Showing posts with label Bulacan. Show all posts
Showing posts with label Bulacan. Show all posts

Thursday, April 28, 2016

From the land of bamboos, Meycauayan!

Meycauayan – mula sa mga salitang “may kawayan” na tumukoy sa lugar na maraming tumutubong kawayan. Sa ganyang paraan daw pinangalanan ang ngayon ay lungsod nakilala ring Sentro ng Pag-aalahas sa Pilipinas. Subalit sa aking pag-iikot sa bayan, napansin kong hindi naman saganasa kawayan ang kabayanan nito. Bakit nga ba ito ang naging pangalan ng lungsod?

Mula sa Alamat

May dalawang bersyon ang alamat kung bakit tinawag na “Meycauayan” ang bayan. Una ay ang poklorikong salaysay na nagsasaad nito:

Bambusa bambos mula sa
Flora de Filipinas
ni Fr. Manuel Banco, OSA
Noong unang panahon, ang Pilipinas ay nahahati sa anim na pangkat lamang at bawat isa nito ay nasa ilalim ng pamamahala ng isang sultan o raha. Ang namamahala ng isang pangkat ay si Sultan Yantok at samantalang si Raha Sugod ang namumuno sa isa. Magkaiba ang ugali ng dalawang ito. Si Sultan Yantok ay malupit at matapang samantalang si Raha Sugod ay mabait. Mahal na mahal si Raja Sugod ng kanyang mga nasasakupan dahil sa kanyang kabutihan.

Isang araw, si Sultan Yantok ay lumusob sa kaharian ni Raha Sugod kung saan ang kampo ng huli ay kanyang nakubkob. Nagsitakas ang kanyang mga tauhan at isang lugar na ligid na ligid ng matitinik na kawayan ang napili nilang pagtaguan. Pagalit na iniutos ni Sultan Yantok ang paghanap sa mga nagsitakas ngunit dahil sa kahirapan ng pagtungo sa masukal at matinik na kawayanan na pinagtaguan ng mga tauhan ni Raha Sugod ay hindi na pinagpilitan pang ipahanap at ipadakip sila ni Sultan Yantok. Lahat ng kanyang naatasang magtungo sa pook na kublihan ng mga takas ay pawang umuuwi na sugatan ang mga katawan.

Simula noon, ang pook na iyon ay tinatawag na “May Kawayan” dahilan nga sa dami ng mga kawayan na nakapaligid doon.

Ang ikalawang bersyon ay may kinalaman sa mga prayleng nagpunla ng pananampalatayang Kristiyano sa bahaging ito ng Bulacan. Sinasabing sa kanilang pagdating sa lugar ay nadatnan nila ang mga nagtatayugang mga kawayang tumutubo doon kung kaya tinawag na Meycauayan ang lugar.

Dahil sa pananalasa ng isang bagyo, inilipat ang kabayanan sa Lagolo noong 1588 at pagkatapos ay muling inilipat sa kasalukuyan nitong kinatatayuan noong 1688.

Paiba-ibang Baybay.

Sa pagdaan ng panahon, nagkaroon ng maraming paraan ng pagbabaybay sa pangalan nito. Sa dokumentong Relacion de las Encomiendas Existentes en Filipinas noong 1591 tinawag itong Encomienda de Mecabayan. Malamang na ang baybay na ito ay nagmula sa Romanized na Mecavayan kung saan ang titik U ay madalas na nagiging V na nagiging B rin naman. Naging kaso rin ito ng baybay ng Baliuag na naging Balivag na siya namang naging Balibag at ng Bocaue na minsan ay nagiging Bocavi sa ilang mga kasulatan. Makikita rin ito sa aklat na Anales Minorum ng mga Fransiscano na tumatalakay sa pagtatatag ng mga bayang Franciscano noong 1578.

Bahagi ng Aklat na Annales Minorum seu trium ordinum a. s. Francisco Institutorum, 1844

Isa namang dokumentong nagpapahintulot na ipatayo ang isang simbahang bato noong taong 1599 ang nagsasaad na ang baybay ng pangalan ng bayan ay Meycaguaian. Nagpatuloy ang ganitong paraan ng baybay na may titik “G” bagamat may ilang baryasyon; Mecaguayan at Meicaguayan (1631). Sa pagitan ng taong 1644-1649, tinawag naman itong Micauayan. Sa mapa ng Pilipinas noong 1734 na nailathala sa aklat ng Heswitang si Pedro Murillo Velarde ay tinawag naman itong Maycauayan.

Mapa ng Bulacan mula sa Carta Hydrographica y Chorographica de las Yslas Filipinas, 1734

Kinilala ang bayan bilang Pueblo de Meycauayan sa mga libros canonicos ng Simbahan ng Meycauayan gayundin sa mga opisyal na dokumeto ng kolonya sa panahon ng mga Espanyol hanggang sa ito’y maging Municipality of Meycauayan noong panahon ng mga Amerikano. Sa mga aklat tungkol sa Digmaang Filipino-Amerikano ay nagkaroon ng ilan pang mga baryasyon sa pagbabaybay sa ngalan ng bayan. Lumitaw ang Maykawayan, Maycauayan, Meicauayan at Meikauayan sa ilang mga pagbanggit bilang ngalan nito.

