Thursday, October 16, 2014

TBT: Bahay ng mga Urrutia / Casa Meycauayan


Noong bata ako, mahilig akong mag-ikot sa kabayanan ng Meycauayan gamit ang bisikleta ng tatay ko. Pero hindi katulad ng ibang kabataan noon na simpleng paglilibang lang ang layunin ng pagbibisikleta ang aking pakay. Umiikot ako noon para malasin ang kung ano mang natitirang luma sa aking bayan. Nasunog ang malaking bahagi ng kabayanan noong 1949 kaya't ilan na lamang sa mga istrukturang nakatayo rito ang masasabing luma. 


Madalas akong napahihinto sa isang bloke sa kahabaan ng Provincial Road. May malaking bahay na lumang nakapagpapamangha sa akin sa tuwing madaraanan ko iyon. Sa wari ko, mas malaki ang bahay na ito kaysa sa bahay na luma sa likod ng simbahan. Nga lang, mukhang hindi na gaanong naaalagaan ang bahay dahil sa may mga bahaging sira na. 

Hindi makukumpleto ang pag-iikot kong iyon kung hindi ko nadaraanan ang bahay. Para bang isa itong itinerary sa isang package tour na kung hindi mapupuntahan ay sayang. Madalas ko pang nakukuwento sa nanay ko ang tungkol sa bahay, na para sa kanila ay pangit na dahil luma na raw. Gusto ko sanang sabihing kaya nga maganda kasi luma.

Nang matuntong ako sa hayskul, natigil ang aking pag-iikot dahil kailangang magbigay-tuon ako sa aking pag-aaral. Makalipas ang ilang taon matapos kong makatuntong sa kolehiyo muli akong sumakay ng bisikleta para mag-ikot. Sa pagpadyak ko ng mga pedal ng bisikleta ay naroon ang pananabik na muli kong makikita ang bahay, ngunit sa aking pagkagitla, ang matandang bahay na kinagigiliwan kong makita ay wala na sa dati niyong kinatitirikan. Wala na ang bahay na may magandang hagdanan sa labas. Wala na ang malalaking bintanang parating nakabukas sa tuwing dadaan ang prusisyon ng Biyernes Santo kung saan nakatanaw ang pamilyang tumutunghay sa kanilang Samaritana at Pagkabuhay. Wala na rin ang dahol ng clover na matagal-tagal na ring nakakabit sa may patsada ng bahay. Wala na. Para bang bahagi ng kabataan ko ang ngayon ay nawala na.

Sabi nila, hindi naman talaga orihinal na itinayo ang bahay sa Meycauayan. Binili lang daw ito ng pamilya ng mga Urrutia sa San Fernando, Pampanga noong dekada 50 saka itinayo sa Hulo. Ipinatayo raw ang bahay sa Pampanga noong 1913 ni Don Teodoro Escota. Kung bibilangin pala ay isang-daan at isang taon na ito ngayon. Katangian ng bahay na ito ang pagkakaroon ng magandang hagdan na nasa labas ng bahay, katangian ng mga matandang bahay na itinayo noong pagpasok ng ika-20 siglo. Tipikal na bahay na bato ang istruktura nito. Batong adobe ang bumubuo sa unang palapag samantalang kahoy naman sa itaas. Malamig daw sa loob nito dahil sa mga malalaking bintana, ventanilla at sa mga media aguas sa loob nito. Marahil ay masarap tumira doon kahit na tag-init sa Pilipinas.

Unti-unting giniba ang bahay matapos na ito ay ipagbili ng mga Urrutia kay Arch. Gerry Acuzar. Ngayon ay naitayo na ito Las Casas Filipinas de Acuzar sa Bagac, Bataan. Isa itong resort/theme park na ngayon ay isa nang tourist attraction sa lalawigan. 

Malayo-layo rin ang nalakbay ng bahay; mula sa San Fernando, sa Meycauayan at ngayon ay sa Bagac. Marahil ay pagod na rin siya. Mabuti na ring isipin na kahit paano ay naisaayos ang bahay at malamang doon na ito mananatiling nakatirik sa loob ng mahabang panahon. Magkakasya na lang ako sa pagtingin sa mga larawan nito sa internet. Hindi na kasi kayang pedalin ng bisikleta ko ang kalayuan ng Bagac para lang muli kong mamalas ang bahay na bagama't hindi akin ay bahagi ng aking makulay na kabataan.

16 Oktubre, 2014
Malinta, Lungsod ng Valenzuela

No comments:

Post a Comment