Thursday, June 5, 2014

Pista ng Pag-akyat sa Santa Ana, Pampanga

Ang pagbabalik ni Robby sa blog writing!

Noong nakaraang Linggo, ipinagdiwang ng sangkakristiyanuhan ang Kapistahan ng Pag-akyat sa Langin ni Jesukristo. Apatnapung araw mula noong muling nabuhay si Jesus, siya ay umakyat sa langit upang makasama sa kaluwalhatian ang Ama. Muli ko itong pinagdiwang sa bayan ng Sta. Ana sa lalawigan ng Pampanga.

Nakaugalian nang ilagak ang imahen ni Jesukristong muling nabuhay sa mga simbahan sa Pilipinas sa panahon ng Pasko ng Pagkabuhay. Matapos ang prusisyon ng Salubong ay ipinapasok sa loob ng simbahan ang imahen at idinadambana sa santuwaryo hanggang sa pista ng Pag-akyat. Sa ilang mga parokya, inilalabas sa prusisyon ang imahen matapos ang misa mayor. Yaon ang aking natunghayan sa Sta. Ana.

Dalawang beses na akong nakadadalo sa pistang ito sa naturang bayan. Matapos ang misa ng ika-8 ng umaga, ilalabas ng simbahan ang imahen ni Apung Pamaitas (Senor de Ascencion) upang isakay sa karo para sa isang maikling prusisyon. Ang imaheng ito rin ang kanilang Apung Sinubling Mebie (Senor Resucitado).  Nasa pangangalaga ng Pamilya Dizon ang imahen na kanilang pinakaiingatan. Taon-taon, isang pamilya mula sa kanilang angkan ang pinapanhikan ng imahen na kanyang magiging tahanan sa loob ng isang taon. Ang pamilyang ito rin ang siyang nagiging abala sa paglalabas kay Apu sa prusisyon ng Salubong at Pag-akyat.

Matapos na maisakay sa karosa, inilalabas na ng simbahan ang imahen sa isang maikling prusisyon patungo sa tahanan ng nakatakdang panhikan. Saglit na iluluklok ang imahen sa loob ng tahanan. Matapos nito, masayang pagsasalu-saluhan ng mga kaanak at kaibigan ang napakasarap na mga lutuing Kapampangang nakahain sa kanilang hapag.

Payak na paggunita ngunit isang matibay na instrumentong nagbubuklod sa batayang yunit ng simbahan… ang pamilya.



Wednesday, January 1, 2014

Sa iyo, 2013

Marami tayong pinagsamahan sa nakalipas na isang taon. Sabay tayong umasang magiging masaya at mabunga ang pagdating mo. Buo ang pananalig natin na bubukal sa iyong taon ang mga biyaya nagmumula sa Kanyang pagpapala.

Magkatuwang nating hinawan ang mga sagwil at hadlang upang maging matiwasay ang pagtahak ko sa bagong daigdig na kasalukuyan kong iniinugan. Pinaunawa mo sa akin na kailangan kong magbago, kahit ang pagpapanibago ay hindi madali. Unti-unti, tinuruan mo akong kumalas sa mga bagay na mahal sa akin. Sapagkat walang anumang mananatiling pangmatagalan sa mundong ito. At ang pagyakap sa pagbabago ay daan upang matuklasan ko kung ano pa ang nakahain para sa akin.

Kasama rin kita nang muli kong buksan ang aking sarili. At sa pagbubukas na ito, nabigo man sa ilan, alam kong darating ang panahon na masaya kong ipipinid itong muli.

Hindi naging madali ang pagtahak natin sa mga lumipas na araw na kasama kita. Napaluha mo ako noong nagpasya akong umalis sa pangalawa kong tahanang pumanday sa akin kung ano ako ngayon. Nakaramdam ako ng pait sa mga pangyayaring hindi ko kayang pigilan. Pinanghinayangan ko ang mga pagkakataong aking pinalampas at mga bagay na hinayaang mawaglit sa akin. Ngunit sa kabila ng mga ito, tinuruan mo akong maging matatag. Nanatili akong nakatayo, bumagsak man ay muling bumangon. Lumalaban. Nang malampasan natin ang mga ito, higit akong naging malakas.

