Showing posts with label Catholic. Show all posts
Showing posts with label Catholic. Show all posts

Monday, April 22, 2013

Pista ng Bisitang Matanda ng Marilao


Larawan ng isinaayos na "Bisitang Matanda"
      Tuwing sasapit ang buwan ng Abril sa Marilao, matapos ang pagluluksa ng sambayanan sa kalilipas pa lamang na Semana Santa at ang pagsasaya ng madla sa katatapos pa lamang na Pasko ng Pagkabuhay, pinakaaabangan ng mga taga-Poblacion ang pagdiriwang ng Pista ng Bisitang Matanda. Isa itong bisitang itinuturing ng mga Marileño na duyan ng kanilang pananampalatayang Katoliko sapagkat dito sa bisitang ito, ipinunla ng mga frayleng Franciscano ang sambayanan ng Diyos bago pa mang ang bayan ng Marilao ay nagsarili mula sa Meycauayan. Sinasabing ang lugar na kinatatayuan ng matandang bisita ang tinatawag noon na “Tawiran” na kung saan nakadambana ang imahen ng Santo Cristo na tinatawag ng maraming “Mahal na Señor.” Limampung taon matapos na maitayo ang matandang bisita, sa panahong nagsarili ang bayan, dahil na rin sa kaliitan ang bisita at sa lumalagong pangangailangang pangkaluluwa ng mga taga-Marilao kung kaya nagpasya silang ilipat ang lugar na katatayuan ng bagong simbahang kalalagyan ng kanilang bagong patron, si San Miguel Arcangel. Taong 1796 nang pormal na maitatag ang Pueblo de Marilao.

Opisyal na Replika ng Mahal na Señor
     Ang imahen ng Mahal na Señor sa Bisitang Matanda ay isa sa mga natatanging yaman ng Bayan ng Marilao. Isa itong krusipiho na may kakaibang paglalarawan sa paghihirap ng ating Panginoong Jesus. Ang krusipiho ay nagpapakita kay Jesus na agaw-buhay na nakabayubay sa krus habang ang isang anghel, dala-dala ang isang kalis, ay matamang nakaantabay upang sahurin ang pagpatak ng Kanyang Mahal na Dugo. Iilan lamang sa Pilipinas ang may ganitong paglalarawan sa Mahal na Señor kaya gayon na lamang ang pagmamalaki ng mga taga-Marilao rito.









Salinan ng Krus
      Mayaman sa tradisyon ang pagdiriwang ng pista ng Bisitang Matanda. Pinagdiriwang ito tuwing ikatlong linggo matapos ang Pasko ng Pagkabuhay. Ang kapistahang ito, na bukod sa pistang bayan, ay tila isang bato-balaning humahatak pabalik sa mga dating Marileñong naninirahan na sa ibang mga bayan at lungsod upang mamintuho at makipista. Sa taong ito ng kanilang pagpipista, bukod sa isang Hermano Mayor na nangangasiwa sa mga gawaing may kinalaman sa pagpipista, mayroong siyamnapung hermanos mayores ang nagtutulong-tulong na itaguyod ang kapistahan. Bawat isang hermano ay nag-aalaga ng maliit na krus na ipinasa sa kanila ng noong nakaraang pista. Buong taong mamalagi sa kanila ang krus na kanila naman isasalin sa susunod na hermano sa araw ng kapistahan. Tinatawag nila itong “Salinan ng Krus” na isinasagawa matapos ang misa sa gabi. 

     Pagtapos ng salinan na tumatagal ng isang oras dahil na rin sa dami ng mga sasalinan, isa-isa nang dumarating ang maliliit na batang babaeng nakasuot ng magagandang damit upang iprusisyon ang mga maliliit na krus. Sila ay karaniwang kaanak ng mga hermano na kakatawan sa kanila upang ilibot sa kabayanan ang krus na kanilang inalagaan kasabay ng paglabas ng mahimalang larawan ng Mahal na Señor. Matapos ang prusisyon, karaniwan nang nagkakaroon ng salu-salo sa tahanan ng mga heramano bilang pasasalamat sa pagpapalang tinamo nila sa buong taon.

