Wednesday, May 8, 2013

Prusisyon sa Pistang Bayan ng Marilao

Ipinagdiriwang ng bayan ng Marilao ang kanyang pistang bayan tuwing ika-8 ng Mayo taon-taon bilang paggunita sa pagpapakita ni San Miguel Arcangel sa Bundok ng Garganto sa Italya. Bagamat payak ang kanilang pagdiriwang, mamamalas pa rin sa mga taga-Marilao ang ilan sa kanilang nakagawiang tradisyon.

Matapos ang misa mayor sa umaga ay inilalabas pa rin nila sa isang prusisyon ang mga imahen ng santo na tradisyunal na kasali sa hanay mula pa man noong unang panahon.

Una sa hanay ay si San Antonio de Padua. Ang matandang parokya ng Marilao ay may espesyal na pamimintuho sa santong ito. Isang patunay rito ang pagkakaroon ng lugar ni San Antonio sa pinakataas na bahagi ng lumang retablo ng simbahan. Sa kasalukuyan, ang imahen ay nasa kliwang bahagi ng "transept" ng simbahan malapit sa retablo ng Birhen ng Guadalupe. Sa buong lalawigan ng Bulacan, tanging ang carroza ni San Antonio na lamang ang lumalabas na naiilawan sa pamamagitan ng kalburo. Bihira na ang ganitong uri ng paraan ng pagpapailaw sa mga karo sa prusisyon sa kasalukuyan.



Ikalawa sa hanay ay ang patron ng parokya, si San Miguel Arcangel. Makikita ang magiting na patron na akmang nakikipaglaban sa isang demonyo habang natatapakan niya ito. Ang imahen ay nakalulan sa isang magandang karosa na may mga antigong virina na hugis pomelo. Dinala sa Parokya ni San Francisco ng Assisi sa Meycauayan ang imaheng ito noong 1978 upang isama sa prusisyon sa pagdiriwang ng ika-400 taon ng pagkakatatag ng nasabing bayan.


Ikatlo ay ang imahen ng  Mahal na Birheng Maria sa titlulong La Inmaculada Concepcion. Ang imaheng ito na yari sa garing (ivory) aysa tuwing prusisyon sa kapistahan lamang lumalabas.

Maligayang Kapistahan, San Miguel Arcangel! Masayang Pista, MarileƱo!



No comments:

Post a Comment