Mapa ng Pag-atake ni Admiral George Dewey sa Maynila, 1899

Sa pagkakamit ng mga Pilipino ng ganap nakalayaan noong 1945, opisyal itong tinawagna Municipality of Meycauayan / Munisipalidad ng Meycauayan. Mangilan-ngilan din ang gumamit ng baybay na Meykawayan at Maykawayan sa ilang mga dokumento.

Kasabay ng pagsapit ng bagong milenyo ay ang muling pagbabago sa kanyang opisyal na katawagan. Taong 2006 nang maging ganap na lungsod ang Meycauayan. Sang-ayon sa Batas Republika 9356, ito ay tatawaging City of Meycauayan o Lungsod ng Meycauayan. Hindi man opisyal, madalas nang tawagin itong Meycauayan City sa kasalukuyan.


Anuman ang pagbaybay, nagkaroon man ng ilang pagbabago, naroroon pa rinang diwa ng halamang kawayan. Larawan ito ng katatagan na sumasalamin sa mahabang kasaysayan ng bayang sinubok man ng panahon ay nananatili pa ring nakatayo at sumasayaw sa ihip ng nagbabagong panahon.

Licod, Lungsod ng Meycauayan
28 Abril, 2016

Tuesday, July 2, 2013

Mahal na Krus sa Wawa ng Bocaue

Masaya, maingay, punong-puno ng debosyon, basang-basa. Ganyan ilarawan ng mga namamanata ang pagpipista ng Mahal na Krus sa Wawa ng Bocaue. Dinarayo ang pista ng mga deboto at mga nais makasaksi sa karangyaan at init ng pananampalataya ng mga taga-Bocaue sa maliit na replica ng Krus na kinamatayan na Kristo. Ang Krus na tumubos sa sala ng lahat. Ang Krus na naging sagisag ng ating pananampalataya.  Sa isang marangyang pagodang may napakagandang disenyo, inilululan ang Mahal na Krus sa Wawa. Inilalagay ito sa itaas na bahagi upang mamalas ng mga taong nag-aabang sa mga pampang ng ilog na binabagtas ng pagoda habang ito ay lumiligid sa ilog nang makailang ulit. Mahigit sa sampung mga maliliit na bangkang napapalamutian din ng mga dekorasyon ang kasabay na lumilid ng pagoda. Masaya, maingay, punong-puno ng debosyon, basang-basa. Ganyan ilarawan ng mga namamanata ang pagpipista ng Mahal na Krus sa Wawa ng Bocaue. Ngunit ang sayang ito ay mababago matapos ang taong 1993.

Balik-tanaw

Ang pagpipista ng Mahal na Krus sa Wawa ay nagsimula mahigit dalawandaang taon na ang nakalilipas sa pagkakatagpo ng isang itim na krus ang nakitang lumulutang sa ilog ng Bocaue. Sinasabing isang matandang babae ang iniligtas ng krus na ito mula sa pagkakalunod kung kaya dinala ng mga tao ang nasabing imahen sa isang bisita at nang lumaon ay sa simbahan ng Bocaue. Taon-taon mula noon, dumami ang mga naging deboto ng Krus dahil na rin sa di mabilang na mga himalang naikabot dito. Ipinagdiriwang ang kapistahan nito tuwing unang linggo matapos ang ika-2 ng Hulyo at nang lumaon ay tuwing unang Linggo ng Hulyo. Bago ilulan ang Mahal na Krus sa pagoda, isang misa konselebrasyon ang isinasagawa sa simbahan at pagkatapos, ito ay ipuprusisyon patungo sa pagoda. Matapos ang ligiran ng pagoda, muli itong ibabalik sa simbahan upang itanghal muli.

Ang Trahedya ng Pagoda noong 1993

Noong ika-2 ng Hulyo, 1993, ang pagpagpapahayag ng debosyon sa Mahal na Krus ay nauwi sa malagim na trahedya. Ang pagoda kung saan isinakay ang mga banal na imahe ay lumubog nang sakyan ng humigit-kumulang limandaang tao na lagpas sa kapasidad nito. Dahil sa nangyari, mahigit dalawandaan ang nasawi. Sinasabing ang depektibong pagkakagawa ng pagoda ang dahilan ng paglubog nito. Mabigat ang mga materyales na ginamit sa mataas na pagoda. Malikot ang mga taong sakay ng pagoda dahil sa kanilang pagsasayawan at pagsisiya na karaniwan naming isinasagawa ng mga nakasakay doon taon-taon. Dahil na rin sa dami ng tao at sa depektibong disenyo, hindi kinaya ng maliliit na kasko ang mabigat na coco lumber na ginamit kung kaya unti-unti itong pinasok ng tunig. Nagtalunan ang mga tao sa ilog na naging dahilan ng pagkakawala ng balanse ng pagoda kaya ito tuluyang lumubog. Tinatayang 266 na katao ang namatay dahil sa pagkakalunod at sa pagtama ng mga mga nahulog na kahoy. Ang Masaya, maingay, punong-puno ng debosyon, basang-basang pagdiriwang na punong-puno ng halakhakan at pananalangin ay napalitan ng luha at panaghoy.

