Monday, June 24, 2013

Insigne y Siempre Leal Ciudad de Manila

Sa araw na ito, ginugunita ang ika-442 taon ng pagkakatatag ng Lungsod ng Maynila bilang kabisera ng kapuluang Pilipinas. Itinatag ni Adelentado Miguel López de Legazpi sa baybayin ng Ilog Pasig, sa dating palisada ni Rajah Soliman noong ika-24 ng Hunyo, 1571 sa araw ng Kapistahan ni San Juan Bautista. 

Viva la Insigne y Siempre Leal Cuidad de Manila!
Mabuhay ang Kapita-pitagan at Laging-Tapat na Lungsod ng Maynila!

Friday, June 21, 2013

Tuwaang: Epiko ng Manobo

Ang blog entry na ito ay para sa mga mag-aaral namin sa Malinta National High School

Si Tuwaang at ang Dalaga ng Buhong na Langit

http://squeegool.tumblr.com/image/42015551325
Sa Kaharian ng Kuaman, may isang lalaking nag-ngangalang Tuwaang. Tinawag niya ang kanyang kapatid na si Bai.

Lumapit si Bai, at ito ay nagdala ng nganga. Ang magkapatid ay ngumuya ng nganga.  Sinabi ni Tuwaang na may dalang mensahe ang hangin na pinapapunta siya sa kaharian ni Batooy, isang bayani sapagkat may dalagang dumating sa kaharian ngunit hindi siya nakikipag-usap sa mga kalalakihan doon, kaya pinatawag ng isa sa mga kalalakihan ang hangin para ipatawag si Tuwaang.

Hindi pumayag si Bai sa gagawing paglalakbay ni Tuwaang; kinakabahan si Bai sa mga mangyayaring masama kay Tuwaang.  Pero hindi nakinig si Tuwaang sa sinabi ni Bai. Agad-agad na naghanda si Tuwaang at isinuot ang kanyang mga armas. Kinuha niya ang kanyang sibat at kalasag at tinawag ang kidlat upang dalhin siya sa lugar ng Pinanggayungan.

Pagkarating doon ay bumisita siya sa bahay ng Binata ng Pangavukad. Sinamahan siya ng Binata ng Pangavukad sa kanyang paglalakbay.

Sila’y nakarating sa tahanan ni Batooy. Humiga si Tuwaang sa tabi ng dalagang binalita sa kanya at kaagad na nakatulog. Bumunot ang dalaga ng isang buhok ni Tuwaang na nakalawit. Nagsalita ang dalaga at nakilala na nila ang isa’t-isa.

Ang dalaga ay ang Dalaga ng Buhong na Langit.  Tumakas siya at nagtatago mula sa Binata ng Pangumanon, isang higante na may palamuti sa ulo na abot ang mga ulap.  Gusto siyang pakasalan ng binata, ngunit tinanggi niya ang alok.  Nagalit ang binata at sinunog ang bayan ng dalaga.  Sinundan niya ang dalaga saanman siya mapadpad, at sinunog niya ang mga bayan ng pinagtataguan ng dalaga, kaya naghanap siya ng pagtataguan sa mundong ito.

Pagkatapos magkwento ang dalaga kay Tuwaang, dumating bigla ang Binata ng Pangumanon, balot ng apoy, at pinagpapatay niya ang mga tao sa kaharian ni Batooy.

Naglaban si Tuwaang at ang Binata ng Pangumanon gamit ng kanilang mga sandata. Ngunit magkasinlakas silang dalawa, at nasira ang kanilang mga sandata. Tinawag ng Binata ng Pangumanon ang kanyang patung, isang mahabang bakal. Ito’y kanyang binato at pumulupot kay Tuwaang. Lumiyab ito ngunit itinaas ni Tuwaang ang kanyang kanang bisig, at namatay ang apoy. Tinawag ni Tuwaang ang kanyang patung, at binato sa binata. Lumiyab ito at namatay ang binata.

Matapos ng labanan ay binuhay niya ang mga namatay gamit ng kanyang laway. Dinala niya ang dalaga sa kanyang bayan sakay ng kidlat. Si Tuwaang ay nagpahinga ng limang araw.

Kinailangan niya muling lumaban matapos ang limang araw, dahil may isang dayuhan na pumapatay sa kanyang mga tauhan. Naglaban sila at natalo niya ang dayuhan. Binuhay niya muli ang kanyang mga tauhan at nagpahinga siya ng limang araw.

