Ipinagdiriwang ng bayan ng Marilao ang kanyang pistang bayan tuwing ika-8 ng Mayo taon-taon bilang paggunita sa pagpapakita ni San Miguel Arcangel sa Bundok ng Garganto sa Italya. Bagamat payak ang kanilang pagdiriwang, mamamalas pa rin sa mga taga-Marilao ang ilan sa kanilang nakagawiang tradisyon.
Matapos ang misa mayor sa umaga ay inilalabas pa rin nila sa isang prusisyon ang mga imahen ng santo na tradisyunal na kasali sa hanay mula pa man noong unang panahon.
Una sa hanay ay si San Antonio de Padua. Ang matandang parokya ng Marilao ay may espesyal na pamimintuho sa santong ito. Isang patunay rito ang pagkakaroon ng lugar ni San Antonio sa pinakataas na bahagi ng lumang retablo ng simbahan. Sa kasalukuyan, ang imahen ay nasa kliwang bahagi ng "transept" ng simbahan malapit sa retablo ng Birhen ng Guadalupe. Sa buong lalawigan ng Bulacan, tanging ang carroza ni San Antonio na lamang ang lumalabas na naiilawan sa pamamagitan ng kalburo. Bihira na ang ganitong uri ng paraan ng pagpapailaw sa mga karo sa prusisyon sa kasalukuyan.
Ikalawa sa hanay ay ang patron ng parokya, si San Miguel Arcangel. Makikita ang magiting na patron na akmang nakikipaglaban sa isang demonyo habang natatapakan niya ito. Ang imahen ay nakalulan sa isang magandang karosa na may mga antigong virina na hugis pomelo. Dinala sa Parokya ni San Francisco ng Assisi sa Meycauayan ang imaheng ito noong 1978 upang isama sa prusisyon sa pagdiriwang ng ika-400 taon ng pagkakatatag ng nasabing bayan.
Ikatlo ay ang imahen ng Mahal na Birheng Maria sa titlulong La Inmaculada Concepcion. Ang imaheng ito na yari sa garing (ivory) aysa tuwing prusisyon sa kapistahan lamang lumalabas.
Maligayang Kapistahan, San Miguel Arcangel! Masayang Pista, Marileño!
Showing posts with label Marilao. Show all posts
Showing posts with label Marilao. Show all posts
Wednesday, May 8, 2013
Monday, April 22, 2013
Pista ng Bisitang Matanda ng Marilao
Tuwing sasapit ang buwan ng Abril sa Marilao, matapos ang
pagluluksa ng sambayanan sa kalilipas pa lamang na Semana Santa at ang
pagsasaya ng madla sa katatapos pa lamang na Pasko ng Pagkabuhay,
pinakaaabangan ng mga taga-Poblacion ang pagdiriwang ng Pista ng Bisitang
Matanda. Isa itong bisitang itinuturing ng mga Marileño na duyan ng kanilang
pananampalatayang Katoliko sapagkat dito sa bisitang ito, ipinunla ng mga
frayleng Franciscano ang sambayanan ng Diyos bago pa mang ang bayan ng Marilao
ay nagsarili mula sa Meycauayan. Sinasabing ang lugar na kinatatayuan ng
matandang bisita ang tinatawag noon na “Tawiran” na kung saan nakadambana ang
imahen ng Santo Cristo na tinatawag ng maraming “Mahal na Señor.” Limampung
taon matapos na maitayo ang matandang bisita, sa panahong nagsarili ang bayan,
dahil na rin sa kaliitan ang bisita at sa lumalagong pangangailangang pangkaluluwa
ng mga taga-Marilao kung kaya nagpasya silang ilipat ang lugar na katatayuan ng
bagong simbahang kalalagyan ng kanilang bagong patron, si San Miguel Arcangel.
Taong 1796 nang pormal na maitatag ang Pueblo de Marilao.
| Opisyal na Replika ng Mahal na Señor |
Ang imahen ng Mahal na Señor sa Bisitang Matanda ay isa sa
mga natatanging yaman ng Bayan ng Marilao. Isa itong krusipiho na may kakaibang
paglalarawan sa paghihirap ng ating Panginoong Jesus. Ang krusipiho ay nagpapakita
kay Jesus na agaw-buhay na nakabayubay sa krus habang ang isang anghel,
dala-dala ang isang kalis, ay matamang nakaantabay upang sahurin ang pagpatak
ng Kanyang Mahal na Dugo. Iilan lamang sa Pilipinas ang may ganitong
paglalarawan sa Mahal na Señor kaya gayon na lamang ang pagmamalaki ng mga
taga-Marilao rito.
| Salinan ng Krus |
Mayaman sa tradisyon ang pagdiriwang ng pista ng Bisitang
Matanda. Pinagdiriwang ito tuwing ikatlong linggo matapos ang Pasko ng
Pagkabuhay. Ang kapistahang ito, na bukod sa pistang bayan, ay tila isang bato-balaning
humahatak pabalik sa mga dating Marileñong naninirahan na sa ibang mga bayan at
lungsod upang mamintuho at makipista. Sa taong ito ng kanilang pagpipista, bukod
sa isang Hermano Mayor na nangangasiwa sa mga gawaing may kinalaman sa
pagpipista, mayroong siyamnapung hermanos mayores ang nagtutulong-tulong na
itaguyod ang kapistahan. Bawat isang hermano ay nag-aalaga ng maliit na krus na
ipinasa sa kanila ng noong nakaraang pista. Buong taong mamalagi sa kanila ang
krus na kanila naman isasalin sa susunod na hermano sa araw ng kapistahan. Tinatawag
nila itong “Salinan ng Krus” na isinasagawa matapos ang misa sa gabi.
Pagtapos
ng salinan na tumatagal ng isang oras dahil na rin sa dami ng mga sasalinan,
isa-isa nang dumarating ang maliliit na batang babaeng nakasuot ng magagandang
damit upang iprusisyon ang mga maliliit na krus. Sila ay karaniwang kaanak ng
mga hermano na kakatawan sa kanila upang ilibot sa kabayanan ang krus na kanilang
inalagaan kasabay ng paglabas ng mahimalang larawan ng Mahal na Señor. Matapos
ang prusisyon, karaniwan nang nagkakaroon ng salu-salo sa tahanan ng mga
heramano bilang pasasalamat sa pagpapalang tinamo nila sa buong taon.
Nakatutuwang isipin na bagamat nagsarili na ang Marilao
bilang isang parokya, dalawang daan at labimpitong taon na ang nakalilipas, ang
pagpipista sa Bisitang Matanda, na siyang tulay na nagkakawing sa kasaysayan ng
mga bayan ng Marilao at Meycauayan ay hindi pa rin nalilimutan. Patunay ito ng
malapit na ugnayang nagdurugtong sa dalawang bayan.
22 Abril, 2013
Lungsod ng Meycauayan
Lungsod ng Meycauayan
Labels:
Bulacan,
Catholic,
Diocese of Malolos,
History,
Marilao
Location:
Marilao, Philippines
Subscribe to:
Posts (Atom)


