Friday, January 4, 2013

Ang Dalawang Nazareno ng Maynila

Larawan ng Nazareno ng Quiapo

Sa Quiapo, isang distrito sa Lungsod ng Maynila kung saan naghahalo ang mga kultura ng iba’t ibang lahi, ang imahen ni Jesukristong tangan-tangan ang krus ang siyang sentro ng pamimintuho ng mga debotong Katolikong Pilipino. Kakambal na ng salitang Quiapo ang Nazareno para sa mga Pilipino. Ang Mahal na Poong Jesus Nazareno o mas kilala sa kanyang titulong Nuestro Padre Jesus Nazareno de Quiapo, ang imaheng ito ay napabantog sa buong mundo dahil sa kanyang kasaysayan, mga himala at sa kanyang taunang prusisyon. Ngunit lingid sa kaalaman ng marami, dalawa ang bantog na Nazareno na pinamimintuhuan ng mga ninuno natin noong panahon ng mga Espanyol. At sa kasalukuyan, madalas silang mapagkakamalang iisa.

“Popular” na Kasaysayan

Ang imahen ng Nazareno ay banyaga para sa atin sapagkat ito ay dala-dala ng mga paring Recoletos mula sa bansang Mexico na dumating sa Pilipinas noong ika-31 ng Mayo, 1606. Sinasabing bahagyang nasunog ang imahe nang masunog ang barkong nalululan dito patungo sa Pilipinas na nagbigay sa kanya ng itim na kulay. Dahil dito, kinikilala ito ngayon bilang Itim na Nazareno. Inilagak ang nasabing imahen sa simbahan ng mga Recoletos sa Bagumbayan, na nasa ilalim ng pamimintuho kay San Juan Bautista. Inilipat ito sa simbahan ni San Nicolas de Tolentino, ang iglesia conventual ng mga Recoletos noong 1608. Sa simbahang ito, itinaguyod ng mga prayeng Recoletos ang pagdedebosyon sa imahen.

Labinglimang taon mula nang mailagak siya sa simbahang iyon, naitatag ang Cofradia de Jesus Nazareno. Ang katangi-tanging debosyong kanilang pinalaganap sa pamamagitan ng cofradia ay tumanggap ng pagkilala mula sa Santo Papa: una ay mula kay Papa Inocencio X noong 1650 sa kanyang pagbibigay ng pagkilalang pontipikal at ng pagbibigay ng kalatas ng papa (Papal Bull)  sa cofradia at ikalawa mula kay Pio VII noong ika-19 na siglo na binigyan ng indulhensiya ang mga taong mataimtim na magdedebosyon sa harap ng Nazareno.

Ang imahen ay inilipat sa simbahan ng Quiapo sa pagitan ng mga taong 1767 at 1790 ayon sa utos ng Arsobispo Basilio Sancho ng Maynila, na tulad ng naunang simbahang naging kanyang tahanan ay nasa ilalim ng pamimintuho kay San Juan Bautista. Nakaligtas ang imahen sa sunog na tumupok sa simbahan ng Quiapo noong 1791 at 1929, sa lindol na yumanig sa Maynila noong 1645, 1863 at 1880 at sa pambobomba noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Pagtatama sa Maling Impormasyon


Ang Nazareno ng mga Recoletos sa Intramuros
Dalawa ang kilalang imahen ng Nazareno na pinag-uukulan ng pamimintuho sa Maynila noong panahon ng pananakop ng mga dayuhan sa Pilipinas. Una, ang imahen ng Nazareno sa simbahan ni San Nicolas de Tolentino ng mga Recoletos sa Intramuros. Kilala ang imahen na ito bilang nakatatandang Nazareno kaysa sa Quiapo. Mismong ang Pambansang Alagad ng Sining na si Nick Joaquin ay nagsulat sa isa sa kanyang mga artikulo na ang imaheng ito ang pinakamatandang Nazareno sa Pilipinas. Ang Nazarenong ito ay inilalabas sa isang prusisyon tuwing Linggo ng Palaspas bilang panimula ng Semana Santa sa Intramuros. Naglaho ang imaheng ito noong bombahin ang simbahan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang ikalawang imahen ay ang nasa Quiapo na sinasabing binigay ng mga prayleng Recoletos. Ito ay ang siyang pinagpipista tuwing ika-9 ng Enero na sinasabing petsa ng traslacion sa imahen mula sa simbahan ng Recoletos (kung saan nag-ugat ang debosyon ng Nazareno sa pamamagitan ng isang cofradia) patungo sa simbahan ng Quiapo. Sa ibang mga tala, sinasabing noong ika-15 ng Enero 1791 nailipat ang imahen matapos magawa ang simbahan ng Quiapo dahil sa sunog. Magkaiba ang paraan ng pagpapakita ng debosyon sa dalawang imahen. Ang prusisyon ng imahen na nasa Intramuros ay higit na payapa kung ihahambing sa Quiapo na karamihan sa mga namamanata ay mga indio. Dahil dito tinatawag na Nazarenong Mayaman ang nasa Intramuros samantalang Nazarenong Mahirap naman ang nasa Quiapo.

Walang tiyak na impormasyon hinggil sa tunay na petsa ng pagdating ng dalawang Nazareno sa Pilipinas. Sinasabing taong 1606 nang dumating sa Pilipinas ang mga Paring Recoletos ngunit ayon sa mga tala ng kanilang mga kroniko, walang nabanggit na imahen ng Nazareno na dala-dala nila sa kanilang pagdalong sa ating bansa. Tanging ang imahen ng Nuestra Senora de Salud ang nabanggit na dala-dala nila mula sa Mexico. Binanggit sa website na quiapochurch.com na malamang na dumating ang unang Nazareno sa Pilipinas sa taong 1606 o mga ilang taon pa ang nakalipas. Samakatuwid, ang imaheng ipinuprusisyon sa Quiapo ay hindi ang naunang imahen.

Postscript

Hindi man nauna, hindi pa rin matatawaran ang debosyon ng mga Pilipino sa Mahal na Poong Nazareno ng Quiapo. Taon-taon, tuwing sapapit ang buwan ng Enero, bantad sa lahat kung gaano kaalab ang pananalig ng mga Katolikong Pilipino sa pamamagitan ng kanilang pamimintakasi kay Jesus. Hindi matatawaran ang kapal ng taong lumalakad nang walang sapin sa paa, mayaman man o mahirap, matupad lamang ang kanilang taunang panata na magprusisyon sa Quiapo bilang pasasalamat sa mga biyayang natamo at bilang pagsamo sa mga kahilingang tanging ang mga puso lamang nila ang nakababatid.

03 Enero 2013, Talavera, Nueva Ecija

No comments:

Post a Comment