Monday, October 14, 2013

Talambuhay ni Beato José María de Manila, OFM Cap.

Si Eugenio Sanz-Orozco Mortera (José Maria ng Maynila) ay isang Franciscanong Capuchino na napatay noong ika-17 ng Agosto, 1936 sa kasagsagan ng Digmaang Sibil sa Espanya.

Si Padre José ay isinilang sa Maynila noong ika-5 ng Setyembre 1880, bunga ng pagmamahalan ng kanyang mga magulang na sina Don Eugenio Sanz-Orozco (kahuli-hulihang Alkaldeng Espanyol ng Maynila) at Doña Feliza Mortera y Camacho.

Siya ay nakapag-aral sa Ateneo Municipal de Manila at Colegio de San Juan de Letran. Natapos niya ang pagaaral ng sekondarya sa Unibersidad ng Santo Tomas noong 1895 habang siya ay nanatiling alumno interino sa Letran. Sa mga mahahalagang papel na may kaugnayan sa kanyang pag-aaral ay nakatala na siya ay isang “natural de Manila”. Nanatili siya sa Pilipinas sa loob ng 16 na taon bago tumulak patungong Espanya upang ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral.

Sa pagtatapos ng pananakop ng mga Espanyol sa Pilipinas, bumalik sa Espanya ang mga magulang ni Padre José upang doon na manirahan. Sa kabila ng pagtutol ng kanyang mga magulang, tinahak ni Padre José ang buhay-relihiyoso sa kanyang pagnanasang maging isang pari. Pumasok bilang isang Capuchino, isang sangay ng mga paring Franciscano. Pumasok siya bilang isang novicio noong ika2 ng Oktubre, 1904. Sa isang payak na seremonya, itinalaga niya ang kanyang sarili sa kapatiran noong ika-4 ng Oktubre, 1905 sa Navarra, Espanya at naging isang ganap na Capuchino noong ika-18 ng Oktubre, 1908. Siya ay inordenahan bilang pari noong ika-30 ng Nobyembre, 1910.

Ninais ni Padre José na bumalik sa Maynila upang doon ipagpatuloy ang misyon ngunit iba ang ninais ng Diyos para sa kanya. Noong kasagsagan ng Digmaang Sibil sa Espanya, kasama si Padre José sa mga pari at mga relihiyosong pinilit na lisanin ang kanilang mga kumbento  bilang panlalapastangan at panggigipit ng mga grupong anarkista at Marxista laban sa Kristiyanismo. Si Padre José Maria, kasama ng iba pang mga relihiyoso ay pinatay sa Cuartel de la Montaña sa Madrid noong ika-17 ng Agosto, 1936. Ayon sa mga tala tungkol sa kanyang buhay, ang mga huling nasambit ng banal na pari bago siya mamatay ay “Viva, el Cristo Rey”.

Itinanghal siya kasama ng 521 pang mga martir bilang Beato sa isang beatipikasyon na ginanap noong ika-13 ng Oktubre, 2013 sa Tarragona, Espanya.

Tuesday, October 1, 2013

Ika-1 ng Oktubre: Pista ni Sta. Teresita

Oktubre. Buwang abala sa parokya sapagkat halos sunod-sunod ang mga pagdiriwang panrelihiyon sa simbahan. Katatapos pa lamang ng pista ni San Lorenzo Ruiz ng Maynila at ilang araw nang nagaganap ang pagnonobena sa karangalan ni San Francisco ng Assisi.  Pagsapit ng unang araw ng buwan ipinagdiriwang ang pista ni Sta. Teresita del Niño Jesus. Noong araw daw aty pinamumunuan ito ng Kapisanan ni Sta. Teresita. Wala na ang ganoong samahan sa kasalukuyan ngunit sa kabila nito, pinagdiriwang pa rin ang kapistahan ng pantas ng simbahan.

Nasa larawan ang prusisyon sa karangalan ni Santa Teresita del Niño Jesus sa Meycauayan noong dekada 30 sa pamumuno ng Kapisanan ni Sta. Teresita. Makikita sa rito si P. Teofilo Narcisco (kura paroko ng Meycauayan mula 1933 - 1939), mga abay ni Sta. Teresita at mga batang nakadamit kawangis ng santa. Kuhang larawan mula sa "puerta lateral" ng simbahan (pintuan sa gilid ng simbahang katapat noon ng sementeryo).

