Narinig na ba ninyo ang “Paskong Bukid?” Marahil ay alam
nating lahat kung ano ang Pasko na para sa mga Pilipino ay katumbas ng Pasko ng
Pagsilang (mayroon ding isang pang Pasko sa pagdiriwang ng simbahan, ang Pasko
ng Pagkabuhay.) Noong ako ay nag-aaral ng hayskul sa isang pampublikong
paaralan sa Marilao, nagtataka ako sa tuwing sasapit ang ika-6 ng Enero dahil
kaunti lamang ang mga pumapasok na mga kamag-aral ko sa araw na iyon. Sa
pag-uusisa kinabukasan, nabatid kong kaya pala sila liban sa klase ay namasko
sila dahil Paskong Bukid daw sa kanila. Ngunit ano nga ba ang “Paskong Bukid?”
Iba pa ba ito sa Pasko ng Pagsilang na ipinagdiriwang ng mga Katoliko?
Ipinagdiriwang ng mga magsasaka sa Gitnang Kapatagan ng
Luzon ang Paskong Bukid tuwing ika-6 ng Enero, sa Kapistahan ng Tatlong Hari sa
lumang kalendaryo ng simbahan. Sa mga lumang Almanaque o kalendaryo, ang ika-6
ng Enero ay “Fiesta de Precepto. (Fiesta) de la Epifania del SeƱor y la
Adoracion delos Santos Reyes Baltazar, Melchor y Gaspar.” Pistang Pangngilin.
Ang Pagpapakita ng Banal na Sanggol at ang Pagdalaw ng mga Banal na Pantas na
si Melchor, Gaspar at Baltazar. Paskong Bukid ito kung tawagin sapagkat tanging
mga taga-bukid lamang ang nagsasagawa nito. Hindi ako pamilyar noon sa
pagdiriwang na ito sapagkat ako ay lumaki sa kabayanan ng Meycauayan na malapit
sa mga pangisdaan. Sa pangkalahatan, ang Meycauayan ay nahahati sa dalawang
bahagi: ang Kabayanan na malapit sa Ilog Meycauayan at mga palaisdaan at ang
Bukid na bahaging palayan. Pero bakit nga ba may Paskong Bukid sila?
Sa kasaysayan ng pagsilang ni Jesukristo, ibinalita ng mga
kawan ng anghel sa mga pastol ang magandang balita na dumatal na sa daigdig ang
kaligtasan. Ang mga pastol na ito ang siyang unang nakatunghal sa Sanggol sa
sabsaban. Sila ang unang bumisita sa Banal na Mag-anak nina Jesus, Maria at Jose
sa Bethlehem. Ang mga magsasaka, na ang ilan din ay nag-aalaga o nagpapastol ng
mga hayop, ay tinitingalang mapalad ang mga pastol na pinagbalitaan ng
magandang balita ng anghel. Dahil dito, ipinalalagay nila na sa kabila ng
kanilang abang kalagayan, pinili pa rin ng Diyos na magpakita sa mga pastol.
Dahil wala naming nagpapastol ng tupa sa Pilipinas, itinuturing ng mga
magsasaka na ang kanilang maralita ngunit marangal na pamumuhay ay masasalamin
sa mga pastol na ito. Sa kanilang hanay, bagamat sila’y aba, unang sumilay ang
kaligtasan. Sapat na dahilan upang ipagdiwang nila nang may higit na pag-aalab
ng kanilang mga damdamin ang Pista ng pagpapakita ng Panginoon.
Nakatutuwang isipin na sa kabila ng pagbabago sa Liturhiya
ng Simbahang Katoliko kung saan hindi na itinituring na pistang pangngilin ang
ika-6 ng Enero at inilipat na ang Kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon sa
unang Linggo ng Enero, buhay pa rin ang pagdiriwang ng Paskong Bukid sa
Meycauayan. Kahit na napasok na ng iba-ibang mga relihiyon at sekta ang bahanging
ito ng bayan, marami pa rin ang naghahanda ng pagkaing tulad ng sa Paskong
Tunay. Maririnig pa rin ang walang-humpay na sagitsit ng mantika sa mga pinipirito
sa kusina o likod-bahay. Nawala man ang pagsisibak ng kahoy na ipariringas sa
kalang mga kawa ang pinaglulutuan, nariyan pa rin ang mga tagapagluto ng
pamilya na walang sawang niluluto ang espesyal na putahe ng kanilang angkan. Nagbibihis
pa rin ng mga bagong damit ang mga bata at dumadalaw sa mga magkakamag-anak na kung
minsan ay umaasang makakukubra pa ng mga pamasko sa mga hindi pa nila
napupuntahan noong nakaraang ika-25 ng Disyembre. Masarap pagnilayan na kahit
na mabilis ang modernisasyon sa bahaging ito ng Meycauayan dahil sa pagsulpot
ng mga pabrika at pagawaan, hindi pa rin namamatay ang tradisyong ito.
Tradisyong nagpapaalala na ang kaligtasan ay makakamit ng kahit na pinakapayak
sa ating lahat.
06 Enero, 2013
Lungsod ng Meycauayan
No comments:
Post a Comment