     Nakatutuwang isipin na bagamat nagsarili na ang Marilao bilang isang parokya, dalawang daan at labimpitong taon na ang nakalilipas, ang pagpipista sa Bisitang Matanda, na siyang tulay na nagkakawing sa kasaysayan ng mga bayan ng Marilao at Meycauayan ay hindi pa rin nalilimutan. Patunay ito ng malapit na ugnayang nagdurugtong sa dalawang bayan.

22 Abril, 2013
Lungsod ng Meycauayan

Sunday, January 13, 2013

Pagninilay sa Dakilang Kapistahan ng Pagbibinyag kay Jesus

Ang lumang Baptisterio ng Simbahan ng Meycauayan
Tayong mga Pilipino ay likas na mahilig sa mga okasyon at pagdiriwang. Nariyang pinaghahandaan ang Pasko, Bagong Taon, kaarawan at kasalan. Isa nga rin po sa mga pinaghahandaang okasyon natin ay ang binyag. Ilang araw pagkasilang pa lang sa isang sanggol, pinagpaplanuhan na ng mag-asawa ang pagpapabinyag sa kanilang munting anghel. Saang simbahan magpapabinyag, kalian magpapabinyag, sinu-sino ang kukuning ninong at ninang, saan ang reception at marami pang iba. Hanggang sa dumating ang araw ng binyag. Abala ang lahat. Inihahanda natin ang damit na isusuot ng bata. Nariyang nag-aalala ang ibang mga magulang dahil baka hindi makumpleto ang mga ninong at ninang. Yung iba, naiinis dahil iyak nang iyak ang kanilang mga pabibinyagan. Isasagawa ng pari ang seremonyas ng binyag. Matapos mabuhusan ng tubig, mapahiran ng langis ang bata at maitalaga sa Diyos; matapos ang paghihintay para sa picture-taking, ang lahat ay uuwi upang kumain sa salusalong inihanda. Ligpitan, bilangan ng pakimkim, patutulugin ang bata at magpapahinga ang lahat. Tapos na ang araw, tapos na rin ang seremonyas. Matapos ang lahat ng pag-aaabala, dito na rin po kaya natatapos ang ating gampanin? Nakalulungkot isipin na karamihan sa ating mga Katoliko, dito natatapos ang binyag. Ang ilan, iniaaasa na sa paaralan ang sa simbahan ang paghubog sa kaluluwa ng kanilang mga anak. Biruan pa nga noon na may mga taong tatlong beses lamang pumapasok sa simbahan, noong sila ay binyagan, ikasal at pagmisahan sa kanilang libing. Ngunit hindi dapat dito ito magtapos.

Sa misteryong ating pinagninilayan, ang pagbibniyag kay Jesus ay simula ng kanyang publikong ministeryo. Ito ang “ikalawang pagpapakita” ng ating Panginoon. His second Ephiphany. Ang kanyang ikalawang pagpapakilala ng kanyang sarili.

Minsan daw po ay may isang batang intsik na nahimok ng isang minsyonerong pari sa pananampalatayang katoliko. Madalas na sinusundan ng batang ito ang pari sa mga gawain nito sa simbahan at sa kanyang pangangaral ng mabuting balita. Nang lumaon ay nakakasama na rin siya nito sa pagdalaw sa mga may sakit, nagdadalamhati at sa pagpapakain ng mga nagugutom sa mga ampunan. Hindi naglaon ay lumipat ng tirahan ang batang intsik malayo sa misyonerong kanyang naging kasa-kasama. Minsan sa isang kanilang pag-aaral ng katekismo sa kanilang pamayanan, tinatalakay ng isang guro ang tungkol sa isang dakilang taong naparito sa lupa upang maghasik ng kabutihan sa lahat. Hindi pa man nakapagsisimula ang guro sa kanyang salaysay ay nagtaas na kaagad ng kanyang kamay ang bata sabay wikang “kilala ko po siya! Siya ang pari sa dati naming tinitirhan.” Sa madaling sabi, nakilala ng bata ang Diyos sa pamamagitan ng mabubuting gawa ng misyonero. Nakikita niya ang Diyos sa kanyang katauhan.