Monday, September 9, 2013

Venerable Ignacia del Espiritu Santo

(Larawan mula kay Alex Castro)
Si Ignacia Iuco del Espiritu Santo ay ang pinakaunang Pilipinang nagtatag ng isang kongregasyong Pilipino para sa mga kababaihan sa Pilipinas. Ipinanganak si Del Espiritu Santo sa Binondo, Maynila noong 1663 kina Jusepe Iuco, isang imigranteng Intsik mula sa Amoy, Tsina, at María Jerónima, isang katutubong Pilipina. Bininyagan si Ignacia noong ika-4 ng Marso, 1663 sa Iglesia delos Santos Reyes ng Parian. Ninais ng kanyang mga magulang na siya ay lumagay na sa tahimik ngunit hindi ang pag-aasawa ang kalooban ng Diyos para kay Ignacia. Sa halip, sumangguni si Ignacia kay Padre Paul Klein, isang Heswita mula sa Bohemya na dumating sa Maynila noong 1682. Ibinagay sa kaniya ng pari ang Pagsasanay na Pang-kaluluwa ni San Ignacio. Matapos ang panahong ito ng pag-iisa at pananalangin, ipinasya ni Del Espiritu Santong "manatili sa serbisyo ng Banal na Kamahalmahalan" at "mamuhay nang may pawis sa kaniyang kilay". Nilisan niya ang kaniyang tahanan at kinipkip ang kaniyang kaisa-isang karayom at gunting. Nagsimula siyang mamuhay mag-isa sa isang bahay na nasa likuran ng Kolehiyong Hesuita ng Maynila. Ang kaniyang buhay ng pananalangin at paggawa ang nakahikayat ng mga katutubong kababaihan na nakadama rin ng pagtawag sa buhay na makarelihiyon subalit hindi matanggap sa mga itinatag na kongregasyong noong kapanahunang iyon. Tinanggap ni Del Espiritu Santo ang mga kababaihang ito sa kaniyang samahan at dito nagsimula ang pinakauna niyang pamayanang relihiyoso. Nakilala sila bilang Beatas del Compania de Jesus o Mga Madre ng Samahan ni Hesus dahil sa malipit nilang pagtanggap ng mga sakramento mula sa Simbahan ni San Ignacio. Marami silang ginawang mga gawain pang-deboto doon, na katuwang mga paring Hesuita bilang mga direktor pang-espiritu at taga-kumpisal. Itinuon ni Del Espiritu Santo ang kaniyang buhay sa mga pasakit ni Kristo at sinubok na gayahin si Hesus sa pamamagitan ng buhay sa pagsisilbi at pagpapakumbaba. Ipinadama niya ang kaniyang espirtwalidad na may paninilbihang may kababaan ng loob sa pamamagitan ng kakayahang magpatawad, pagpasan ng mga kamalian na may pasensiya at pagtatama na may kahinahunan at tahimik na pagtitiis. Binigyang-diin din niya ang pagaalay sa kapwa sa loob ng pamayanan na inaalay sa Abang Inang Maria. Pinilit niyang maging isang wangis ni Maria sa harap ng kaniyang mga kasama at hinikayat gawing modelo si Maria sa pagsunod sa mga yapak ni Hesus. Sumali rin sa mga gawaing pang-deboto si Del Espiritu Santo at ang mga beata, at tumulong din sila sa mga paring Hesuita sa pamamagitan ng paghahanda sa mga sumasaling deboto sa mga pagsasanay na pang-espiritu. Isinulat ni Del Espiritu Santo ang mga konstitusyon ng kaniyang pamayanan at ipinasa para payagan noong Hulyo 1, 1726. Matapos maaprubahan noong 1732 ng Piscal Provisor ng Maynila, ipinasya ni Del Espiritu Santong bitawan ang kaniyang responsibilad bilang punong-madre ng kaniyang kumbento. Namuhay siya bilang karaniwang kasama hanggang sa kaniyang kamatayan. Nakita ito ni Padre Murillo Velarde ng Lipunan ni Hesus bilang isang magiting na hudyat ng pagpapakumbaba. Walang kagustuhan si Del Espiritu Santong mag-utos at maging dominante. Sa pagtutuos ni Padre Velarde, si Del Espiritu Santo ay isang tunay na babaeng may lakas ng kalooban na napagwagian ang mga malalaking kahirapan na hinarap niya sa pagtatatag ng kongregasyon mula simula hanggang katapusan. Namatay si Del Espiritu Santo habang nakaluhod na tumatanggap ng komunyon noong Setyembre 10, 1748, sa gulang na 85. Inilibing siya sa Simbahan ni San Ignacio. 84 na gulang. Hinirang siyang Venerable ni Papa Benedicto XVI noong ika-6 ng Hulyo, 2007.

