Ang pagbabalik ni Robby sa blog writing!
Noong nakaraang Linggo, ipinagdiwang ng sangkakristiyanuhan
ang Kapistahan ng Pag-akyat sa Langin ni Jesukristo. Apatnapung araw mula noong
muling nabuhay si Jesus, siya ay umakyat sa langit upang makasama sa kaluwalhatian
ang Ama. Muli ko itong pinagdiwang sa bayan ng Sta. Ana sa lalawigan ng
Pampanga.
Nakaugalian nang ilagak ang imahen ni Jesukristong muling
nabuhay sa mga simbahan sa Pilipinas sa panahon ng Pasko ng Pagkabuhay. Matapos
ang prusisyon ng Salubong ay ipinapasok sa loob ng simbahan ang imahen at
idinadambana sa santuwaryo hanggang sa pista ng Pag-akyat. Sa ilang mga
parokya, inilalabas sa prusisyon ang imahen matapos ang misa mayor. Yaon ang
aking natunghayan sa Sta. Ana.
Dalawang beses na akong nakadadalo sa pistang ito sa
naturang bayan. Matapos ang misa ng ika-8 ng umaga, ilalabas ng simbahan ang
imahen ni Apung Pamaitas (Senor de Ascencion) upang isakay sa karo para sa
isang maikling prusisyon. Ang imaheng ito rin ang kanilang Apung Sinubling
Mebie (Senor Resucitado). Nasa
pangangalaga ng Pamilya Dizon ang imahen na kanilang pinakaiingatan. Taon-taon,
isang pamilya mula sa kanilang angkan ang pinapanhikan ng imahen na kanyang
magiging tahanan sa loob ng isang taon. Ang pamilyang ito rin ang siyang
nagiging abala sa paglalabas kay Apu sa prusisyon ng Salubong at Pag-akyat.
Matapos na maisakay sa karosa, inilalabas na ng simbahan ang
imahen sa isang maikling prusisyon patungo sa tahanan ng nakatakdang panhikan.
Saglit na iluluklok ang imahen sa loob ng tahanan. Matapos nito, masayang pagsasalu-saluhan
ng mga kaanak at kaibigan ang napakasarap na mga lutuing Kapampangang nakahain
sa kanilang hapag.
Payak na paggunita ngunit isang matibay na instrumentong
nagbubuklod sa batayang yunit ng simbahan… ang pamilya.