Sa pagbibinyag kay Jesus, hindi lamang ipinakilala ni San Juan Bautista na si Jesus ang itinakdang Mesias kundi ipinakilala rin siya ng Ama na kanyang Anak na kinalulugdan.  Kasama ng pagpapakilalang ito ang napakalaking tungkuling nakaatang sa kaanyang balikat, ang pagpapakita sa tao kung gaano tayo kamahal ng Diyos. Tayo rin ay mga binyagan at sa pamamagitan ng binyag na ito, tinatawagan tayo ng Panginoon na tumulad sa mga halimbawa na kanyang ipinakita. Hindi na natin kailangang pang magbuwis ng buhay tulad ng mga martir na si San Lorenzo Ruiz at San Pedro Calungsod upang masabing ganap ang ating pagsunod sa Kanya. Sa pamamagitan ng payak na kaparaanan, gaano man ito kaliit, kung ito naman ay tumutugon sa mga ipinangako natin sa binyag, magiging sapat ito sa pangingin ng Ama.

Si Jesus, tulad natin ay bininyagan. Ipinakilala ni Jesus ang kanyang sarili sa madla sa pamamagitan ng binyag na ito. Tayo kaya, paano natin maipakikilala ang Diyos sa pamamagitan ng ating binyag? Pagkatapos nga ba ng seremonyas ng binyag, natatapos na rin ang ating tungkulin o ito ay isang hudyat na simula pa lamang ng mas malaking tungkuling nakaatang sa ating mga balikat? Idalangin nating sa Taong ito ng Pananampalataya, na sa pamamagitan ng ating binyag, muling mag-alab ang ating pagnanasang tularan si Kristo.

Friday, January 4, 2013

Ang Dalawang Nazareno ng Maynila

Larawan ng Nazareno ng Quiapo

Sa Quiapo, isang distrito sa Lungsod ng Maynila kung saan naghahalo ang mga kultura ng iba’t ibang lahi, ang imahen ni Jesukristong tangan-tangan ang krus ang siyang sentro ng pamimintuho ng mga debotong Katolikong Pilipino. Kakambal na ng salitang Quiapo ang Nazareno para sa mga Pilipino. Ang Mahal na Poong Jesus Nazareno o mas kilala sa kanyang titulong Nuestro Padre Jesus Nazareno de Quiapo, ang imaheng ito ay napabantog sa buong mundo dahil sa kanyang kasaysayan, mga himala at sa kanyang taunang prusisyon. Ngunit lingid sa kaalaman ng marami, dalawa ang bantog na Nazareno na pinamimintuhuan ng mga ninuno natin noong panahon ng mga Espanyol. At sa kasalukuyan, madalas silang mapagkakamalang iisa.

“Popular” na Kasaysayan

Ang imahen ng Nazareno ay banyaga para sa atin sapagkat ito ay dala-dala ng mga paring Recoletos mula sa bansang Mexico na dumating sa Pilipinas noong ika-31 ng Mayo, 1606. Sinasabing bahagyang nasunog ang imahe nang masunog ang barkong nalululan dito patungo sa Pilipinas na nagbigay sa kanya ng itim na kulay. Dahil dito, kinikilala ito ngayon bilang Itim na Nazareno. Inilagak ang nasabing imahen sa simbahan ng mga Recoletos sa Bagumbayan, na nasa ilalim ng pamimintuho kay San Juan Bautista. Inilipat ito sa simbahan ni San Nicolas de Tolentino, ang iglesia conventual ng mga Recoletos noong 1608. Sa simbahang ito, itinaguyod ng mga prayeng Recoletos ang pagdedebosyon sa imahen.

Labinglimang taon mula nang mailagak siya sa simbahang iyon, naitatag ang Cofradia de Jesus Nazareno. Ang katangi-tanging debosyong kanilang pinalaganap sa pamamagitan ng cofradia ay tumanggap ng pagkilala mula sa Santo Papa: una ay mula kay Papa Inocencio X noong 1650 sa kanyang pagbibigay ng pagkilalang pontipikal at ng pagbibigay ng kalatas ng papa (Papal Bull)  sa cofradia at ikalawa mula kay Pio VII noong ika-19 na siglo na binigyan ng indulhensiya ang mga taong mataimtim na magdedebosyon sa harap ng Nazareno.

Ang imahen ay inilipat sa simbahan ng Quiapo sa pagitan ng mga taong 1767 at 1790 ayon sa utos ng Arsobispo Basilio Sancho ng Maynila, na tulad ng naunang simbahang naging kanyang tahanan ay nasa ilalim ng pamimintuho kay San Juan Bautista. Nakaligtas ang imahen sa sunog na tumupok sa simbahan ng Quiapo noong 1791 at 1929, sa lindol na yumanig sa Maynila noong 1645, 1863 at 1880 at sa pambobomba noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Pagtatama sa Maling Impormasyon


Ang Nazareno ng mga Recoletos sa Intramuros
Dalawa ang kilalang imahen ng Nazareno na pinag-uukulan ng pamimintuho sa Maynila noong panahon ng pananakop ng mga dayuhan sa Pilipinas. Una, ang imahen ng Nazareno sa simbahan ni San Nicolas de Tolentino ng mga Recoletos sa Intramuros. Kilala ang imahen na ito bilang nakatatandang Nazareno kaysa sa Quiapo. Mismong ang Pambansang Alagad ng Sining na si Nick Joaquin ay nagsulat sa isa sa kanyang mga artikulo na ang imaheng ito ang pinakamatandang Nazareno sa Pilipinas. Ang Nazarenong ito ay inilalabas sa isang prusisyon tuwing Linggo ng Palaspas bilang panimula ng Semana Santa sa Intramuros. Naglaho ang imaheng ito noong bombahin ang simbahan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang ikalawang imahen ay ang nasa Quiapo na sinasabing binigay ng mga prayleng Recoletos. Ito ay ang siyang pinagpipista tuwing ika-9 ng Enero na sinasabing petsa ng traslacion sa imahen mula sa simbahan ng Recoletos (kung saan nag-ugat ang debosyon ng Nazareno sa pamamagitan ng isang cofradia) patungo sa simbahan ng Quiapo. Sa ibang mga tala, sinasabing noong ika-15 ng Enero 1791 nailipat ang imahen matapos magawa ang simbahan ng Quiapo dahil sa sunog. Magkaiba ang paraan ng pagpapakita ng debosyon sa dalawang imahen. Ang prusisyon ng imahen na nasa Intramuros ay higit na payapa kung ihahambing sa Quiapo na karamihan sa mga namamanata ay mga indio. Dahil dito tinatawag na Nazarenong Mayaman ang nasa Intramuros samantalang Nazarenong Mahirap naman ang nasa Quiapo.

Walang tiyak na impormasyon hinggil sa tunay na petsa ng pagdating ng dalawang Nazareno sa Pilipinas. Sinasabing taong 1606 nang dumating sa Pilipinas ang mga Paring Recoletos ngunit ayon sa mga tala ng kanilang mga kroniko, walang nabanggit na imahen ng Nazareno na dala-dala nila sa kanilang pagdalong sa ating bansa. Tanging ang imahen ng Nuestra Senora de Salud ang nabanggit na dala-dala nila mula sa Mexico. Binanggit sa website na quiapochurch.com na malamang na dumating ang unang Nazareno sa Pilipinas sa taong 1606 o mga ilang taon pa ang nakalipas. Samakatuwid, ang imaheng ipinuprusisyon sa Quiapo ay hindi ang naunang imahen.

Postscript

Hindi man nauna, hindi pa rin matatawaran ang debosyon ng mga Pilipino sa Mahal na Poong Nazareno ng Quiapo. Taon-taon, tuwing sapapit ang buwan ng Enero, bantad sa lahat kung gaano kaalab ang pananalig ng mga Katolikong Pilipino sa pamamagitan ng kanilang pamimintakasi kay Jesus. Hindi matatawaran ang kapal ng taong lumalakad nang walang sapin sa paa, mayaman man o mahirap, matupad lamang ang kanilang taunang panata na magprusisyon sa Quiapo bilang pasasalamat sa mga biyayang natamo at bilang pagsamo sa mga kahilingang tanging ang mga puso lamang nila ang nakababatid.

03 Enero 2013, Talavera, Nueva Ecija