(Mula sa Wikipedia)

Wednesday, August 28, 2013

Walang Sugat

Sa mga mag-aaral na naghahanap ng iskrip ng sarswelang "Walang Sugat" ni Severino Reyes, mangyaring tumungo sa link na nasa ibaba nito.

ISKRIP ng WALANG SUGAT

Basahin ang sarswela at tukuyin kung ano-ano ang mga mensahe na nakapaloob sa dulang musikal na ito.

Thursday, August 22, 2013

Puente de Meycauayan: Ang Tulay sa Bayan



Kung ikaw ay isang Meycaueñong nakatira sa kabayanan, namamalengke sa MeyMart o kaya ay nagsisimba sa bayan, malamang ay nadaanan mo na ang tulay ng Meycauayan sa Poblacion. Sa iyong pagdaan sa tulay na ito, alam mo bang iba ang itsura nito noong panahon ng mga Espanyol?


Quarterly Bulletin Vol. 4, April 1, 1915 No. 1 p.16
Ang matandang tulay na yari sa bato sa Poblacion ay sinimulang gawin noong 1789 sa ilalim ng pamamahala ni R. P. Fr. Francisco Robles.[1] Bahagi ito ng mahabang daan na nag-uugnay sa Maynila na bumabagtas mula sa Plaza Goiti, Caloocan, Malabon, Polo, papasok sa Bulacan. Humigit-kumulang umabot sa P 1210.00 ang ginastos sa pagpapagawa ng tulay na ito; salaping mula sa mga mamamayan, sa pondo ng komunidad ng mga Franciscano at mula sa sariling bulsa ni Fray Robles.[2] Naipatayo ang nasabing tulay sa pamamagitan ng polo y sevicios o sapilitang paggawa.[3]

Ang tulay na ito ay may limang arko na may sukat na 6 na yarda ang bawat isa. Tinatayang 51.2 metro ang sukat ng tulay mula sa magkabilang dulo nito.[4]

Sa kasawiampalad, ang tulay na nasira dahil sa pagpapasabog ng mga pwersa ng USAFFE noong ika-31 ng Disyembre, 1941.[5] Pansamantalang nagpatayo ng tulay na kahoy upang maging daanan at mapakinabangan ang lumang tulay. Isang makabagong kongkretong tulay ang ipinalit sa lumang tulay matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. 

Noong dekada '70 sa paanan ng tulay sa gawing palengke ay nagbukas ang isang Floating Restaurant. Ito ay noong malinis at hindi pa mabaho ang ilog. Dahil sa industriya ng balatan at gintuan, lumaganap ang pagkalason ng ilog na nagdulot ng pagkalugi at pagsasara ng restaurant. Makalipas rin ang ilang dekada ay naging mahina ang tulay na ito kung kaya kinailangang gibain upang ipatayo ang tulay na nadaraanan natin sa kasalukuyan.

Sa ganitong panahon na bumabagyo at bumabaha sa kabayanan, ang tulay ng Meycauayan lamang ang lugar na hindi inaabot ng tubig-baha kung kaya maraming mga sasakyan ang dito ay pansamantalang humihimpil upang maiwasang malubog sa tubig ang kanilang mga makina. Pansamantalang nagiging palengke rin ito sa oras ng kalamidad kung saan nalulubog ang palengke.

Ilang taon na rin ang nakalilipas mula noong lagyan ito ng mga "grill" bilang pangharang upang maiwasan ang pagtatapon ng basura sa Ilog ng Meycauayan. Kung matututo lang sana ang mga tao rito na magpahalaga sa kasaysayan at kalikasan... 

