Medyo maulan ngayong araw ngunit hindi pa rin mapipigilan ang ilan sa mga kababayang Pilipino lalo't higit sa mga Lagunense na ipagdiwang ang kaarawan ng dakilang martir ng lahing kayumanggi. Sa araw na ito ay ginugunita ang ika-152 kaarawan ni Gat Jose P. Rizal. Isinilang siya sa Calamba, Laguna sa araw na ito, taong 1861 na bunga ng pagmamahalan ni Francisco Mercado at Teodora Alonzo.
Sinasabing si Doña Teodora ay deboto ni San Jose at sa kadahilanang ang ating pambansang bayani ay ipinanganak sa ikalabinsiyam ng buwan, segun sa kapistahan ng mapayapang pagkamatay ni San Jose, ipinangalan sa nasabing santo si Jose Rizal. Ngunit bakit nga ba Pepe ang kanyang palayaw? San ba ito nagmula?
Ang palayaw na Pepe ay mula rin kay San Jose. Si San Jose para sa mga mananampalatayang Katoliko ay ang makalupang ama ni Jesus. Siya ang umampon at umako ng responsibilidad na palakihin ang sanggol na noo'y dinadala ng Mahal na Virgen Maria sa kanyang sinapupunan, ayon na rin sa plano ng Diyos na ipinahayag sa kanya sa pamamagitan ng isang panaginip. Dahil sa papel na ginampanan na ito ni San Jose, madalas na ikabit sa kanya ang katagang "Pater Putativus" na nangangahulugang "supposed father" sa Ingles, "ama-amahan" sa ating wika. Dahil sa mahabang taguring ito sa santo, madalas na ito ay dinadaglat at pinaiikli bilang P. P. na kung basahin sa wikang Espanyol ay pe - pe. Dahil dito, ang mga batang pinangalanang Jose noong panahon ng mga Espanyol sa Pilipinas at sa iba pang kolonya ng Espanya ay binigyan ng palayaw na Pepe.
No comments:
Post a Comment