ay Bubuyog, sa urang sumilang
Nang makalabas ka’y saka mo hinagkan:
Ako ay lumabas sa kanya ring tangkay,
Sino ang malapit sa pagliligawan?

Una muna akong nag-uod sa sanga
Na balot ng sapot ng pagkaulila,
Nang buksan ng Diyos yaring mga mata
Bulo’t dahon namin ay magkasama na.

Sa ugoy ng hangin sa madaling-araw
Nagduruyan kaming dalawa sa tangkay,
At kung bumabagyo’t malakas ang ulan,
Ang kanya ring dahon ang aking balabal.

Sa kanyang talulot kung may dumadaloy
Na patak ng hamog, aking iniinom;
Sa dahon ding iyon ako nagkakanlong
Sa init ng araw sa buong maghapon.

Paano ngang siya ay pagkakamalan
Na kami’y lumaki sa iisang tangkay,
Kaya nga kung ako’y sa kanya nabuhay
Ibig ko rin namang sa kanya mamatay.

Bubuyog:               Huwag kang matuwa sapagka’t kaniig
Niyaring bulaklak na inaaring langit,
Pagka’t tantuin mo sa ngalang pag-ibig
Malayo ma’t ibig, daig ang malapit.


Saka ang sabi mong sa mutyang kampupot
Nakikiinom ka ng patak ng hamog,
Kaunting biyaya na bigay ng Diyos,
Tapang ng hiya mong ikaw ang lumagok.

Ikaw’y isang uod, may bulo kang taglay;
Sa isang bulaklak laso’t kamatayan,
At akong bubuyog ang dala ko’y buhay
Bulong ng hiningang katamis-tamisan.

Paruparo:          Akong malapit na’y napipintasan mo,
Ikaw na malayo naman kaya’y pa’no?
Dalaw ka nang dalaw, di mo naiino,
Ay ubos na pala ang tamis sa bao.

Bubuyog na laging may ungol at bulong
Ay nakayayamot saan man pumaroon,
At ang katawan mo’y mayrong karayom
Pa’no kang lalapit, di naduro tuloy?


Di ka humahalik sa mga bulaklak,
Talbos ng kamote ang siya mong liyag,
Ang mga bintana’y iyong binubutas,
Doon ang bahay mo, bubuyog na sukab.

Ikaw ay bubuyog, ako’y paruparo,
Iyong mga bulong ay naririnig ko;
Kung dinig ng lahat ang panambitan mo
Hiya ni Kampupot, ayaw na sa iyo.

Bubuyog:               Kundi iniibig ang nakikiusap
Lalo na ang tahimik na  tatapat-tapat,
Kung ang magsalita’y di-magtamong-palad
Lalo na ang dungong di makapangusap.

Lilipad-lipad ka na payao’t dito
Pasagilang-bingit, at patanaw-tao,
Pag ligaw-matanda sa panahong ito
Pagtatawanan ka ng liligawan mo.

Ikaw’y paruparo, ako ay bubuyog
Nilang ka sa tangkay, ako ay sa bakod,
Nguni’t saang panig nitong sansinukob
Nakakatuwaan ang paris mong uod?

Saka, Paruparo, dapat mong malamang
Sa mula’t mula pa’y ‘di ka minamahal,
Ang panyong panali nang ikaw ay takpan
Ikaw ang may sabing may lason pang taglay.

Paruparo:              Ganyan ang hinalang namugad sa dibdib,
Pagka’t napaligaw ang aking pangmasid,
Hindi pala laso’t dagta ng pag-ibig
Ang sa aking panyo’y kanyang idinilig.

Bubuyog:               Dadayain ka nga’t taksil kang talaga
At sa mga daho’y nagtatago ka pa.

Paruparo:              Kung ako’y dinaya’t ikaw ang tatawa
Sa taglay kong bulo nilason na kita.

Bubuyog:               Pagka’t ikaw’y taksil, akin si Kampupot.
Siya’y bulaklak ko sa tabi ng bakod.

