Ang lumang Baptisterio ng Simbahan ng Meycauayan |
Tayong mga Pilipino ay likas
na mahilig sa mga okasyon at pagdiriwang. Nariyang pinaghahandaan ang Pasko,
Bagong Taon, kaarawan at kasalan. Isa nga rin po sa mga pinaghahandaang okasyon
natin ay ang binyag. Ilang araw pagkasilang pa lang sa isang sanggol,
pinagpaplanuhan na ng mag-asawa ang pagpapabinyag sa kanilang munting anghel.
Saang simbahan magpapabinyag, kalian magpapabinyag, sinu-sino ang kukuning
ninong at ninang, saan ang reception at marami pang iba. Hanggang sa dumating
ang araw ng binyag. Abala ang lahat. Inihahanda natin ang damit na isusuot ng
bata. Nariyang nag-aalala ang ibang mga magulang dahil baka hindi makumpleto
ang mga ninong at ninang. Yung iba, naiinis dahil iyak nang iyak ang kanilang
mga pabibinyagan. Isasagawa ng pari ang seremonyas ng binyag. Matapos mabuhusan
ng tubig, mapahiran ng langis ang bata at maitalaga sa Diyos; matapos ang
paghihintay para sa picture-taking, ang lahat ay uuwi upang kumain sa
salusalong inihanda. Ligpitan, bilangan ng pakimkim, patutulugin ang bata at
magpapahinga ang lahat. Tapos na ang araw, tapos na rin ang seremonyas. Matapos
ang lahat ng pag-aaabala, dito na rin po kaya natatapos ang ating gampanin?
Nakalulungkot isipin na karamihan sa ating mga Katoliko, dito natatapos ang
binyag. Ang ilan, iniaaasa na sa paaralan ang sa simbahan ang paghubog sa
kaluluwa ng kanilang mga anak. Biruan pa nga noon na may mga taong tatlong
beses lamang pumapasok sa simbahan, noong sila ay binyagan, ikasal at
pagmisahan sa kanilang libing. Ngunit hindi dapat dito ito magtapos.
Sa misteryong ating
pinagninilayan, ang pagbibniyag kay Jesus ay simula ng kanyang publikong
ministeryo. Ito ang “ikalawang pagpapakita” ng ating Panginoon. His second
Ephiphany. Ang kanyang ikalawang pagpapakilala ng kanyang sarili.
Minsan daw po ay may isang
batang intsik na nahimok ng isang minsyonerong pari sa pananampalatayang
katoliko. Madalas na sinusundan ng batang ito ang pari sa mga gawain nito sa
simbahan at sa kanyang pangangaral ng mabuting balita. Nang lumaon ay
nakakasama na rin siya nito sa pagdalaw sa mga may sakit, nagdadalamhati at sa
pagpapakain ng mga nagugutom sa mga ampunan. Hindi naglaon ay lumipat ng
tirahan ang batang intsik malayo sa misyonerong kanyang naging kasa-kasama.
Minsan sa isang kanilang pag-aaral ng katekismo sa kanilang pamayanan,
tinatalakay ng isang guro ang tungkol sa isang dakilang taong naparito sa lupa
upang maghasik ng kabutihan sa lahat. Hindi pa man nakapagsisimula ang guro sa
kanyang salaysay ay nagtaas na kaagad ng kanyang kamay ang bata sabay wikang
“kilala ko po siya! Siya ang pari sa dati naming tinitirhan.” Sa madaling sabi,
nakilala ng bata ang Diyos sa pamamagitan ng mabubuting gawa ng misyonero. Nakikita
niya ang Diyos sa kanyang katauhan.
Sa pagbibinyag kay Jesus,
hindi lamang ipinakilala ni San Juan Bautista na si Jesus ang itinakdang Mesias
kundi ipinakilala rin siya ng Ama na kanyang Anak na kinalulugdan. Kasama ng pagpapakilalang ito ang napakalaking
tungkuling nakaatang sa kaanyang balikat, ang pagpapakita sa tao kung gaano
tayo kamahal ng Diyos. Tayo rin ay mga binyagan at sa pamamagitan ng binyag na
ito, tinatawagan tayo ng Panginoon na tumulad sa mga halimbawa na kanyang
ipinakita. Hindi na natin kailangang pang magbuwis ng buhay tulad ng mga martir
na si San Lorenzo Ruiz at San Pedro Calungsod upang masabing ganap ang ating
pagsunod sa Kanya. Sa pamamagitan ng payak na kaparaanan, gaano man ito kaliit,
kung ito naman ay tumutugon sa mga ipinangako natin sa binyag, magiging sapat
ito sa pangingin ng Ama.
Si Jesus, tulad natin ay
bininyagan. Ipinakilala ni Jesus ang kanyang sarili sa madla sa pamamagitan ng
binyag na ito. Tayo kaya, paano natin maipakikilala ang Diyos sa pamamagitan ng
ating binyag? Pagkatapos nga ba ng seremonyas ng binyag, natatapos na rin ang
ating tungkulin o ito ay isang hudyat na simula pa lamang ng mas malaking
tungkuling nakaatang sa ating mga balikat? Idalangin nating sa Taong ito ng
Pananampalataya, na sa pamamagitan ng ating binyag, muling mag-alab ang ating
pagnanasang tularan si Kristo.