Friday, June 21, 2013

Tuwaang: Epiko ng Manobo

Ang blog entry na ito ay para sa mga mag-aaral namin sa Malinta National High School

Si Tuwaang at ang Dalaga ng Buhong na Langit

http://squeegool.tumblr.com/image/42015551325
Sa Kaharian ng Kuaman, may isang lalaking nag-ngangalang Tuwaang. Tinawag niya ang kanyang kapatid na si Bai.

Lumapit si Bai, at ito ay nagdala ng nganga. Ang magkapatid ay ngumuya ng nganga.  Sinabi ni Tuwaang na may dalang mensahe ang hangin na pinapapunta siya sa kaharian ni Batooy, isang bayani sapagkat may dalagang dumating sa kaharian ngunit hindi siya nakikipag-usap sa mga kalalakihan doon, kaya pinatawag ng isa sa mga kalalakihan ang hangin para ipatawag si Tuwaang.

Hindi pumayag si Bai sa gagawing paglalakbay ni Tuwaang; kinakabahan si Bai sa mga mangyayaring masama kay Tuwaang.  Pero hindi nakinig si Tuwaang sa sinabi ni Bai. Agad-agad na naghanda si Tuwaang at isinuot ang kanyang mga armas. Kinuha niya ang kanyang sibat at kalasag at tinawag ang kidlat upang dalhin siya sa lugar ng Pinanggayungan.

Pagkarating doon ay bumisita siya sa bahay ng Binata ng Pangavukad. Sinamahan siya ng Binata ng Pangavukad sa kanyang paglalakbay.

Sila’y nakarating sa tahanan ni Batooy. Humiga si Tuwaang sa tabi ng dalagang binalita sa kanya at kaagad na nakatulog. Bumunot ang dalaga ng isang buhok ni Tuwaang na nakalawit. Nagsalita ang dalaga at nakilala na nila ang isa’t-isa.

Ang dalaga ay ang Dalaga ng Buhong na Langit.  Tumakas siya at nagtatago mula sa Binata ng Pangumanon, isang higante na may palamuti sa ulo na abot ang mga ulap.  Gusto siyang pakasalan ng binata, ngunit tinanggi niya ang alok.  Nagalit ang binata at sinunog ang bayan ng dalaga.  Sinundan niya ang dalaga saanman siya mapadpad, at sinunog niya ang mga bayan ng pinagtataguan ng dalaga, kaya naghanap siya ng pagtataguan sa mundong ito.

Pagkatapos magkwento ang dalaga kay Tuwaang, dumating bigla ang Binata ng Pangumanon, balot ng apoy, at pinagpapatay niya ang mga tao sa kaharian ni Batooy.

Naglaban si Tuwaang at ang Binata ng Pangumanon gamit ng kanilang mga sandata. Ngunit magkasinlakas silang dalawa, at nasira ang kanilang mga sandata. Tinawag ng Binata ng Pangumanon ang kanyang patung, isang mahabang bakal. Ito’y kanyang binato at pumulupot kay Tuwaang. Lumiyab ito ngunit itinaas ni Tuwaang ang kanyang kanang bisig, at namatay ang apoy. Tinawag ni Tuwaang ang kanyang patung, at binato sa binata. Lumiyab ito at namatay ang binata.

Matapos ng labanan ay binuhay niya ang mga namatay gamit ng kanyang laway. Dinala niya ang dalaga sa kanyang bayan sakay ng kidlat. Si Tuwaang ay nagpahinga ng limang araw.

Kinailangan niya muling lumaban matapos ang limang araw, dahil may isang dayuhan na pumapatay sa kanyang mga tauhan. Naglaban sila at natalo niya ang dayuhan. Binuhay niya muli ang kanyang mga tauhan at nagpahinga siya ng limang araw.

Pagkalipas ng limang araw, tinipon ni Tuwaang ang kanyang mga tauhan, at dinala ang mga ito sa kalupaan ng Katuusan. Sumakay sila sa sinalimba (airboat), at pumunta sa Katuusan, kung saan ay walang kamatayan.

 Si Tuwaang ay Dumalo sa isang Kasal

Matapos magtrabaho si Tuwaang, kanyang tinawag ang kanyang tiyahin. Sinabi niyang nakarinig siya ng balita mula sa hangin ukol sa kasal ng Dalaga ng Monawon.  Hindi pumayag ang tiya dahil masama ang kutob niya sa maaaring mangyari kay Tuwaang kapag siya’y pumunta.  Pero hindi pinakinggan ni Tuwaang ang kanyang tiyahin dahil nangako siya na siya’y dadalo.