Muling-pagbuhay sa Tradisyson

Matapos ang trahedya, ipinagbawal ng lokal na pamahalaan ng Bulacan ang paggawa ng pagoda sa Bocaue. Matagal na naging tahimik ang ilog ng Bocaue tuwing unang Linggo ng Hulyo. Sariwa pa sa marami ang iyakang umalingawngaw noong araw na lumubog ang pagoda. Ngunit unti-unti, sa tulong ng mga deboto, muling ibinabalik ang sigla ng pista. Muli nang inililigid ang Krus sa ilog lulan ng mas maliit na pagoda. Ang dating kasing taas ng apat na palapag na gusali ay nilimitahan na lamang na tinatayang hindi lalagpas sa 15 talampakan. Muli nang nanunumbalik ang sigla at saya. Kasabay ng pagbabalik ng masaya maingay, punong-puno ng debosyon, basang-basa pagdiriwang, inaalala ng mga taga-Bocaue ang mga nagbuwis ng buhay sa paglubog ng pagoda. Kasama ng kanilang mga panalangin ng kahilingan, ipinagdarasal ng mga kaanak, kaibigan at nga deboto ang pagkakaroon ng kapayapaan ng kanilang mga kaluluwa.

Sa darating na Linggo, ika-7 ng Hulyo ay kapistahan ng Mahal na Poong Krus sa Wawa.

Friday, May 17, 2013

Balik-tanaw: Pistang Obando 1894

Sa aklat na Yesterdays in the Philippines na inilathala noong 1898, inilarawan ng Amerikanong si Joseph Earle Stevens ang kanyang karanasan sa pagpunta sa Obando  noong taong 1894sa kapistahan ng kanilang tatlong patron: San Pascual Baylon, Santa Clara at Virgen ng Salambao. Partikular na binigyang-diin ni Stevens ang pagsasayaw ng mga namamanata roon bilang isang paraan ng kanilang panata, mapa-lalaki, babae, bata, matanda, ama o ina man. 


Fiesta of Obando 1894

Bayluhan sa loob ng simbahan ng Obando ca. '30s
Several days ago, a number of us went up the railroad line to see a “fiesta" at a little village called Obando. It was a religious observance lasting three days, and pilgrims from many villages thought it their duty to go there on foot. A great dingy old church with buttressed walls yards thick, a large plaza shaded by big trees, and beyond, on all sides, the native houses. Such a crowd I have rarely seen. Everybody seemed to think it his duty to dance; and men, women, old men and children, mothers with babies and papas with kids, shouted, jumped around, danced, joggled each other and rumpussed about until they were blue in the face, dripping with heat, and covered with dust. Then they would stop and another crowd takes up the play. As the circus proceeded, the crowds increased; the old church was packed with worshippers who brought candles and receiving a blessing, spent an hour or so on the stone pavements in positions of contrite humility. Around the walls of the church were placed realistic paintings of the chromo order, representing hell and the river Styx, and as the natives looked at portraits of devils driving nails into the heads of the tormented, of sulphurous flames that licked the cheeks of the wicked in this world, or serpents that twined themselves into square knots around the chests of a dozen unfortunates, and of countless homed demons who plucked out the heartstrings of the condemned, they counted their beads with renewed vigor and mumbled long prayers. Countless little booths stood like mushrooms round about outside, and cheap jewelry, made in Germany, found ready sale. The dancing and shouting increased as the sun sank in the west, until the ground fairly shook and the dust arose in vast clouds. Around the edge of the church, under the porticoes, slept sections of the multitude who were preparing themselves to take part in the proceedings when others were tired out. It was a motley crowd, a motley scene, and an unforgettable collection of perfumes.


Ang pista sa Obando ay ipinagdiriwang taun-taon tuwing ika-17, 18 at 19 ng Mayo. Sa kasamaang palad, nabomba ang simbahan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig at kasama ang orihinal na imahen ng mga patron na nasira o nawala. Pansamantalang naitigil ang pagsasayaw noong dekada '70s dahil ito raw ay hindi nakaayon sa liturhiya. Bulong-bulungan daw noon na palihim na umiindak pa rin ang mga namamanata tuwing sila ay bumibisita sa Obando. Salamat sa Diyos at muling naibalik ang tradisyon ng pagsasayaw sa Obando.

Halina sa bayang ito kung saan ang bawat indak at kahilingan, bawat galaw ay pasasalamat at ang bawat imbay ay panalangin.

17 ng Mayo, 2013
Malinta, Lungsod ng Valenzuela