Showing posts with label History. Show all posts
Showing posts with label History. Show all posts

Friday, May 17, 2013

Balik-tanaw: Pistang Obando 1894

Sa aklat na Yesterdays in the Philippines na inilathala noong 1898, inilarawan ng Amerikanong si Joseph Earle Stevens ang kanyang karanasan sa pagpunta sa Obando  noong taong 1894sa kapistahan ng kanilang tatlong patron: San Pascual Baylon, Santa Clara at Virgen ng Salambao. Partikular na binigyang-diin ni Stevens ang pagsasayaw ng mga namamanata roon bilang isang paraan ng kanilang panata, mapa-lalaki, babae, bata, matanda, ama o ina man. 


Fiesta of Obando 1894

Bayluhan sa loob ng simbahan ng Obando ca. '30s
Several days ago, a number of us went up the railroad line to see a “fiesta" at a little village called Obando. It was a religious observance lasting three days, and pilgrims from many villages thought it their duty to go there on foot. A great dingy old church with buttressed walls yards thick, a large plaza shaded by big trees, and beyond, on all sides, the native houses. Such a crowd I have rarely seen. Everybody seemed to think it his duty to dance; and men, women, old men and children, mothers with babies and papas with kids, shouted, jumped around, danced, joggled each other and rumpussed about until they were blue in the face, dripping with heat, and covered with dust. Then they would stop and another crowd takes up the play. As the circus proceeded, the crowds increased; the old church was packed with worshippers who brought candles and receiving a blessing, spent an hour or so on the stone pavements in positions of contrite humility. Around the walls of the church were placed realistic paintings of the chromo order, representing hell and the river Styx, and as the natives looked at portraits of devils driving nails into the heads of the tormented, of sulphurous flames that licked the cheeks of the wicked in this world, or serpents that twined themselves into square knots around the chests of a dozen unfortunates, and of countless homed demons who plucked out the heartstrings of the condemned, they counted their beads with renewed vigor and mumbled long prayers. Countless little booths stood like mushrooms round about outside, and cheap jewelry, made in Germany, found ready sale. The dancing and shouting increased as the sun sank in the west, until the ground fairly shook and the dust arose in vast clouds. Around the edge of the church, under the porticoes, slept sections of the multitude who were preparing themselves to take part in the proceedings when others were tired out. It was a motley crowd, a motley scene, and an unforgettable collection of perfumes.


Ang pista sa Obando ay ipinagdiriwang taun-taon tuwing ika-17, 18 at 19 ng Mayo. Sa kasamaang palad, nabomba ang simbahan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig at kasama ang orihinal na imahen ng mga patron na nasira o nawala. Pansamantalang naitigil ang pagsasayaw noong dekada '70s dahil ito raw ay hindi nakaayon sa liturhiya. Bulong-bulungan daw noon na palihim na umiindak pa rin ang mga namamanata tuwing sila ay bumibisita sa Obando. Salamat sa Diyos at muling naibalik ang tradisyon ng pagsasayaw sa Obando.

Halina sa bayang ito kung saan ang bawat indak at kahilingan, bawat galaw ay pasasalamat at ang bawat imbay ay panalangin.

