Showing posts with label History of Meycauayan. Show all posts
Showing posts with label History of Meycauayan. Show all posts

Thursday, April 28, 2016

From the land of bamboos, Meycauayan!

Meycauayan – mula sa mga salitang “may kawayan” na tumukoy sa lugar na maraming tumutubong kawayan. Sa ganyang paraan daw pinangalanan ang ngayon ay lungsod nakilala ring Sentro ng Pag-aalahas sa Pilipinas. Subalit sa aking pag-iikot sa bayan, napansin kong hindi naman saganasa kawayan ang kabayanan nito. Bakit nga ba ito ang naging pangalan ng lungsod?

Mula sa Alamat

May dalawang bersyon ang alamat kung bakit tinawag na “Meycauayan” ang bayan. Una ay ang poklorikong salaysay na nagsasaad nito:

Bambusa bambos mula sa
Flora de Filipinas
ni Fr. Manuel Banco, OSA
Noong unang panahon, ang Pilipinas ay nahahati sa anim na pangkat lamang at bawat isa nito ay nasa ilalim ng pamamahala ng isang sultan o raha. Ang namamahala ng isang pangkat ay si Sultan Yantok at samantalang si Raha Sugod ang namumuno sa isa. Magkaiba ang ugali ng dalawang ito. Si Sultan Yantok ay malupit at matapang samantalang si Raha Sugod ay mabait. Mahal na mahal si Raja Sugod ng kanyang mga nasasakupan dahil sa kanyang kabutihan.

Isang araw, si Sultan Yantok ay lumusob sa kaharian ni Raha Sugod kung saan ang kampo ng huli ay kanyang nakubkob. Nagsitakas ang kanyang mga tauhan at isang lugar na ligid na ligid ng matitinik na kawayan ang napili nilang pagtaguan. Pagalit na iniutos ni Sultan Yantok ang paghanap sa mga nagsitakas ngunit dahil sa kahirapan ng pagtungo sa masukal at matinik na kawayanan na pinagtaguan ng mga tauhan ni Raha Sugod ay hindi na pinagpilitan pang ipahanap at ipadakip sila ni Sultan Yantok. Lahat ng kanyang naatasang magtungo sa pook na kublihan ng mga takas ay pawang umuuwi na sugatan ang mga katawan.

Simula noon, ang pook na iyon ay tinatawag na “May Kawayan” dahilan nga sa dami ng mga kawayan na nakapaligid doon.

Ang ikalawang bersyon ay may kinalaman sa mga prayleng nagpunla ng pananampalatayang Kristiyano sa bahaging ito ng Bulacan. Sinasabing sa kanilang pagdating sa lugar ay nadatnan nila ang mga nagtatayugang mga kawayang tumutubo doon kung kaya tinawag na Meycauayan ang lugar.

Dahil sa pananalasa ng isang bagyo, inilipat ang kabayanan sa Lagolo noong 1588 at pagkatapos ay muling inilipat sa kasalukuyan nitong kinatatayuan noong 1688.

Paiba-ibang Baybay.

Sa pagdaan ng panahon, nagkaroon ng maraming paraan ng pagbabaybay sa pangalan nito. Sa dokumentong Relacion de las Encomiendas Existentes en Filipinas noong 1591 tinawag itong Encomienda de Mecabayan. Malamang na ang baybay na ito ay nagmula sa Romanized na Mecavayan kung saan ang titik U ay madalas na nagiging V na nagiging B rin naman. Naging kaso rin ito ng baybay ng Baliuag na naging Balivag na siya namang naging Balibag at ng Bocaue na minsan ay nagiging Bocavi sa ilang mga kasulatan. Makikita rin ito sa aklat na Anales Minorum ng mga Fransiscano na tumatalakay sa pagtatatag ng mga bayang Franciscano noong 1578.

Bahagi ng Aklat na Annales Minorum seu trium ordinum a. s. Francisco Institutorum, 1844

Isa namang dokumentong nagpapahintulot na ipatayo ang isang simbahang bato noong taong 1599 ang nagsasaad na ang baybay ng pangalan ng bayan ay Meycaguaian. Nagpatuloy ang ganitong paraan ng baybay na may titik “G” bagamat may ilang baryasyon; Mecaguayan at Meicaguayan (1631). Sa pagitan ng taong 1644-1649, tinawag naman itong Micauayan. Sa mapa ng Pilipinas noong 1734 na nailathala sa aklat ng Heswitang si Pedro Murillo Velarde ay tinawag naman itong Maycauayan.

