Si Eugenio Sanz-Orozco Mortera (José Maria ng Maynila) ay
isang Franciscanong
Capuchino na napatay noong ika-17 ng Agosto, 1936 sa kasagsagan ng Digmaang
Sibil sa Espanya.
Si Padre José ay isinilang sa Maynila noong ika-5 ng
Setyembre 1880, bunga ng pagmamahalan ng kanyang mga magulang na sina Don
Eugenio Sanz-Orozco (kahuli-hulihang Alkaldeng Espanyol ng Maynila) at Doña
Feliza Mortera y Camacho.
Siya ay nakapag-aral sa Ateneo Municipal de Manila at
Colegio de San Juan de Letran. Natapos niya ang pagaaral ng sekondarya sa
Unibersidad ng Santo Tomas noong 1895 habang siya ay nanatiling alumno interino
sa Letran. Sa mga mahahalagang papel na may kaugnayan sa kanyang pag-aaral ay
nakatala na siya ay isang “natural de Manila”. Nanatili siya sa Pilipinas sa
loob ng 16 na taon bago tumulak patungong Espanya upang ipagpatuloy ang kanyang
pag-aaral.
Sa pagtatapos ng pananakop ng mga Espanyol sa Pilipinas,
bumalik sa Espanya ang mga magulang ni Padre José upang doon na manirahan. Sa
kabila ng pagtutol ng kanyang mga magulang, tinahak ni Padre José ang
buhay-relihiyoso sa kanyang pagnanasang maging isang pari. Pumasok bilang isang
Capuchino, isang sangay ng mga paring Franciscano. Pumasok siya bilang isang
novicio noong ika2 ng Oktubre, 1904. Sa isang payak na seremonya, itinalaga
niya ang kanyang sarili sa kapatiran noong ika-4 ng Oktubre, 1905 sa Navarra,
Espanya at naging isang ganap na Capuchino noong ika-18 ng Oktubre, 1908. Siya
ay inordenahan bilang pari noong ika-30 ng Nobyembre, 1910.
Ninais ni Padre José
na bumalik sa Maynila upang doon ipagpatuloy ang misyon ngunit iba ang ninais
ng Diyos para sa kanya. Noong kasagsagan ng Digmaang Sibil sa Espanya, kasama
si Padre José sa mga pari at mga relihiyosong pinilit na lisanin ang kanilang
mga kumbento bilang panlalapastangan at
panggigipit ng mga grupong anarkista at Marxista laban sa Kristiyanismo. Si
Padre José Maria, kasama ng iba pang mga relihiyoso ay pinatay sa Cuartel de la
Montaña sa Madrid noong ika-17 ng Agosto, 1936. Ayon sa mga tala tungkol sa
kanyang buhay, ang mga huling nasambit ng banal na pari bago siya mamatay ay “Viva,
el Cristo Rey”.
Itinanghal siya kasama ng 521 pang mga martir bilang Beato
sa isang beatipikasyon na ginanap noong ika-13 ng Oktubre, 2013 sa Tarragona,
Espanya.