Salamat at kahit na ika’y may dalang lungkot at pagkawasak, pinalago mo ang aming pananampalataya. Mananatili kang nakatatak sa amin. Ang iyong mga bilang ay umukit ng mahalagang kasaysayang tanging ako lamang ang nakatatalos Sa iyong pag-alis, taglay ko ang mga alaalang bumuo sa akin bilang ako. Salamat. Maraming salamat.

01 Enero, 2014
Lungsod ng Meycauayan, Bulacan

Monday, October 14, 2013

Talambuhay ni Beato José María de Manila, OFM Cap.

Si Eugenio Sanz-Orozco Mortera (José Maria ng Maynila) ay isang Franciscanong Capuchino na napatay noong ika-17 ng Agosto, 1936 sa kasagsagan ng Digmaang Sibil sa Espanya.

Si Padre José ay isinilang sa Maynila noong ika-5 ng Setyembre 1880, bunga ng pagmamahalan ng kanyang mga magulang na sina Don Eugenio Sanz-Orozco (kahuli-hulihang Alkaldeng Espanyol ng Maynila) at Doña Feliza Mortera y Camacho.

Siya ay nakapag-aral sa Ateneo Municipal de Manila at Colegio de San Juan de Letran. Natapos niya ang pagaaral ng sekondarya sa Unibersidad ng Santo Tomas noong 1895 habang siya ay nanatiling alumno interino sa Letran. Sa mga mahahalagang papel na may kaugnayan sa kanyang pag-aaral ay nakatala na siya ay isang “natural de Manila”. Nanatili siya sa Pilipinas sa loob ng 16 na taon bago tumulak patungong Espanya upang ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral.

Sa pagtatapos ng pananakop ng mga Espanyol sa Pilipinas, bumalik sa Espanya ang mga magulang ni Padre José upang doon na manirahan. Sa kabila ng pagtutol ng kanyang mga magulang, tinahak ni Padre José ang buhay-relihiyoso sa kanyang pagnanasang maging isang pari. Pumasok bilang isang Capuchino, isang sangay ng mga paring Franciscano. Pumasok siya bilang isang novicio noong ika2 ng Oktubre, 1904. Sa isang payak na seremonya, itinalaga niya ang kanyang sarili sa kapatiran noong ika-4 ng Oktubre, 1905 sa Navarra, Espanya at naging isang ganap na Capuchino noong ika-18 ng Oktubre, 1908. Siya ay inordenahan bilang pari noong ika-30 ng Nobyembre, 1910.

Ninais ni Padre José na bumalik sa Maynila upang doon ipagpatuloy ang misyon ngunit iba ang ninais ng Diyos para sa kanya. Noong kasagsagan ng Digmaang Sibil sa Espanya, kasama si Padre José sa mga pari at mga relihiyosong pinilit na lisanin ang kanilang mga kumbento  bilang panlalapastangan at panggigipit ng mga grupong anarkista at Marxista laban sa Kristiyanismo. Si Padre José Maria, kasama ng iba pang mga relihiyoso ay pinatay sa Cuartel de la Montaña sa Madrid noong ika-17 ng Agosto, 1936. Ayon sa mga tala tungkol sa kanyang buhay, ang mga huling nasambit ng banal na pari bago siya mamatay ay “Viva, el Cristo Rey”.

Itinanghal siya kasama ng 521 pang mga martir bilang Beato sa isang beatipikasyon na ginanap noong ika-13 ng Oktubre, 2013 sa Tarragona, Espanya.