Mapa ng Bulacan mula sa Carta Hydrographica y Chorographica de las Yslas Filipinas, 1734

Kinilala ang bayan bilang Pueblo de Meycauayan sa mga libros canonicos ng Simbahan ng Meycauayan gayundin sa mga opisyal na dokumeto ng kolonya sa panahon ng mga Espanyol hanggang sa ito’y maging Municipality of Meycauayan noong panahon ng mga Amerikano. Sa mga aklat tungkol sa Digmaang Filipino-Amerikano ay nagkaroon ng ilan pang mga baryasyon sa pagbabaybay sa ngalan ng bayan. Lumitaw ang Maykawayan, Maycauayan, Meicauayan at Meikauayan sa ilang mga pagbanggit bilang ngalan nito.

Mapa ng Pag-atake ni Admiral George Dewey sa Maynila, 1899

Sa pagkakamit ng mga Pilipino ng ganap nakalayaan noong 1945, opisyal itong tinawagna Municipality of Meycauayan / Munisipalidad ng Meycauayan. Mangilan-ngilan din ang gumamit ng baybay na Meykawayan at Maykawayan sa ilang mga dokumento.

Kasabay ng pagsapit ng bagong milenyo ay ang muling pagbabago sa kanyang opisyal na katawagan. Taong 2006 nang maging ganap na lungsod ang Meycauayan. Sang-ayon sa Batas Republika 9356, ito ay tatawaging City of Meycauayan o Lungsod ng Meycauayan. Hindi man opisyal, madalas nang tawagin itong Meycauayan City sa kasalukuyan.


Anuman ang pagbaybay, nagkaroon man ng ilang pagbabago, naroroon pa rinang diwa ng halamang kawayan. Larawan ito ng katatagan na sumasalamin sa mahabang kasaysayan ng bayang sinubok man ng panahon ay nananatili pa ring nakatayo at sumasayaw sa ihip ng nagbabagong panahon.

Licod, Lungsod ng Meycauayan
28 Abril, 2016

Thursday, August 22, 2013

Puente de Meycauayan: Ang Tulay sa Bayan



Kung ikaw ay isang Meycaueñong nakatira sa kabayanan, namamalengke sa MeyMart o kaya ay nagsisimba sa bayan, malamang ay nadaanan mo na ang tulay ng Meycauayan sa Poblacion. Sa iyong pagdaan sa tulay na ito, alam mo bang iba ang itsura nito noong panahon ng mga Espanyol?


Quarterly Bulletin Vol. 4, April 1, 1915 No. 1 p.16
Ang matandang tulay na yari sa bato sa Poblacion ay sinimulang gawin noong 1789 sa ilalim ng pamamahala ni R. P. Fr. Francisco Robles.[1] Bahagi ito ng mahabang daan na nag-uugnay sa Maynila na bumabagtas mula sa Plaza Goiti, Caloocan, Malabon, Polo, papasok sa Bulacan. Humigit-kumulang umabot sa P 1210.00 ang ginastos sa pagpapagawa ng tulay na ito; salaping mula sa mga mamamayan, sa pondo ng komunidad ng mga Franciscano at mula sa sariling bulsa ni Fray Robles.[2] Naipatayo ang nasabing tulay sa pamamagitan ng polo y sevicios o sapilitang paggawa.[3]

Ang tulay na ito ay may limang arko na may sukat na 6 na yarda ang bawat isa. Tinatayang 51.2 metro ang sukat ng tulay mula sa magkabilang dulo nito.[4]

Sa kasawiampalad, ang tulay na nasira dahil sa pagpapasabog ng mga pwersa ng USAFFE noong ika-31 ng Disyembre, 1941.[5] Pansamantalang nagpatayo ng tulay na kahoy upang maging daanan at mapakinabangan ang lumang tulay. Isang makabagong kongkretong tulay ang ipinalit sa lumang tulay matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. 