22 Agosto, 2013
Lungsod ng Meycauayan



[1]Huerta, Fr. Felix, Estado geografico, topografico, estadistico, historico-religioso dela Santa y Apostolica Provincia de S. Gregorio Magno, Binondo: Imprenta de M. Sanchez y Compania 1865 p.72

[2] Ibid

[3] Dionisio, Ronaldo, NSPS San Francisco de Asis: Kasaysayan ng Buhay Pananampalataya ng Meycauayan, Guiguinto Printing Press, 2008 p. 12

[4] Quarterly Bulletin Vol. 4 April 1, 1915 No. 1, Bureau of Public Works, Manila p. 15


[5] Aklat Pag-alaala: Diwa, Buhay, Sining at Pagdiriwang ng Bayang Meycauayan sa Kanyang Ika-400 Taon

Wednesday, August 21, 2013

Agosto 22 - Pista ng Pagkokorona sa Mahal na Birheng Maria

Ang larawang ito ng ikalimang misteryo sa Luwalhati, Ang Pagkokorona sa Mahal na Birheng Maria, ay makikita sa retablo mayor (altar) ng simbahan ng Parokya ni San Miguel Arcangel sa Marilao, Bulacan.

Viva, Maria!

Friday, August 9, 2013

Bulaklak ng Lahing Kalinis-linisan



- Jose Corazon de Jesus

Lakandiwa:                   Yamang ako’y siyang Haring inihalal
Binubuksan ko na itong Balagtasan,
                                     Lahat ng makata’y inaanyayahang
  Sa gawang pagtula ay makipaglaban.

Ang makasasali’y batikang makata
   At ang bibigkasi’y magagandang tula,
  Magandang kumilos, may gata sa dila
      At kung hindi ay mapapahiya.


     Itong balagtasa'y galing kay Balagtas
Na Hari ng mga Manunulang lahat,
     Ito’y dating Duplong tinatawag-tawag
Balagtasan ngayon ang ipinamagat.

  At sa gabing ito’y sa harap ng bayan
Binubuksan ko na itong Balagtasan
    Saka ang ibig kong dito’y pag-usapan:
                BULAKLAK NG LAHING KALINIS-LINISAN.

                                   Tinatawagan ko ang mga makata,
Ang lalong kilabot sa gawang pagtula,
                                   Lumitaw na kayo’t dito’y pumagitna
                                  At magbalagtasan sa sariling wika.

Paruparo:                   Magandang gabi sa kanilang lahat
              Mga nalilimping kawal ni Balagtas,
Ako’y paruparong may itim na pakpak
                                  At nagbabalita ng masamang oras.

Nananawagan po, bunying Lakandiwa,
Ang uod na dating ngayo’y nagmakata,
                                  Naging paruparo sa gitna ng tula
    At isang bulaklak ang pinipithaya.


    Sa ulilang harding pinanggalingan ko
     Laon nang panahong nagtampo ang bango,
    Nguni’t aywan baga’t sa sandaling ito
    Ay may kabanguhang binubuhay ako.

May ilang taon nang nagtampo sa akin
Ang bango ng mga bulaklak sa hardin,
Luksang Paruparo kung ako’y tawagin,
 mata ko’y luhaan, ang pakpak ko’y itim.

Bunying Lakandiwa, dakilang Gatpayo,
   Yaring kasawia’y pagpayuhan ninyo,
   At si Lakan-iLaw ang gagamitin ko
Upang matalunton ang naglahong bango.

Lakandiwa:               Sa kapangyarihan na taglay ko na rin
   Ikinagagalak na kayo’y tanggapin,
   Magtuloy po kayo at dito sa hardin,
   Tingnan sa kanila kung sino at alin.

Paruparo:               Sa aking paglanghap ay laon nang patay
 Ang bango ng mga bulaklak sa parang,
 Nguni’t ang puso ko’y may napanagimpang
 Bulaklak ng lahing kalinis-linisan.

Ang bulaklak ko pong pinakaiirog
Ubod na ng ganda’t puti ang talulot,
Bulaklak po ito ng lupang Tagalog,
Kapatak na luhang pangala’y kampupot.

Kung kaya po naman di ko masansala
Ang taghoy ng dibdib na kanyang  dinaya,
Matapos na siya’y diligan ng luha
Nang siya’y umunlad, nagtago…nawala!

Isang dapit-hapong palubog ang araw
Sa loob ng hardin, kami’y nagtaguan,
Paruparo, anya kita’y tatalian,
Ako’y hanapin mo’t kung makita’y hagkan.


Isang panyong puting may dagta ng lason
Ang sa aking mata’y itinakip noon,
At ang Bulaklak ko’y bumaba sa dahon,
Nagtago pa mandin at aking hinabol.