Pagkalipas ng limang araw, tinipon ni Tuwaang ang kanyang mga tauhan, at dinala ang mga ito sa kalupaan ng Katuusan. Sumakay sila sa sinalimba (airboat), at pumunta sa Katuusan, kung saan ay walang kamatayan.

 Si Tuwaang ay Dumalo sa isang Kasal

Matapos magtrabaho si Tuwaang, kanyang tinawag ang kanyang tiyahin. Sinabi niyang nakarinig siya ng balita mula sa hangin ukol sa kasal ng Dalaga ng Monawon.  Hindi pumayag ang tiya dahil masama ang kutob niya sa maaaring mangyari kay Tuwaang kapag siya’y pumunta.  Pero hindi pinakinggan ni Tuwaang ang kanyang tiyahin dahil nangako siya na siya’y dadalo.

Naghanda si Tuwaang sa kanyang paglalakbay. Sinuot niya ang kanyang kasuotan na gawa ng mga diyosa, ang kanyang palamuti sa ulo, at nagdala ng mga sandata. Sumakay siya sa kidlat, at nakarating siya sa  Kawkawangan.

Nagpahinga siya, at nakarinig ng ibon na nag-iingay. Inisip niyang hulihin ito, ngunit nakita niya ito ay ang Gungutan na may dalang sibat.  Kinuwento ng Gungutan na nakita niya sa kanyang panginip na darating si Tuwaang sa Kawkawangan.  Inalok naman ni Tuwaang ang Gungutan na sumama sa paglalakbay niya; tinanggap naman ito ng Gungutan.  Tumuloy na sila sa paglalakbay.

Nakarating si Tuwaang at ang Gungutan sa kasal.  Dumating ang Binata ng Panayangan, na nakaupo sa gintong salumpuwit, ang Binata ng Liwanon, ang Binata ng Pagsikat ng Araw, at ang Binata ng Sakadna, ang ikakasal na lalaki, at kanyang 100 pang tagasunod.  Nakiusap ang Binata ng Sakadna na linisin ang mga kalat sa kasal (o mga hindi imbitado/kailangang bisita) ngunit sinagot naman siya ni Tuwaang na may pulang dahon (mga bayani) sa okasyon.

Nagsimula ang mga unang seremonya ng kasal. Binayaran ng mga kamag-anak ang mga savakan (mga bagay para sa babaeng ikakasal at mga nakabalot na pagkain na inaalay ng mga kamag-anak ng lalaking ikakasal) ng babaeng ikakasal, hanggang may naiwang dalawang hindi mabayaran. Umamin ang Binata ng Sakadna na hindi niya kayang bayaran ang dalawang bagay, pero tinulungan siya ni Tuwaang gamit ng paglikha ng isang sinaunang gong bilang kapalit sa unang bagay, at gintong gitara at gintong bansi (o gintong plawta) sa pangalawang bagay.

Lumabas ang Dalaga ng Monawon, ang dalagang ikakasal para magbigay ng nganga sa lahat ng bisita. Pagkatapos niyang bigyan ang lahat ng panauhin ng nganga, umupo siya sa tabi ni Tuwaang. Nagalit ang Binata ng Sakadna.

Hinamon ng binata si Tuwaang sa labas ng bahay. Ang Gungutan, samantala, ay nakapatay na ng mga kasama ng binata hanggang sa anim nalang ang natira. Nagkipaglaban ang dalawang magkaibigan sa anim na kalaban hanggang ang natira na lamang ay si Tuwaang at ang Binata ng Sakadna.

Binato ni Tuwaang nang napakalas ang binata na lumubog siya sa lupa at nakita niya ang isa sa mga tagapag-bantay ng mundong ilalim (underworld).  Bumalik agad sa mundo ang binata at itinapon naman si Tuwaang sa mundong ilalim, kung saan nakita ang tagapag-bantay nito.  Nalaman ni Tuwaang ang kahinaan ng binata, at pagkalabas niya doon, kinuha ang gintong plawta na nagtataglay ng buhay ng binata. Dahil mas ginusto ng binata na mamatay kaysa mapabilang sa kampon ni Tuwaang, sinira ni Tuwaang ang plawta at ang binata ay namatay.

Inuwi ni Tuwaang ang dalaga sa Kuaman kung saan siya ay naghari habambuhay.

Wednesday, June 19, 2013

Bakit Pepe?