17 ng Mayo, 2013
Malinta, Lungsod ng Valenzuela

Monday, April 22, 2013

Pista ng Bisitang Matanda ng Marilao


Larawan ng isinaayos na "Bisitang Matanda"
      Tuwing sasapit ang buwan ng Abril sa Marilao, matapos ang pagluluksa ng sambayanan sa kalilipas pa lamang na Semana Santa at ang pagsasaya ng madla sa katatapos pa lamang na Pasko ng Pagkabuhay, pinakaaabangan ng mga taga-Poblacion ang pagdiriwang ng Pista ng Bisitang Matanda. Isa itong bisitang itinuturing ng mga MarileƱo na duyan ng kanilang pananampalatayang Katoliko sapagkat dito sa bisitang ito, ipinunla ng mga frayleng Franciscano ang sambayanan ng Diyos bago pa mang ang bayan ng Marilao ay nagsarili mula sa Meycauayan. Sinasabing ang lugar na kinatatayuan ng matandang bisita ang tinatawag noon na “Tawiran” na kung saan nakadambana ang imahen ng Santo Cristo na tinatawag ng maraming “Mahal na SeƱor.” Limampung taon matapos na maitayo ang matandang bisita, sa panahong nagsarili ang bayan, dahil na rin sa kaliitan ang bisita at sa lumalagong pangangailangang pangkaluluwa ng mga taga-Marilao kung kaya nagpasya silang ilipat ang lugar na katatayuan ng bagong simbahang kalalagyan ng kanilang bagong patron, si San Miguel Arcangel. Taong 1796 nang pormal na maitatag ang Pueblo de Marilao.

Opisyal na Replika ng Mahal na SeƱor
     Ang imahen ng Mahal na SeƱor sa Bisitang Matanda ay isa sa mga natatanging yaman ng Bayan ng Marilao. Isa itong krusipiho na may kakaibang paglalarawan sa paghihirap ng ating Panginoong Jesus. Ang krusipiho ay nagpapakita kay Jesus na agaw-buhay na nakabayubay sa krus habang ang isang anghel, dala-dala ang isang kalis, ay matamang nakaantabay upang sahurin ang pagpatak ng Kanyang Mahal na Dugo. Iilan lamang sa Pilipinas ang may ganitong paglalarawan sa Mahal na SeƱor kaya gayon na lamang ang pagmamalaki ng mga taga-Marilao rito.









Salinan ng Krus
      Mayaman sa tradisyon ang pagdiriwang ng pista ng Bisitang Matanda. Pinagdiriwang ito tuwing ikatlong linggo matapos ang Pasko ng Pagkabuhay. Ang kapistahang ito, na bukod sa pistang bayan, ay tila isang bato-balaning humahatak pabalik sa mga dating MarileƱong naninirahan na sa ibang mga bayan at lungsod upang mamintuho at makipista. Sa taong ito ng kanilang pagpipista, bukod sa isang Hermano Mayor na nangangasiwa sa mga gawaing may kinalaman sa pagpipista, mayroong siyamnapung hermanos mayores ang nagtutulong-tulong na itaguyod ang kapistahan. Bawat isang hermano ay nag-aalaga ng maliit na krus na ipinasa sa kanila ng noong nakaraang pista. Buong taong mamalagi sa kanila ang krus na kanila naman isasalin sa susunod na hermano sa araw ng kapistahan. Tinatawag nila itong “Salinan ng Krus” na isinasagawa matapos ang misa sa gabi. 

     Pagtapos ng salinan na tumatagal ng isang oras dahil na rin sa dami ng mga sasalinan, isa-isa nang dumarating ang maliliit na batang babaeng nakasuot ng magagandang damit upang iprusisyon ang mga maliliit na krus. Sila ay karaniwang kaanak ng mga hermano na kakatawan sa kanila upang ilibot sa kabayanan ang krus na kanilang inalagaan kasabay ng paglabas ng mahimalang larawan ng Mahal na SeƱor. Matapos ang prusisyon, karaniwan nang nagkakaroon ng salu-salo sa tahanan ng mga heramano bilang pasasalamat sa pagpapalang tinamo nila sa buong taon.

     Nakatutuwang isipin na bagamat nagsarili na ang Marilao bilang isang parokya, dalawang daan at labimpitong taon na ang nakalilipas, ang pagpipista sa Bisitang Matanda, na siyang tulay na nagkakawing sa kasaysayan ng mga bayan ng Marilao at Meycauayan ay hindi pa rin nalilimutan. Patunay ito ng malapit na ugnayang nagdurugtong sa dalawang bayan.

