Monday, April 22, 2013

Pista ng Bisitang Matanda ng Marilao


Larawan ng isinaayos na "Bisitang Matanda"
      Tuwing sasapit ang buwan ng Abril sa Marilao, matapos ang pagluluksa ng sambayanan sa kalilipas pa lamang na Semana Santa at ang pagsasaya ng madla sa katatapos pa lamang na Pasko ng Pagkabuhay, pinakaaabangan ng mga taga-Poblacion ang pagdiriwang ng Pista ng Bisitang Matanda. Isa itong bisitang itinuturing ng mga Marileño na duyan ng kanilang pananampalatayang Katoliko sapagkat dito sa bisitang ito, ipinunla ng mga frayleng Franciscano ang sambayanan ng Diyos bago pa mang ang bayan ng Marilao ay nagsarili mula sa Meycauayan. Sinasabing ang lugar na kinatatayuan ng matandang bisita ang tinatawag noon na “Tawiran” na kung saan nakadambana ang imahen ng Santo Cristo na tinatawag ng maraming “Mahal na Señor.” Limampung taon matapos na maitayo ang matandang bisita, sa panahong nagsarili ang bayan, dahil na rin sa kaliitan ang bisita at sa lumalagong pangangailangang pangkaluluwa ng mga taga-Marilao kung kaya nagpasya silang ilipat ang lugar na katatayuan ng bagong simbahang kalalagyan ng kanilang bagong patron, si San Miguel Arcangel. Taong 1796 nang pormal na maitatag ang Pueblo de Marilao.

Opisyal na Replika ng Mahal na Señor
     Ang imahen ng Mahal na Señor sa Bisitang Matanda ay isa sa mga natatanging yaman ng Bayan ng Marilao. Isa itong krusipiho na may kakaibang paglalarawan sa paghihirap ng ating Panginoong Jesus. Ang krusipiho ay nagpapakita kay Jesus na agaw-buhay na nakabayubay sa krus habang ang isang anghel, dala-dala ang isang kalis, ay matamang nakaantabay upang sahurin ang pagpatak ng Kanyang Mahal na Dugo. Iilan lamang sa Pilipinas ang may ganitong paglalarawan sa Mahal na Señor kaya gayon na lamang ang pagmamalaki ng mga taga-Marilao rito.









Salinan ng Krus
      Mayaman sa tradisyon ang pagdiriwang ng pista ng Bisitang Matanda. Pinagdiriwang ito tuwing ikatlong linggo matapos ang Pasko ng Pagkabuhay. Ang kapistahang ito, na bukod sa pistang bayan, ay tila isang bato-balaning humahatak pabalik sa mga dating Marileñong naninirahan na sa ibang mga bayan at lungsod upang mamintuho at makipista. Sa taong ito ng kanilang pagpipista, bukod sa isang Hermano Mayor na nangangasiwa sa mga gawaing may kinalaman sa pagpipista, mayroong siyamnapung hermanos mayores ang nagtutulong-tulong na itaguyod ang kapistahan. Bawat isang hermano ay nag-aalaga ng maliit na krus na ipinasa sa kanila ng noong nakaraang pista. Buong taong mamalagi sa kanila ang krus na kanila naman isasalin sa susunod na hermano sa araw ng kapistahan. Tinatawag nila itong “Salinan ng Krus” na isinasagawa matapos ang misa sa gabi. 

     Pagtapos ng salinan na tumatagal ng isang oras dahil na rin sa dami ng mga sasalinan, isa-isa nang dumarating ang maliliit na batang babaeng nakasuot ng magagandang damit upang iprusisyon ang mga maliliit na krus. Sila ay karaniwang kaanak ng mga hermano na kakatawan sa kanila upang ilibot sa kabayanan ang krus na kanilang inalagaan kasabay ng paglabas ng mahimalang larawan ng Mahal na Señor. Matapos ang prusisyon, karaniwan nang nagkakaroon ng salu-salo sa tahanan ng mga heramano bilang pasasalamat sa pagpapalang tinamo nila sa buong taon.

     Nakatutuwang isipin na bagamat nagsarili na ang Marilao bilang isang parokya, dalawang daan at labimpitong taon na ang nakalilipas, ang pagpipista sa Bisitang Matanda, na siyang tulay na nagkakawing sa kasaysayan ng mga bayan ng Marilao at Meycauayan ay hindi pa rin nalilimutan. Patunay ito ng malapit na ugnayang nagdurugtong sa dalawang bayan.

22 Abril, 2013
Lungsod ng Meycauayan

No comments:

Post a Comment