Hinabol-habol ko ang bango at samyo
Hanggang makarating ako sa malayo,
At nang alisin na ang takip na panyo
Wala si Kampupot, wala yaring puso.

Ang taguang biro’y naging totohanan
Hanggang tunay na ngang mawala sa tanaw,
At ang hinagpis ko noong ako’y iwan,
Baliw na mistula sa pagsisintahan.

Sa lahat ng sulok at lahat ng panig
Ay siya ang laging laman niring isip,
Matulog man ako’y napapanaginip,
Mistulang nalimbag sa sugatang dibdib.

Sa apat na sulok ng mundong payapa
Ang aking anino’y tulang nabandila,
Paruparo akong sa mata’y may luha,
Ang mga pakpak ko’y may patak na luksa.

Ang sakdal kong ito, Lakandiwang mahal,
Ibalik sa akin, puso kong ninakaw,
At kung si Kampupot ay ayaw po naman,
Ay ang puso niya sa aki’y ibigay.

Bubuyog:               Hindi mangyayari at ang puso niya’y
Karugtong ng aking pusong nagdurusa,
Puso ni Bulaklak pag iyong kinuha
Ang lalagutin mo’y dalawang hininga.

Pusong pinagtali ng isang pag-ibig
Pag pinaghiwalay kapanga-panganib,
Daga’t ma’t hatiin ang agos ng tubig,
Sa ngalan ng Diyos ay maghihimagsik.


Ang dalawang ibon na magkasintahan,
Papaglayuin mo’t kapwa mamamatay,
Kambal na pag-ibig pag pinaghiwalay,
Bangkay ang umalis, patay ang nilisan,

Paruparong sawing may pakpak na itim
Waring ang mata mo’y nagtatakipsilim,
At sa dahil sa diwang baliw sa paggiliw
“Di man Kampupot mo’y iyong inaangkin.

Dinaramdam ko rin ang dinaranas mo
At sa kasawia’y magkauri tayo,
Ako ma’y mayroong nawawalang bango
Ng isang bulaklak kaya naparito.

Buhat pa kanginang ikaw’y nangungusap
Bawat salita mo’y matulis na sibat,
Saka ang hanap mong mabangong bulaklak,
Luksang paruparo, siya ko ring hanap.

Ipahintulot mo, Paruparong luksa,
Dalitin ko yaring matinding dalita.
Itulot mo rin po, Hukom na dakila,
Bubuyog sa sawi’y makapagsalita.

Paruparo:              ‘Di ko pinipigil ang pagsasalaysay
Lalo’t magniningning ang isang katwiran,
Nguni’t tantuin mo na sa daigdigan
Ang bawa’t maganda’y pinag-aagawan.

Lakandiwa:            Magsalita kayo at ipaliwanang
Ang ubod ng lungkot na inyong dinanas,
Paano at saan ninyo napagmalas
Na ito ang siya ninyong hinahanap?

Bubuyog:               Sa isang malungkot at ulilang hardin
Ang binhi ng isang halama’y sumupling,
Sa butas ng bakod na tahanan namin
Ay kasabay akong isinisilang din.


Nang iyang halama’y lumaki, umunlad,
Lumaki ako’t tumibay ang pakpak,
At nang sa butas ko ako’y makalipad
Ang unang hinagka’y katabing bulaklak.

Sa kanyang talulot unang isinangla
Ang tamis ng aking halik na sariwa,
At sa aking bulong na matalinghaga
Napamukadkad ko ang kanyang sanghaya.

Nang mamukadkad na ang aking kampupot
Sa araw at gabi ako’y nagtatanod,
Langgam at tutubing dumapo sa ubod
Sa panibugho ko’y aking tinatapos.

Ngayon, tanda ko ngang kayo’y nagtaguan
Habang ako’y kanlong sa isang halaman,
Luksang paruparo nang ikaw’y maligaw
Ang aking halakhak ay nakabulahaw.

Ang inyong taguan, akala ko’y biro,
Kaya ang tawa ko’y abot sa malayo,
Ngani’t nang ang saya’y tumagos sa puso
Sa akin man pala ay nakapagtago.

Lumubog ang araw hanggang sa dumilim
Giliw kong bulaklak din dumarating,
Nang kinabukasa’t muling nangulimlim
Ay hinanap ko na ang nawalang giliw.

