(Larawan mula kay Alex Castro) |
Si Ignacia Iuco del Espiritu
Santo ay ang pinakaunang Pilipinang nagtatag ng isang kongregasyong Pilipino
para sa mga kababaihan sa Pilipinas. Ipinanganak si Del Espiritu Santo sa Binondo,
Maynila noong 1663 kina Jusepe Iuco, isang imigranteng Intsik mula sa Amoy,
Tsina, at María Jerónima, isang katutubong Pilipina. Bininyagan si Ignacia
noong ika-4 ng Marso, 1663 sa Iglesia delos Santos Reyes ng Parian. Ninais ng
kanyang mga magulang na siya ay lumagay na sa tahimik ngunit hindi ang pag-aasawa
ang kalooban ng Diyos para kay Ignacia. Sa halip, sumangguni si Ignacia kay
Padre Paul Klein, isang Heswita mula sa Bohemya na dumating sa Maynila noong
1682. Ibinagay sa kaniya ng pari ang Pagsasanay na Pang-kaluluwa ni San
Ignacio. Matapos ang panahong ito ng pag-iisa at pananalangin, ipinasya ni Del
Espiritu Santong "manatili sa serbisyo ng Banal na Kamahalmahalan" at
"mamuhay nang may pawis sa kaniyang kilay". Nilisan niya ang kaniyang
tahanan at kinipkip ang kaniyang kaisa-isang karayom at gunting. Nagsimula
siyang mamuhay mag-isa sa isang bahay na nasa likuran ng Kolehiyong Hesuita ng
Maynila. Ang kaniyang buhay ng pananalangin at paggawa ang nakahikayat ng mga
katutubong kababaihan na nakadama rin ng pagtawag sa buhay na makarelihiyon
subalit hindi matanggap sa mga itinatag na kongregasyong noong kapanahunang
iyon. Tinanggap ni Del Espiritu Santo ang mga kababaihang ito sa kaniyang
samahan at dito nagsimula ang pinakauna niyang pamayanang relihiyoso. Nakilala
sila bilang Beatas del Compania de Jesus o Mga Madre ng Samahan ni Hesus
dahil sa malipit nilang pagtanggap ng mga sakramento mula sa Simbahan ni San
Ignacio. Marami silang ginawang mga gawain pang-deboto doon, na katuwang mga
paring Hesuita bilang mga direktor pang-espiritu at taga-kumpisal. Itinuon ni
Del Espiritu Santo ang kaniyang buhay sa mga pasakit ni Kristo at sinubok na
gayahin si Hesus sa pamamagitan ng buhay sa pagsisilbi at pagpapakumbaba.
Ipinadama niya ang kaniyang espirtwalidad na may paninilbihang may kababaan ng
loob sa pamamagitan ng kakayahang magpatawad, pagpasan ng mga kamalian na may
pasensiya at pagtatama na may kahinahunan at tahimik na pagtitiis.
Binigyang-diin din niya ang pagaalay sa kapwa sa loob ng pamayanan na inaalay
sa Abang Inang Maria. Pinilit niyang maging isang wangis ni Maria sa harap ng
kaniyang mga kasama at hinikayat gawing modelo si Maria sa pagsunod sa mga
yapak ni Hesus. Sumali rin sa mga gawaing pang-deboto si Del Espiritu Santo at
ang mga beata, at tumulong din sila sa mga paring Hesuita sa pamamagitan ng
paghahanda sa mga sumasaling deboto sa mga pagsasanay na pang-espiritu.
Isinulat ni Del Espiritu Santo ang mga konstitusyon ng kaniyang pamayanan at
ipinasa para payagan noong Hulyo 1, 1726. Matapos maaprubahan noong 1732 ng
Piscal Provisor ng Maynila, ipinasya ni Del Espiritu Santong bitawan ang
kaniyang responsibilad bilang punong-madre ng kaniyang kumbento. Namuhay siya
bilang karaniwang kasama hanggang sa kaniyang kamatayan. Nakita ito ni Padre
Murillo Velarde ng Lipunan ni Hesus bilang isang magiting na hudyat ng
pagpapakumbaba. Walang kagustuhan si Del Espiritu Santong mag-utos at maging
dominante. Sa pagtutuos ni Padre Velarde, si Del Espiritu Santo ay isang tunay
na babaeng may lakas ng kalooban na napagwagian ang mga malalaking kahirapan na
hinarap niya sa pagtatatag ng kongregasyon mula simula hanggang katapusan. Namatay
si Del Espiritu Santo habang nakaluhod na tumatanggap ng komunyon noong
Setyembre 10, 1748, sa gulang na 85. Inilibing siya sa Simbahan ni San Ignacio.
84 na gulang. Hinirang siyang Venerable ni Papa Benedicto XVI noong ika-6 ng
Hulyo, 2007.
(Mula sa Wikipedia)