Medyo maulan ngayong araw ngunit hindi pa rin mapipigilan ang ilan sa mga kababayang Pilipino lalo't higit sa mga Lagunense na ipagdiwang ang kaarawan ng dakilang martir ng lahing kayumanggi. Sa araw na ito ay ginugunita ang ika-152 kaarawan ni Gat Jose P. Rizal. Isinilang siya sa Calamba, Laguna sa araw na ito, taong 1861 na bunga ng pagmamahalan ni Francisco Mercado at Teodora Alonzo.

Sinasabing si Doña Teodora ay deboto ni San Jose at sa kadahilanang ang ating pambansang bayani ay ipinanganak sa ikalabinsiyam ng buwan, segun sa kapistahan ng mapayapang pagkamatay ni San Jose, ipinangalan sa nasabing santo si Jose Rizal. Ngunit bakit nga ba Pepe ang kanyang palayaw? San ba ito nagmula?

Ang palayaw na Pepe ay mula rin kay San Jose. Si San Jose para sa mga mananampalatayang Katoliko ay ang makalupang ama ni Jesus. Siya ang umampon at umako ng responsibilidad na palakihin ang sanggol na noo'y dinadala ng Mahal na Virgen Maria sa kanyang sinapupunan, ayon na rin sa plano ng Diyos na ipinahayag sa kanya sa pamamagitan ng isang panaginip. Dahil sa papel na ginampanan na ito ni San Jose, madalas na ikabit sa kanya ang katagang "Pater Putativus" na nangangahulugang "supposed father" sa Ingles, "ama-amahan" sa ating wika. Dahil sa mahabang taguring ito sa santo, madalas na ito ay dinadaglat at pinaiikli bilang P. P. na kung basahin sa wikang Espanyol ay pe - pe. Dahil dito, ang mga batang pinangalanang Jose noong panahon ng mga Espanyol sa Pilipinas at sa iba pang kolonya ng Espanya ay binigyan ng palayaw na Pepe.

Friday, June 14, 2013

Alamat ng Baguio: "Mina ng Ginto"

Ang alamat na nakapaskil sa blog post na ito ay para sa mga mag-aaral sa Ikawalong Baitang ng Malinta National High School. :D