Noong dekada '70 sa paanan ng tulay sa gawing palengke ay nagbukas ang isang Floating Restaurant. Ito ay noong malinis at hindi pa mabaho ang ilog. Dahil sa industriya ng balatan at gintuan, lumaganap ang pagkalason ng ilog na nagdulot ng pagkalugi at pagsasara ng restaurant. Makalipas rin ang ilang dekada ay naging mahina ang tulay na ito kung kaya kinailangang gibain upang ipatayo ang tulay na nadaraanan natin sa kasalukuyan.

Sa ganitong panahon na bumabagyo at bumabaha sa kabayanan, ang tulay ng Meycauayan lamang ang lugar na hindi inaabot ng tubig-baha kung kaya maraming mga sasakyan ang dito ay pansamantalang humihimpil upang maiwasang malubog sa tubig ang kanilang mga makina. Pansamantalang nagiging palengke rin ito sa oras ng kalamidad kung saan nalulubog ang palengke.

Ilang taon na rin ang nakalilipas mula noong lagyan ito ng mga "grill" bilang pangharang upang maiwasan ang pagtatapon ng basura sa Ilog ng Meycauayan. Kung matututo lang sana ang mga tao rito na magpahalaga sa kasaysayan at kalikasan... 

22 Agosto, 2013
Lungsod ng Meycauayan



[1]Huerta, Fr. Felix, Estado geografico, topografico, estadistico, historico-religioso dela Santa y Apostolica Provincia de S. Gregorio Magno, Binondo: Imprenta de M. Sanchez y Compania 1865 p.72

[2] Ibid

[3] Dionisio, Ronaldo, NSPS San Francisco de Asis: Kasaysayan ng Buhay Pananampalataya ng Meycauayan, Guiguinto Printing Press, 2008 p. 12

[4] Quarterly Bulletin Vol. 4 April 1, 1915 No. 1, Bureau of Public Works, Manila p. 15


[5] Aklat Pag-alaala: Diwa, Buhay, Sining at Pagdiriwang ng Bayang Meycauayan sa Kanyang Ika-400 Taon

Wednesday, April 24, 2013

Provincia de Meycauayan?



Cronica ni Fray San Antonio

Siya nga, nabasa mo iyan nang tama sapagkat minsan, sa mga dahon ng kaysaysayan ay tinatawag na lalawigan ng Meycauayan ang Bulacan. Sa kasaysayan ng Bulacan, karaniwang batid ng marami na ang lalawigan ng Bulacan ay itinatag noong 1578 kasabay ng pagkakatatag ng bayan ng Bulakan na itinuturing din na una nitong cabecera. Ngunit ilan sa mga lumang aklat ang maaaring makapagpatunay sa katotohanang tinawag itong “provincia de Meycauayan” na kung saan ang “Pueblo de Meycauayan” ang siyang cabecera.

Sa aking paghahanap ng mga tala, una kong nakita ang aklat ni P. Felix Huerta, isang Franciscanong mula sa Espanya na dito sa Pilipinas namalagi. Ang aklat na ito ay pinamagatang Estado geográfico, topográfico, estadístico, histórico-religioso de la santa y apostólica provincia de S. Gregorio Magno. Inilalarawan sa kanyang aklat ang mga bayang itinatag ng mga Franciscano sa Pilipinas kasama na rin ang kasaysayan ng mga ito. Dahil ang Meycauayan ay isang bayang itinatag ng mga Franciscano, kasama ang kasaysayan nito sa aklat.

Ang Meycauayan ay kasama sa mga bayang itinatag ni Fray Juan de Plasencia at Fray Diego de Oropesa. Sang-ayon sa paglalarawan ni Huerta sa lalawigan ng Bulacan, sinimulan niya ito sa mga katagang “Esta provincia, llamada antiguamente de Meycauayan, por haber estado en el pueblo de este nombre la cabecera…” [1] Samantala, sa paglalarawan din niya sa pueblo de Meycauayan nabanggit din niya ang mga pariralang “antiguamente fue cabecera de provincia.” [2] Malamang may pinagbatayan si Padre Huerta sa kanyang isinulat yamang may mga naunang mga naisulat na hinggil sa kasaysayan ng Probinsya ng San Gregorio Magno sa Pilipinas. Ngunit hindi mapatutunayan ang sapantahang ito dahil sa hindi nakasulat sa nasabing akda kung saan kinuha niya ang ideyang ito.  