Nilipad ko halos ang taas ng langit
At tinalunton ko ang bakas ng ibig,
Ang kawikaan ko sa aking pag-alis
Kung di makita’y di na magbabalik.

Sa malaong araw na nilipad-lipad
Dito ko natunton ang aking bulaklak,
Bukong sa halik kokaya namukadkad
‘Di ko papayagang mapaibang palad.

Luksang Paruparo, kampupot na iyan,
Iyan ang langit ko, pag-asa at buhay,
Ang unang balik kong katamis-tamisan
Sa talulot niya ay nakalarawan.

Paruparo:              Hindi mangyayaring sa isang bulaklak
Kapwa mapaloob ang dalawang palad.
Kung ikaw at ako’y kanyang tinatanggap
Nagkasagi sana ang kanitang pakpak.

Ikaw ay Bubuyog, sa urang sumilang
Nang makalabas ka’y saka mo hinagkan:
Ako ay lumabas sa kanya ring tangkay,
Sino ang malapit sa pagliligawan?

Una muna akong nag-uod sa sanga
Na balot ng sapot ng pagkaulila,
Nang buksan ng Diyos yaring mga mata
Bulo’t dahon namin ay magkasama na.

Sa ugoy ng hangin sa madaling-araw
Nagduruyan kaming dalawa sa tangkay,
At kung bumabagyo’t malakas ang ulan,
Ang kanya ring dahon ang aking balabal.

Sa kanyang talulot kung may dumadaloy
Na patak ng hamog, aking iniinom;
Sa dahon ding iyon ako nagkakanlong
Sa init ng araw sa buong maghapon.

Paano ngang siya ay pagkakamalan
Na kami’y lumaki sa iisang tangkay,
Kaya nga kung ako’y sa kanya nabuhay
Ibig ko rin namang sa kanya mamatay.

Bubuyog:               Huwag kang matuwa sapagka’t kaniig
Niyaring bulaklak na inaaring langit,
Pagka’t tantuin mo sa ngalang pag-ibig
Malayo ma’t ibig, daig ang malapit.


Saka ang sabi mong sa mutyang kampupot
Nakikiinom ka ng patak ng hamog,
Kaunting biyaya na bigay ng Diyos,
Tapang ng hiya mong ikaw ang lumagok.

Ikaw’y isang uod, may bulo kang taglay;
Sa isang bulaklak laso’t kamatayan,
At akong bubuyog ang dala ko’y buhay
Bulong ng hiningang katamis-tamisan.

Paruparo:          Akong malapit na’y napipintasan mo,
Ikaw na malayo naman kaya’y pa’no?
Dalaw ka nang dalaw, di mo naiino,
Ay ubos na pala ang tamis sa bao.

Bubuyog na laging may ungol at bulong
Ay nakayayamot saan man pumaroon,
At ang katawan mo’y mayrong karayom
Pa’no kang lalapit, di naduro tuloy?


Di ka humahalik sa mga bulaklak,
Talbos ng kamote ang siya mong liyag,
Ang mga bintana’y iyong binubutas,
Doon ang bahay mo, bubuyog na sukab.

Ikaw ay bubuyog, ako’y paruparo,
Iyong mga bulong ay naririnig ko;
Kung dinig ng lahat ang panambitan mo
Hiya ni Kampupot, ayaw na sa iyo.

Bubuyog:               Kundi iniibig ang nakikiusap
Lalo na ang tahimik na  tatapat-tapat,
Kung ang magsalita’y di-magtamong-palad
Lalo na ang dungong di makapangusap.

Lilipad-lipad ka na payao’t dito
Pasagilang-bingit, at patanaw-tao,
Pag ligaw-matanda sa panahong ito
Pagtatawanan ka ng liligawan mo.

Ikaw’y paruparo, ako ay bubuyog
Nilang ka sa tangkay, ako ay sa bakod,
Nguni’t saang panig nitong sansinukob
Nakakatuwaan ang paris mong uod?

Saka, Paruparo, dapat mong malamang
Sa mula’t mula pa’y ‘di ka minamahal,
Ang panyong panali nang ikaw ay takpan
Ikaw ang may sabing may lason pang taglay.

