Noong taong 1978, buong dingal na ipinagdiwang ng sambayanan
ng bayan ng Meycauayan ang kanyang ika-400 taon ng Kristiyanisasyon at
pagkakatatag. Sa buong taong iyon, punong-puno ng mga pagdiriwang at programa
ang inilaan ng mga samahang panrelihiyon at sibiko. Ang pagdiriwang na ito ay
pinamunuan na noo’y alkalde ng bayan, Kgg. Celso R. Legaspi at Msgr. Felix
Sicat katulong ang iba pang mga nagbigay ng kanilang pagod at oras upang maging
matagumpay ang nasabing Gawain.
Unang araw ng Enero, 1978 pinasinayaan ang taon sa
pamamagitan ng isang pagtitipong ekumeniko upang magpasalamat sa Panginoon sa
kanyang paggabay. Pinangunahan ito ni
Msgr. Felix Sicat (Katoliko), Msgr. Ricardo Ramos (Iglesia Filipina
Independiente) at Reb Pastor Nathaniel Roque (Metodista). Kasunod ito isinagawa
ang isang banal na misa sa pangunguna ni Obispo Leonardo Z. Legapi, OP na noo’y
katulong na obispo ng Maynila. Sa buwan ito rin pinasinayaan ang Martsa ng
Meycauayan sa pamamagitan ng pagpapatugtog nito sa mga sinehan at
pagsasapubliko ng mga plaka upang mapakinggan ng madla.
Isang engrandeng parada ang isinagawa noong ika-27 ng Enero
na nilahukan ng lahat ng sangay ng Pamahalaang Bayan, mga samahan at mga
mamamayan ng Meycauayan. Sa buwang ito
rin binasbasan ang bagong tayong arkong pagsalubong (Welcome Arch) sa hangganan
ng Marilao at Meycauayan.
Ika-3 ng Pebrero ng ganapin ang koronasyon ng Miss
Meycauayan 78 kung saan isang motorcade ang isinagawa sa umaga bago ang
pagsasagawa ng koronasyon. Ika-4 ng Pebrero nang magkaroon ng serenata sa Patio
ng Simbahan na nilahukan ng 21 banda ng mga musiko.
Ika-5 ng Peberero ipinagdiwang ng sambayanang katoliko ang
Pista ng bayan ng Meycauayan sa pamamagitan ng isang banal na misang
pinangunahan ni Obispo Cirilo Almario at mga anak na pari ng Meycauayan. Sa
gabi ay isang maringal na prusisyong sinamahan ng mga patron ng mga bayang
dating sakop ng Meycauayan at mga patron ng baryo.
Ika-21 ng Abril nang pasinayaan ang Commemorative Stamp at
First Day Issue ng Quadricentennial ng Meycauayan na pinangunahan ng Postmaster
General Felizardo Tanabe.
Buwan-buwan, ibat-ibang mga pagdiriwang ang isinagawa bilang
pag-aalaala sa pagkakatatag ng bayan. Bawat paaralan at ilang mga institusyon
ay nagkaroon ng kani-kaniyang araw upang ipamalas ang angking husay ng mga
mamamayan at mga mag-aaral. Ilang bayang anak ng Meycauayan din ang nagpalabas
ng mga panoorin. Maraming mga samahan din ang naitatag sa panahong nagdiriwang
ng quadricentennial ang bayan.
Sa paggunita sa araw ni Rizal, isinagawa muli ang isang
malaking parade na nilahukan ng mga piling dilag ng Meycauayan. Yaong mga
naging Reyna ng Rizal Day mula 1908 hanggang sa nagwagi ng Miss Meycauayan 1978
ay nasilayan ng madla sa pamamagitan ng isang motorcade.
Sa katapusan ng taon, ika-31 ng Disyembre, 1978 ay isang
programa ang isinagawa ng Sangguniang Bayan at ng Parokya bilang pasasalamat sa
magtatapos na taon. Pasasalamat at pag-asa na gagabayan pa rin ng Panginoon ang
dakilang bayan sa mga susunod pang taon.
08 Pebrero, 2013
SMCM, Lungsod ng Meycauayan, Bulacan