Sa aklat na Apuntes Interesantes Sobre de las Islas Filipinas, tinukoy ng may akda na sa pagkakatatag ng lalawigan ng Bulacan ay minsang naging kabisera nito ang bayan ng Meycauayan.[3] Sinusuportahan nito ang binanggit ni Padre Huerta sa naunang aklat na nabanggit.

Ayon naman kay Dr. Jaime Veneracion, nang dumating ang mga Espanyol sa Pilipinas, ang pinakapusod ng lalawigan noon ay ang Meycauayan kung saan nagmula ang iba pang mga bayan sa katimugang bahagi ng Bulacan. Binanggit din niya na sa kalagitnaan ng ikalabimpitong daang taon lamang  makikilala ang lalawigan bilang Bulacan na ipinangalan sa kanyang kabisera, ang bayan ng Bulakan. Ang ikalawang tinuran niyang ito ay ibinatay niya sa Errecion de Pueblo: Bulacan mula sa Pambansang Sinupan.[4]

Sa aking mga nasaliksik, ang pinakamahalaga at pinakamatandang tala na bumabanggit sa pagkalalawigan ng Meycauayan ay mula rin sa isang Franciscano, si Padre Juan Francisco de San Antonio sa kanyang pagsulat sa kasaysayan ng Probinsiya ni San Gregorio Magno. Binanggit sa talang ito na ang kabayanan ng Pueblo de Meycauayan ay inilipat sa bagong lugar mula sa dati nitong kinalalagyan dahil sa pananalanta ng isang mapaminsalang bagyo. Kaugnay nito, Sa kahilingan ni San Pedro Bautista sa pamamagitan ng noo'y ministro na si Fr. Antonio Nombela, ipinadala ni Dr. Santiago de Vera ang kanyang kalihim, si Gaspar de Azebo sa noo’y alcalde mayor ng “provincia de Meycauayan” (katumbas ng punong-lalawigan sa kasalukuyan) na si Christoval de Asqueta noong ika-16 ng Nobyembre, 1588. Ito ay upang siyasatin ang ilang mga usapin ukol sa paglilipat ng kabayanan at ang pagtatayo ng bagong simbahang bato para sa parokya ng Meycauayan.[5]

Nakatutuwang isipin na minsan sa mga pahina ng kasaysayan ay naging lalawigan ang Meycauayan. Ang katatotohanang ito ay nagpapatunay sa kadakilaan ng bayan at makapagbibigay-diing ang bayan ay hindi nagsimula bilang isang “sleepy town.” Ngunit nakalulungkot na ang katotohanang ito, na hindi mapasusubalian dahil sa mga patunay na nabanggit sa itaas, ay lingid sa kaalaman ng mga nakararaming Bulakenyo. Marahil ay natabunan ito dahil ang kasaysayan ng Bulacan sa pangkalahatan ay nakasentro sa Malolos dahil sa mahalagang papel na ginampanan nito sa rebolusyon. Sana’y unti-unti nang mabuo ang mga napilas na dahon ng kasaysayan ng dakilang lalawigan ng Bulacan.

24 Abril, 2013
Lungsod ng Meycauayan



[1] Huerta, Fr. Felix, Estado geográfico, topográfico, estadístico, histórico-religioso de la santa y apostólica provincia de S. Gregorio Magno. Imprenta de N. Sanchez, Binondo, Manila ; 1865 p 70.
[2] Ibid, p 71.
[3] Herrero, Casimiro, Apuntes interesantes sobre las islas Filipinas, Imprenta del el Pueblo, Madrid; 1869 p 79.
[4] Veneracion, Jaime, Kasaysayan ng Bulacan, BAKAS, Cologne, Germany, 1986 p 17.
[5] San Antonio, Juan Francisco de,  Chronicas de la apostolica provincia de S. Gregorio, Papa, el Magno ... de religiosos descalzos de N.S.P. Francisco en las Islas Philipinas, China, Japon &c: Parte segunda .... [Sampaloc (Manila)]: Impressa en la imprenta del uso de la propia Provincia, sita en el Co[n]vento de Nra. Señora de Loreto del pueblo de Sampaloc, extra-muros de la ciudad de Manila , 1741 p 316-319.