Paruparo:              Ganyan ang hinalang namugad sa dibdib,
Pagka’t napaligaw ang aking pangmasid,
Hindi pala laso’t dagta ng pag-ibig
Ang sa aking panyo’y kanyang idinilig.

Bubuyog:               Dadayain ka nga’t taksil kang talaga
At sa mga daho’y nagtatago ka pa.

Paruparo:              Kung ako’y dinaya’t ikaw ang tatawa
Sa taglay kong bulo nilason na kita.

Bubuyog:               Pagka’t ikaw’y taksil, akin si Kampupot.
Siya’y bulaklak ko sa tabi ng bakod.

Paruparo:              Bulaklak nga siya’t ako’y kanyang uod.
Lakandiwa:            Tigil na Bubuyog, tigil Paruparo,
Inyo nang wakasan iyang pagtatalo;
Yamang di-malaman ang may-ari nito,
Kampupot na iya’y paghatian ninyo.

Bubuyog:               Kapag hahatiin ang aking bulaklak
Sa kay Paruparo’y ibigay nang lahat;
Ibig ko pang ako’y magtiis ng hirap
Kaya ang talulot niya ang malagas.

Paruparo:              Kung hahatiin po’y ayoko rin naman
Pagka’t pati ako’y kusang mamamatay;
Kabyak na kampupot, aanhin ko iyan
O buo wala nguni’t akin lamang.

Lakandiwa:        Maging si Solomong kilabot sa dunong
Dito’y masisira sa gawang paghatol;
Kapwa nagnanasa, kapwa naghahabol,
Nguni’t kung hatii’y kapwa tumututol.

Ipahintulot pong sa mutyang narito
Na siyang kampupot sabihin kung sino
Kung sino ang kanyang binigyan ng oo,
O kung si Bubuyog, o kung si Paruparo.

Kampupot:             Ang kasintahan ko’y ang luha ng langit,
                             Ang Araw, ang Buwan sa gabing tahimik,
                             At si Bubuyog po’t paruparong bukid,
                             Ay kapwa hindi ko sila iniibig.

Paruparo:              Matanong nga kita, sinta kong bulaklak,
                             Limot mo na baga ang aking pagliyag?
                             Limot mo na bagang sa buong magdamag
                             Pinapayungan ka ng dalawang pakpak?


Kampupot:              Tila nga, tila nga sa aki’y mayroong
                             Sa hamog ng gabi ay may nagkakanlong,
                             Ngunit akala ko’y dahon lang ng kahoy
                             At di inakala na sinuman yaon.

Bubuyog:               At ako ba, Mutya, hindi mo na batid
                             Ang mga bulong ko’t daing ng pag-ibig,
                             Ang akin bang samo at mga paghibik
                             Na bulong sa iyo’y ‘di mo ba narinig?

Kampupot:             Tila nga, tila nga ako’y may napansing
                             Daing at panaghoy na kung saan galing,
                             Ngunit akala ko’y paspas lang ng hangin
                             At di inakala na sinuma’t alin.

Bubuyog:               Sa minsang ligaya’y tali ang kasunod,
                             Makapitong lumbay o hanggang matapos.

Paruparo:              Dito napatunayan yaong kawikaan
                             Na ang paglililo’y nasa kagandahan.

Bubuyog at Paruparo: Ang isang sanglang naiwan sa akin
                            Ay di mananakaw magpahanggang libing.

Lakandiwa:            Ang hatol ko’y ito sa dalawang hibang  
                             Nabaliw nang hindi kinababaliwan:
                             Yamang ang panahon ay inyong sinayang
                             Kaya’t nararapat na maparusahan.

                              Ikaw ay tumula ngayon, Paruparo
                              Ang iyong tulain ay “Pagbabalik” mo,
                              At ang “Pasalubong” sa babaing lilo,
                              Bubuyog, tulain, ito ang hatol ko.
                              (Pagkatapos tumula ni Paruparo)

Lakandiwa:               Sang-ayon sa aking inilagdang hatol,
                                Ay ikaw Bubuyog ang tumula ngayon;
                                Ang iyong tulain ay ang “Pasalubong”
                                 Ng kabuhayan mong tigib ng linggatong.


                                  (Pagkatapos tumula ni Bubuyog)
                                  Minamahal nami’t sinisintang bayan,
Sa ngayo’y tapos na itong Balagtasan;
At kung ibig ninyong sila ay hatulan,
 Hatulan na ninyo pagdating ng bahay.