Paruparo:              Bulaklak nga siya’t ako’y kanyang uod.
Lakandiwa:            Tigil na Bubuyog, tigil Paruparo,
Inyo nang wakasan iyang pagtatalo;
Yamang di-malaman ang may-ari nito,
Kampupot na iya’y paghatian ninyo.

Bubuyog:               Kapag hahatiin ang aking bulaklak
Sa kay Paruparo’y ibigay nang lahat;
Ibig ko pang ako’y magtiis ng hirap
Kaya ang talulot niya ang malagas.

Paruparo:              Kung hahatiin po’y ayoko rin naman
Pagka’t pati ako’y kusang mamamatay;
Kabyak na kampupot, aanhin ko iyan
O buo wala nguni’t akin lamang.

Lakandiwa:        Maging si Solomong kilabot sa dunong
Dito’y masisira sa gawang paghatol;
Kapwa nagnanasa, kapwa naghahabol,
Nguni’t kung hatii’y kapwa tumututol.

Ipahintulot pong sa mutyang narito
Na siyang kampupot sabihin kung sino
Kung sino ang kanyang binigyan ng oo,
O kung si Bubuyog, o kung si Paruparo.

Kampupot:             Ang kasintahan ko’y ang luha ng langit,
                             Ang Araw, ang Buwan sa gabing tahimik,
                             At si Bubuyog po’t paruparong bukid,
                             Ay kapwa hindi ko sila iniibig.

Paruparo:              Matanong nga kita, sinta kong bulaklak,
                             Limot mo na baga ang aking pagliyag?
                             Limot mo na bagang sa buong magdamag
                             Pinapayungan ka ng dalawang pakpak?


Kampupot:              Tila nga, tila nga sa aki’y mayroong
                             Sa hamog ng gabi ay may nagkakanlong,
                             Ngunit akala ko’y dahon lang ng kahoy
                             At di inakala na sinuman yaon.

Bubuyog:               At ako ba, Mutya, hindi mo na batid
                             Ang mga bulong ko’t daing ng pag-ibig,
                             Ang akin bang samo at mga paghibik
                             Na bulong sa iyo’y ‘di mo ba narinig?

Kampupot:             Tila nga, tila nga ako’y may napansing
                             Daing at panaghoy na kung saan galing,
                             Ngunit akala ko’y paspas lang ng hangin
                             At di inakala na sinuma’t alin.

Bubuyog:               Sa minsang ligaya’y tali ang kasunod,
                             Makapitong lumbay o hanggang matapos.

Paruparo:              Dito napatunayan yaong kawikaan
                             Na ang paglililo’y nasa kagandahan.

Bubuyog at Paruparo: Ang isang sanglang naiwan sa akin
                            Ay di mananakaw magpahanggang libing.

Lakandiwa:            Ang hatol ko’y ito sa dalawang hibang  
                             Nabaliw nang hindi kinababaliwan:
                             Yamang ang panahon ay inyong sinayang
                             Kaya’t nararapat na maparusahan.

                              Ikaw ay tumula ngayon, Paruparo
                              Ang iyong tulain ay “Pagbabalik” mo,
                              At ang “Pasalubong” sa babaing lilo,
                              Bubuyog, tulain, ito ang hatol ko.
                              (Pagkatapos tumula ni Paruparo)

Lakandiwa:               Sang-ayon sa aking inilagdang hatol,
                                Ay ikaw Bubuyog ang tumula ngayon;
                                Ang iyong tulain ay ang “Pasalubong”
                                 Ng kabuhayan mong tigib ng linggatong.


                                  (Pagkatapos tumula ni Bubuyog)
                                  Minamahal nami’t sinisintang bayan,
Sa ngayo’y tapos na itong Balagtasan;
At kung ibig ninyong sila ay hatulan,
 Hatulan na ninyo pagdating ng bahay.

2 comments: