Isa sa mga nananatiling masasayang pagpipista sa Lungsod ng Meycauayan ay ang Pista ng Mahal na Señor ng Liputan. Ang Liputan ay isang baranggay sa Meycauayan na nararating lamang sa pamamagitan ng bangka. Dahil sa isa itong pamayanang napaliligiran ng tubig, ang pangunahing hanapbuhay na pinagkakakitaan ng mga nakatira rito ay pangingisda. Isa ang Liputan sa mga baranggay na may maliit na bilang ng populasyon ngunit masasabing karamihan ng mga nakatira rito ay nakaririwasa sa buhay.
Sikat ang Liputan sa kabayanan ng Meycauayan dahil tuwing sasapit ang unang Linggo ng Mayo, sila ay nagpapagoda sa ilog. Dinadala nila sa kabayanan ang kanilang patron, ang imahen ng Santo Cristo na magiliw nilang tinatawag na Mahal na Señor, kasama ng iba pang mga imahen. Inilululan ito sa dalawang kasko na kinalalagyan ng isang pagodang yari sa bakal at ipinuprusisyon sa katubigan ng Ilog ng Meycauayan sa pagitan ng ika-8 hanggang ika-9 ng umaga. Noong mga unang panahon, ang mga kasko ay hinihila ng maliliit na bangka na tinatawag na "pituya". Ito ay dumadaong sa punduhan ng mga huling isda sa palengke kung saan ay ibinababa nila rito ang mga pasahero ng pagoda kasama na rin ang mga imahen upang sila ay magprusisyon sa kabayanan. Dadalhin ang mga imahen sa simbahang malaki upang pagmisahan at pagkatapos ay ipuprusisyon muli sila sa kabayanan pabalik sa pagoda. Muling babalik ang lahat sa pagoda upang magprusisyon muli sa ilog pabalik ng Liputan. Pagbalik sa kanilang barrio, muli silang mapuprusisyon pabalik sa bisita. Kinagabihan, isang procesion solemne ang isinasagawa sa palibot ng barrio. Dahil maliit ang sukat ng lupa nila, sinasabing umiikot ang prusisyon nang pitong beses sa palibot ng barrio.
Ang pagpipistang ito ay hindi lamang nagpapatunay na may mga natatangi pang tradisyon ang lungsod kundi napapatunay na sa paglipas ng panahon, sa kabila ng mabilis na takbo ng panahon, may mga pamayanan pa rin na magiliw na ipinagpapatuloy ang tradisyong ipinamana sa kanila ng kanilang mga ninuno.
04 Mayo 2013
Lungsod ng Meycauayan
No comments:
Post a Comment