22 Abril, 2013
Lungsod ng Meycauayan

Monday, February 18, 2013

Pagbabalik-tanaw sa Pagdiriwang ng Ika-400 Taon ng Pagkakatatag ng Meycauayan noong 1978

Noong taong 1978, buong dingal na ipinagdiwang ng sambayanan ng bayan ng Meycauayan ang kanyang ika-400 taon ng Kristiyanisasyon at pagkakatatag. Sa buong taong iyon, punong-puno ng mga pagdiriwang at programa ang inilaan ng mga samahang panrelihiyon at sibiko. Ang pagdiriwang na ito ay pinamunuan na noo’y alkalde ng bayan, Kgg. Celso R. Legaspi at Msgr. Felix Sicat katulong ang iba pang mga nagbigay ng kanilang pagod at oras upang maging matagumpay ang nasabing Gawain.

Unang araw ng Enero, 1978 pinasinayaan ang taon sa pamamagitan ng isang pagtitipong ekumeniko upang magpasalamat sa Panginoon sa kanyang paggabay.  Pinangunahan ito ni Msgr. Felix Sicat (Katoliko), Msgr. Ricardo Ramos (Iglesia Filipina Independiente) at Reb Pastor Nathaniel Roque (Metodista). Kasunod ito isinagawa ang isang banal na misa sa pangunguna ni Obispo Leonardo Z. Legapi, OP na noo’y katulong na obispo ng Maynila. Sa buwan ito rin pinasinayaan ang Martsa ng Meycauayan sa pamamagitan ng pagpapatugtog nito sa mga sinehan at pagsasapubliko ng mga plaka upang mapakinggan ng madla.

Isang engrandeng parada ang isinagawa noong ika-27 ng Enero na nilahukan ng lahat ng sangay ng Pamahalaang Bayan, mga samahan at mga mamamayan ng Meycauayan.  Sa buwang ito rin binasbasan ang bagong tayong arkong pagsalubong (Welcome Arch) sa hangganan ng Marilao at Meycauayan.

Ika-3 ng Pebrero ng ganapin ang koronasyon ng Miss Meycauayan 78 kung saan isang motorcade ang isinagawa sa umaga bago ang pagsasagawa ng koronasyon. Ika-4 ng Pebrero nang magkaroon ng serenata sa Patio ng Simbahan na nilahukan ng 21 banda ng mga musiko.

Ika-5 ng Peberero ipinagdiwang ng sambayanang katoliko ang Pista ng bayan ng Meycauayan sa pamamagitan ng isang banal na misang pinangunahan ni Obispo Cirilo Almario at mga anak na pari ng Meycauayan. Sa gabi ay isang maringal na prusisyong sinamahan ng mga patron ng mga bayang dating sakop ng Meycauayan at mga patron ng baryo.

Ika-21 ng Abril nang pasinayaan ang Commemorative Stamp at First Day Issue ng Quadricentennial ng Meycauayan na pinangunahan ng Postmaster General Felizardo Tanabe.

Buwan-buwan, ibat-ibang mga pagdiriwang ang isinagawa bilang pag-aalaala sa pagkakatatag ng bayan. Bawat paaralan at ilang mga institusyon ay nagkaroon ng kani-kaniyang araw upang ipamalas ang angking husay ng mga mamamayan at mga mag-aaral. Ilang bayang anak ng Meycauayan din ang nagpalabas ng mga panoorin. Maraming mga samahan din ang naitatag sa panahong nagdiriwang ng quadricentennial ang bayan.

Sa paggunita sa araw ni Rizal, isinagawa muli ang isang malaking parade na nilahukan ng mga piling dilag ng Meycauayan. Yaong mga naging Reyna ng Rizal Day mula 1908 hanggang sa nagwagi ng Miss Meycauayan 1978 ay nasilayan ng madla sa pamamagitan ng isang motorcade.

Sa katapusan ng taon, ika-31 ng Disyembre, 1978 ay isang programa ang isinagawa ng Sangguniang Bayan at ng Parokya bilang pasasalamat sa magtatapos na taon. Pasasalamat at pag-asa na gagabayan pa rin ng Panginoon ang dakilang bayan sa mga susunod pang taon.

08 Pebrero, 2013
SMCM, Lungsod ng Meycauayan, Bulacan