Naghanda si Tuwaang sa kanyang paglalakbay. Sinuot niya ang kanyang kasuotan na gawa ng mga diyosa, ang kanyang palamuti sa ulo, at nagdala ng mga sandata. Sumakay siya sa kidlat, at nakarating siya sa  Kawkawangan.

Nagpahinga siya, at nakarinig ng ibon na nag-iingay. Inisip niyang hulihin ito, ngunit nakita niya ito ay ang Gungutan na may dalang sibat.  Kinuwento ng Gungutan na nakita niya sa kanyang panginip na darating si Tuwaang sa Kawkawangan.  Inalok naman ni Tuwaang ang Gungutan na sumama sa paglalakbay niya; tinanggap naman ito ng Gungutan.  Tumuloy na sila sa paglalakbay.

Nakarating si Tuwaang at ang Gungutan sa kasal.  Dumating ang Binata ng Panayangan, na nakaupo sa gintong salumpuwit, ang Binata ng Liwanon, ang Binata ng Pagsikat ng Araw, at ang Binata ng Sakadna, ang ikakasal na lalaki, at kanyang 100 pang tagasunod.  Nakiusap ang Binata ng Sakadna na linisin ang mga kalat sa kasal (o mga hindi imbitado/kailangang bisita) ngunit sinagot naman siya ni Tuwaang na may pulang dahon (mga bayani) sa okasyon.

Nagsimula ang mga unang seremonya ng kasal. Binayaran ng mga kamag-anak ang mga savakan (mga bagay para sa babaeng ikakasal at mga nakabalot na pagkain na inaalay ng mga kamag-anak ng lalaking ikakasal) ng babaeng ikakasal, hanggang may naiwang dalawang hindi mabayaran. Umamin ang Binata ng Sakadna na hindi niya kayang bayaran ang dalawang bagay, pero tinulungan siya ni Tuwaang gamit ng paglikha ng isang sinaunang gong bilang kapalit sa unang bagay, at gintong gitara at gintong bansi (o gintong plawta) sa pangalawang bagay.

Lumabas ang Dalaga ng Monawon, ang dalagang ikakasal para magbigay ng nganga sa lahat ng bisita. Pagkatapos niyang bigyan ang lahat ng panauhin ng nganga, umupo siya sa tabi ni Tuwaang. Nagalit ang Binata ng Sakadna.

Hinamon ng binata si Tuwaang sa labas ng bahay. Ang Gungutan, samantala, ay nakapatay na ng mga kasama ng binata hanggang sa anim nalang ang natira. Nagkipaglaban ang dalawang magkaibigan sa anim na kalaban hanggang ang natira na lamang ay si Tuwaang at ang Binata ng Sakadna.

Binato ni Tuwaang nang napakalas ang binata na lumubog siya sa lupa at nakita niya ang isa sa mga tagapag-bantay ng mundong ilalim (underworld).  Bumalik agad sa mundo ang binata at itinapon naman si Tuwaang sa mundong ilalim, kung saan nakita ang tagapag-bantay nito.  Nalaman ni Tuwaang ang kahinaan ng binata, at pagkalabas niya doon, kinuha ang gintong plawta na nagtataglay ng buhay ng binata. Dahil mas ginusto ng binata na mamatay kaysa mapabilang sa kampon ni Tuwaang, sinira ni Tuwaang ang plawta at ang binata ay namatay.

Inuwi ni Tuwaang ang dalaga sa Kuaman kung saan siya ay naghari habambuhay.

11 comments:

  1. Sir .. ambilis ah... saka bakit po ung title double ang?

    ReplyDelete
    Replies
    1. hehe. naku, nagkamali ng type. "at" yun dapat. ayan, naiedit ko na. :D

      Delete
  2. saan po nanggaling ang epiko ng tuwaang?

    ReplyDelete
  3. whole story po ba to sir? as in whole summary? project kasin namin... salamat

    ReplyDelete
  4. it is a good help for students at K12 program of DepEd. Thanks a lot Sir..

    ReplyDelete
  5. Thank you very much! :D I really need this story 😄

    ReplyDelete
  6. Sir. Wala po ba kayong translated sa manobo language?

    ReplyDelete