Meycauayan –
mula sa mga salitang “may kawayan” na tumukoy sa lugar na maraming tumutubong kawayan.
Sa ganyang paraan daw pinangalanan ang ngayon ay lungsod nakilala ring Sentro
ng Pag-aalahas sa Pilipinas. Subalit sa aking pag-iikot sa bayan, napansin kong
hindi naman saganasa kawayan ang kabayanan nito. Bakit nga ba ito ang naging pangalan
ng lungsod?
Mula sa Alamat
May dalawang bersyon
ang alamat kung bakit tinawag na “Meycauayan” ang bayan. Una ay ang poklorikong
salaysay na nagsasaad nito:
Bambusa bambos mula sa
Flora de Filipinas
ni Fr. Manuel Banco, OSA
|
Noong unang panahon, ang Pilipinas
ay nahahati sa anim na pangkat lamang at bawat isa nito ay nasa ilalim ng
pamamahala ng isang sultan o raha. Ang namamahala ng isang pangkat ay si Sultan
Yantok at samantalang si Raha Sugod ang namumuno sa isa. Magkaiba ang ugali ng
dalawang ito. Si Sultan Yantok ay malupit at matapang samantalang si Raha Sugod
ay mabait. Mahal na mahal si Raja Sugod ng kanyang mga nasasakupan dahil sa
kanyang kabutihan.
Isang araw, si Sultan
Yantok ay lumusob sa kaharian ni Raha Sugod kung saan ang kampo ng huli ay
kanyang nakubkob. Nagsitakas ang kanyang mga tauhan at isang lugar na ligid na ligid
ng matitinik na kawayan ang napili nilang pagtaguan. Pagalit na iniutos ni
Sultan Yantok ang paghanap sa mga nagsitakas ngunit dahil sa kahirapan ng
pagtungo sa masukal at matinik na kawayanan na pinagtaguan ng mga tauhan ni Raha
Sugod ay hindi na pinagpilitan pang ipahanap at ipadakip sila ni Sultan Yantok.
Lahat ng kanyang naatasang magtungo sa pook na kublihan ng mga takas ay pawang umuuwi
na sugatan ang mga katawan.
Simula noon, ang pook na iyon
ay tinatawag na “May Kawayan” dahilan nga sa dami ng mga kawayan na nakapaligid
doon.
Ang ikalawang bersyon
ay may kinalaman sa mga prayleng nagpunla ng pananampalatayang Kristiyano sa bahaging
ito ng Bulacan. Sinasabing sa kanilang pagdating sa lugar ay nadatnan nila ang mga
nagtatayugang mga kawayang tumutubo doon kung kaya tinawag na Meycauayan ang lugar.
Dahil sa pananalasa
ng isang bagyo, inilipat ang kabayanan sa Lagolo noong 1588 at pagkatapos ay
muling inilipat sa kasalukuyan nitong kinatatayuan noong 1688.
Paiba-ibang Baybay.
Sa pagdaan ng
panahon, nagkaroon ng maraming paraan ng pagbabaybay sa pangalan nito. Sa dokumentong
Relacion de las Encomiendas Existentes en Filipinas noong 1591 tinawag itong
Encomienda de Mecabayan. Malamang na ang baybay na ito ay nagmula sa Romanized
na Mecavayan kung saan ang titik U ay madalas na nagiging V na nagiging B rin
naman. Naging kaso rin ito ng baybay ng Baliuag na naging Balivag na siya namang
naging Balibag at ng Bocaue na minsan ay nagiging Bocavi sa ilang mga kasulatan.
Makikita rin ito sa aklat na Anales Minorum ng mga Fransiscano na tumatalakay sa
pagtatatag ng mga bayang Franciscano noong 1578.
Bahagi ng Aklat na Annales Minorum seu trium ordinum a. s.
Francisco Institutorum, 1844
|
Isa namang dokumentong
nagpapahintulot na ipatayo ang isang simbahang bato noong taong 1599 ang nagsasaad
na ang baybay ng pangalan ng bayan ay Meycaguaian. Nagpatuloy ang ganitong paraan
ng baybay na may titik “G” bagamat may ilang baryasyon; Mecaguayan at
Meicaguayan (1631). Sa pagitan ng taong 1644-1649, tinawag naman itong Micauayan.
Sa mapa ng Pilipinas noong 1734 na nailathala sa aklat ng Heswitang si Pedro
Murillo Velarde ay tinawag naman itong Maycauayan.
Mapa ng Bulacan mula sa Carta Hydrographica y Chorographica
de las Yslas Filipinas, 1734
|
Kinilala ang
bayan bilang Pueblo de Meycauayan sa mga libros canonicos ng Simbahan ng
Meycauayan gayundin sa mga opisyal na dokumeto ng kolonya sa panahon ng mga Espanyol
hanggang sa ito’y maging Municipality of Meycauayan noong panahon ng mga Amerikano.
Sa mga aklat tungkol sa Digmaang Filipino-Amerikano ay nagkaroon ng ilan pang
mga baryasyon sa pagbabaybay sa ngalan ng bayan. Lumitaw ang Maykawayan,
Maycauayan, Meicauayan at Meikauayan sa ilang mga pagbanggit bilang ngalan nito.
Mapa ng Pag-atake ni Admiral George Dewey sa Maynila, 1899 |
Sa pagkakamit ng
mga Pilipino ng ganap nakalayaan noong 1945, opisyal itong tinawagna
Municipality of Meycauayan / Munisipalidad ng Meycauayan. Mangilan-ngilan din
ang gumamit ng baybay na Meykawayan at Maykawayan sa ilang mga dokumento.
Kasabay ng
pagsapit ng bagong milenyo ay ang muling pagbabago sa kanyang opisyal na katawagan.
Taong 2006 nang maging ganap na lungsod ang Meycauayan. Sang-ayon sa Batas Republika 9356, ito ay tatawaging City of Meycauayan o Lungsod ng Meycauayan. Hindi man opisyal, madalas nang tawagin itong Meycauayan
City sa kasalukuyan.
Anuman ang pagbaybay,
nagkaroon man ng ilang pagbabago, naroroon pa rinang diwa ng halamang kawayan.
Larawan ito ng katatagan na sumasalamin sa mahabang kasaysayan ng bayang sinubok
man ng panahon ay nananatili pa ring nakatayo at sumasayaw sa ihip ng
nagbabagong panahon.
Licod, Lungsod ng Meycauayan
28 Abril, 2016