Mina ng Ginto
Alamat ng Baguio
                                 
Sa isang nayon sa Baguio na kung tawagin ay Suyuk, naninirahan ang mga Igorot na pinamumunuan ni Kunto. Si Kunto ay bata pa ngunit siya ang pinakamalakas at pinakamatapang sa kanilang nayon kaya siya ang ginawang puno ng matatandang pantas.
Ang mga naninirahan sa nayong ito ay namumuhay nang tahimik . Maibigin sila sa kapwa at  may takot sila sa kanilang bathala. Taun-taon ay nagdaraos sila ng caao bilang parangal sa kanilang mga anito. Noong panahong iyon, ang mga Igorot ay naniniwala sa iba’t ibang anito.
         Kung nagdaraos sila ng cañao ay lingguhan ang kanilang handa. Nagpapatay sila ng baboy na iniaalay sa kanilang bathala. Nagsasayawan at nagkakantahan sila.
Isang araw ay nagtungo si Kunto sa gubat upang mamana. Hindi pa siya lubhang nakalalayo nang nakakita siya ng isang uwak. Nakatayo ito sa isang landas na kanyang tinutunton. Karaniwang ang mga ibon sa gubat ay maiilap ngunit ang ibong ito ay kaiba.
          Lumakad si Kunto palapit sa ibon ngunit hindi ito tuminag sa pagkakatayo sa gitna ng landas. Nang may iisang dipa na lamang siya mula sa ibon, bigla siyang napatigil.
          Tinitigan siyang mainam ng ibon at saka tumango nang tatlong ulit bago lumipad. Matagal na natigilan si Kunto . Bagamat siya’y malakas at matapang, sinagilahan siya ng takot. Hindi niya mawari kung ano ang ibig sabihin ng kanyang nakita.
           Hindi na niya ipinagpatuloy ang kanyang pamamana. Siya’y bumalik sa nayon at nakipagkita sa matatandang pantas. Anang isang matanda, “ Marahil ang ibong iyon ay ang sugo ng ating bathala. Ipinaaalaala sa atin na dapat tayong magdaos ng caao.
          Kung gayon, ngayon din ay magdaraos tayo ng caao,” ang pasiya ni Kunto.
          Ipinagbigay-alam sa lahat  ang caao na gagawin. Lahat ng mamamayan ay kumilos upang ipagdiwang ito sa isang altar sa isang bundok-bundukan. Ang mga babae naman  ay naghanda ng masasarap na pagkain.
          Nang ang lahat ay nakahanda na, ang mga lalaki ay humuli ng isang baboy. Ang baboy na ito ay siyang iaalay sa kanilang bathala upang mapawi ang galit, kung ito man ay nagagalit sa kanila.
         Inilagay ang baboy sa altar na ginawa nila sa itaas ng bundok-bundukan. Anong laking himala ang nangyari! Nakita nilang ang baboy ay napalitan ng isang pagkatanda-tandang lalaki! Ang mukha ay kulay- lupa na sa katandaan at halos hindi na siya makaupo sa kahinaan.Ang mga tao ay natigilan. Nanlaki ang mga mata  sa kanilang nakita. Sila’y natakot.
          Maya-maya’y nagsalita ang matanda at nagwika nang ganito: “Mga anak magsilapit kayo. Huwag kayong matakot. Dahil sa kayo’y mabuti at may loob sa inyong bathala, gagantimpalaan ko ang inyong kabutihan. Lamang ay sundin ninyo ang lahat ng aking ipagbilin.
         “Kumuha kayo ng isang tasang kanin at ilagay ninyo rito sa aking tabi. Pagkatapos sukluban ninyo ako ng isang malaking palayok. Ipagpatuloy ninyo ang inyong caao. Pagkalipas ng tatlong araw, bumalik kayo rito sa pook na ito.
          Makikita niyo ang isang punungkahoy, na kahit minsan sa buhay ninyo ay hindi pa ninyo nakikita o makikita magpakailanman. Ang bunga,dahon, at sanga ay maaari ninyong kunin ngunit ang katawan ay huwag ninyong gagalawin. Huwag na huwag ninyong tatagain ang katawan nito.”
          Tinupad naman ng mga tao ang ipinagbilin ng matanda.Ipinagpatuloy nila ang kanilang pista. Pagkaraan ng tatlong araw, bumalik sila sa pook na pinag-iwanan sa matanda. Itinaas nila ang palayok at gaya ng sinabi ng matanda, nakita nila ang isang punungkahoy na maliit. Kumikislap ito sa liwanag ng araw-lantay na ginto mula sa ugat hanggang sa kaliit-liitang dahon.
          Nagsigawan ang mga tao sa laki ng galak. Si Kunto ang kauna-unahang lumapit sa punungkahoy at pumitas ng isang dahon. Pagkapitas sa dahon ay nagkaroon kaagad ng kapalit ito kayat nag-ibayo  ang tuwa sa mga tao. Bawat isa ay pumitas ng dahon.
Sa loob ng maikling panahon, yumaman ang mga taga-Suyuk.Ang dati nilang matahimik na pamumuhay ay napalitan ng pag-iimbutan at inggitan. Ang punungkahoy naman ay patuloy sa pagtaas  hanggang sa ang mga dulo nito’y hindi na maabot ng tingin ng mga tao.
          Isang araw, anang isang mamamayan, “kay taas-taas na at hindi na natin maabot ang bunga o dahon ng punong-ginto. Mabuti pa ay pagputul-putulin na natin ang mga sanga  at dahon nito. Ang puno ay paghahati-hatian natin.”
          Kinuha ng mga lalaki ang kanilang mga itak at palakol. Ang iba ay kumuha ng mga sibat. Tinaga nila nang tinaga ang  puno at binungkal ang lupa upang lumuwag ang mga ugat.Nang malapit nang mabuwal  ang punungkahoy  ay kumidlat nang ubod-talim. Kumulog nang ubos-lakas at parang pinagsaklob ang lupa at langit.
          Ang punungkahoy ay nabuwal. Nayanig ang lupa at bumuka sa lugar na kinabagsakan ng puno. Isang tinig ang narinig ng mga tao. “ Kayo ay binigyan ng gantimpala sa inyong kabutihan. Ang punong-ginto upang maging mariwasa ang inyong pamumuhay. Sa halip na kayo’y higit na mag-ibigan , kasakiman ang naghari sa inyong mga puso. Hindi ninyo sinunod ang aking ipinagbilin na huwag ninyong sasaktan ang puno. Sa tuwi-tuwina ay inyong nanaisin ang gintong iyan.”
          At pagkasabi ng mga katagang ito, sa harap ng mga tao sa Suyuk, ang puno ay nilulon na ng lupang kinabuwalan. Mula nga noon, nagkaroon na ng minang ginto sa Baguio at nakukuha lamang ito sa pamamagitan ng paghukay sa lupa.