Wednesday, April 24, 2013

Provincia de Meycauayan?



Cronica ni Fray San Antonio

Siya nga, nabasa mo iyan nang tama sapagkat minsan, sa mga dahon ng kaysaysayan ay tinatawag na lalawigan ng Meycauayan ang Bulacan. Sa kasaysayan ng Bulacan, karaniwang batid ng marami na ang lalawigan ng Bulacan ay itinatag noong 1578 kasabay ng pagkakatatag ng bayan ng Bulakan na itinuturing din na una nitong cabecera. Ngunit ilan sa mga lumang aklat ang maaaring makapagpatunay sa katotohanang tinawag itong “provincia de Meycauayan” na kung saan ang “Pueblo de Meycauayan” ang siyang cabecera.

Sa aking paghahanap ng mga tala, una kong nakita ang aklat ni P. Felix Huerta, isang Franciscanong mula sa Espanya na dito sa Pilipinas namalagi. Ang aklat na ito ay pinamagatang Estado geográfico, topográfico, estadístico, histórico-religioso de la santa y apostólica provincia de S. Gregorio Magno. Inilalarawan sa kanyang aklat ang mga bayang itinatag ng mga Franciscano sa Pilipinas kasama na rin ang kasaysayan ng mga ito. Dahil ang Meycauayan ay isang bayang itinatag ng mga Franciscano, kasama ang kasaysayan nito sa aklat.

Ang Meycauayan ay kasama sa mga bayang itinatag ni Fray Juan de Plasencia at Fray Diego de Oropesa. Sang-ayon sa paglalarawan ni Huerta sa lalawigan ng Bulacan, sinimulan niya ito sa mga katagang “Esta provincia, llamada antiguamente de Meycauayan, por haber estado en el pueblo de este nombre la cabecera…” [1] Samantala, sa paglalarawan din niya sa pueblo de Meycauayan nabanggit din niya ang mga pariralang “antiguamente fue cabecera de provincia.” [2] Malamang may pinagbatayan si Padre Huerta sa kanyang isinulat yamang may mga naunang mga naisulat na hinggil sa kasaysayan ng Probinsya ng San Gregorio Magno sa Pilipinas. Ngunit hindi mapatutunayan ang sapantahang ito dahil sa hindi nakasulat sa nasabing akda kung saan kinuha niya ang ideyang ito.  

Sa aklat na Apuntes Interesantes Sobre de las Islas Filipinas, tinukoy ng may akda na sa pagkakatatag ng lalawigan ng Bulacan ay minsang naging kabisera nito ang bayan ng Meycauayan.[3] Sinusuportahan nito ang binanggit ni Padre Huerta sa naunang aklat na nabanggit.

Ayon naman kay Dr. Jaime Veneracion, nang dumating ang mga Espanyol sa Pilipinas, ang pinakapusod ng lalawigan noon ay ang Meycauayan kung saan nagmula ang iba pang mga bayan sa katimugang bahagi ng Bulacan. Binanggit din niya na sa kalagitnaan ng ikalabimpitong daang taon lamang  makikilala ang lalawigan bilang Bulacan na ipinangalan sa kanyang kabisera, ang bayan ng Bulakan. Ang ikalawang tinuran niyang ito ay ibinatay niya sa Errecion de Pueblo: Bulacan mula sa Pambansang Sinupan.[4]

Sa aking mga nasaliksik, ang pinakamahalaga at pinakamatandang tala na bumabanggit sa pagkalalawigan ng Meycauayan ay mula rin sa isang Franciscano, si Padre Juan Francisco de San Antonio sa kanyang pagsulat sa kasaysayan ng Probinsiya ni San Gregorio Magno. Binanggit sa talang ito na ang kabayanan ng Pueblo de Meycauayan ay inilipat sa bagong lugar mula sa dati nitong kinalalagyan dahil sa pananalanta ng isang mapaminsalang bagyo. Kaugnay nito, Sa kahilingan ni San Pedro Bautista sa pamamagitan ng noo'y ministro na si Fr. Antonio Nombela, ipinadala ni Dr. Santiago de Vera ang kanyang kalihim, si Gaspar de Azebo sa noo’y alcalde mayor ng “provincia de Meycauayan” (katumbas ng punong-lalawigan sa kasalukuyan) na si Christoval de Asqueta noong ika-16 ng Nobyembre, 1588. Ito ay upang siyasatin ang ilang mga usapin ukol sa paglilipat ng kabayanan at ang pagtatayo ng bagong simbahang bato para sa parokya ng Meycauayan.[5]

Nakatutuwang isipin na minsan sa mga pahina ng kasaysayan ay naging lalawigan ang Meycauayan. Ang katatotohanang ito ay nagpapatunay sa kadakilaan ng bayan at makapagbibigay-diing ang bayan ay hindi nagsimula bilang isang “sleepy town.” Ngunit nakalulungkot na ang katotohanang ito, na hindi mapasusubalian dahil sa mga patunay na nabanggit sa itaas, ay lingid sa kaalaman ng mga nakararaming Bulakenyo. Marahil ay natabunan ito dahil ang kasaysayan ng Bulacan sa pangkalahatan ay nakasentro sa Malolos dahil sa mahalagang papel na ginampanan nito sa rebolusyon. Sana’y unti-unti nang mabuo ang mga napilas na dahon ng kasaysayan ng dakilang lalawigan ng Bulacan.

24 Abril, 2013
Lungsod ng Meycauayan



[1] Huerta, Fr. Felix, Estado geográfico, topográfico, estadístico, histórico-religioso de la santa y apostólica provincia de S. Gregorio Magno. Imprenta de N. Sanchez, Binondo, Manila ; 1865 p 70.
[2] Ibid, p 71.
[3] Herrero, Casimiro, Apuntes interesantes sobre las islas Filipinas, Imprenta del el Pueblo, Madrid; 1869 p 79.
[4] Veneracion, Jaime, Kasaysayan ng Bulacan, BAKAS, Cologne, Germany, 1986 p 17.
[5] San Antonio, Juan Francisco de,  Chronicas de la apostolica provincia de S. Gregorio, Papa, el Magno ... de religiosos descalzos de N.S.P. Francisco en las Islas Philipinas, China, Japon &c: Parte segunda .... [Sampaloc (Manila)]: Impressa en la imprenta del uso de la propia Provincia, sita en el Co[n]vento de Nra. Señora de Loreto del pueblo de Sampaloc, extra-muros de la ciudad de Manila , 1741 p 316-319.

No comments:

Post a Comment