Tuesday, October 1, 2013

Ika-1 ng Oktubre: Pista ni Sta. Teresita

Oktubre. Buwang abala sa parokya sapagkat halos sunod-sunod ang mga pagdiriwang panrelihiyon sa simbahan. Katatapos pa lamang ng pista ni San Lorenzo Ruiz ng Maynila at ilang araw nang nagaganap ang pagnonobena sa karangalan ni San Francisco ng Assisi.  Pagsapit ng unang araw ng buwan ipinagdiriwang ang pista ni Sta. Teresita del Niño Jesus. Noong araw daw aty pinamumunuan ito ng Kapisanan ni Sta. Teresita. Wala na ang ganoong samahan sa kasalukuyan ngunit sa kabila nito, pinagdiriwang pa rin ang kapistahan ng pantas ng simbahan.

Nasa larawan ang prusisyon sa karangalan ni Santa Teresita del Niño Jesus sa Meycauayan noong dekada 30 sa pamumuno ng Kapisanan ni Sta. Teresita. Makikita sa rito si P. Teofilo Narcisco (kura paroko ng Meycauayan mula 1933 - 1939), mga abay ni Sta. Teresita at mga batang nakadamit kawangis ng santa. Kuhang larawan mula sa "puerta lateral" ng simbahan (pintuan sa gilid ng simbahang katapat noon ng sementeryo).

Monday, September 9, 2013

Venerable Ignacia del Espiritu Santo

(Larawan mula kay Alex Castro)
Si Ignacia Iuco del Espiritu Santo ay ang pinakaunang Pilipinang nagtatag ng isang kongregasyong Pilipino para sa mga kababaihan sa Pilipinas. Ipinanganak si Del Espiritu Santo sa Binondo, Maynila noong 1663 kina Jusepe Iuco, isang imigranteng Intsik mula sa Amoy, Tsina, at María Jerónima, isang katutubong Pilipina. Bininyagan si Ignacia noong ika-4 ng Marso, 1663 sa Iglesia delos Santos Reyes ng Parian. Ninais ng kanyang mga magulang na siya ay lumagay na sa tahimik ngunit hindi ang pag-aasawa ang kalooban ng Diyos para kay Ignacia. Sa halip, sumangguni si Ignacia kay Padre Paul Klein, isang Heswita mula sa Bohemya na dumating sa Maynila noong 1682. Ibinagay sa kaniya ng pari ang Pagsasanay na Pang-kaluluwa ni San Ignacio. Matapos ang panahong ito ng pag-iisa at pananalangin, ipinasya ni Del Espiritu Santong "manatili sa serbisyo ng Banal na Kamahalmahalan" at "mamuhay nang may pawis sa kaniyang kilay". Nilisan niya ang kaniyang tahanan at kinipkip ang kaniyang kaisa-isang karayom at gunting. Nagsimula siyang mamuhay mag-isa sa isang bahay na nasa likuran ng Kolehiyong Hesuita ng Maynila. Ang kaniyang buhay ng pananalangin at paggawa ang nakahikayat ng mga katutubong kababaihan na nakadama rin ng pagtawag sa buhay na makarelihiyon subalit hindi matanggap sa mga itinatag na kongregasyong noong kapanahunang iyon. Tinanggap ni Del Espiritu Santo ang mga kababaihang ito sa kaniyang samahan at dito nagsimula ang pinakauna niyang pamayanang relihiyoso. Nakilala sila bilang Beatas del Compania de Jesus o Mga Madre ng Samahan ni Hesus dahil sa malipit nilang pagtanggap ng mga sakramento mula sa Simbahan ni San Ignacio. Marami silang ginawang mga gawain pang-deboto doon, na katuwang mga paring Hesuita bilang mga direktor pang-espiritu at taga-kumpisal. Itinuon ni Del Espiritu Santo ang kaniyang buhay sa mga pasakit ni Kristo at sinubok na gayahin si Hesus sa pamamagitan ng buhay sa pagsisilbi at pagpapakumbaba. Ipinadama niya ang kaniyang espirtwalidad na may paninilbihang may kababaan ng loob sa pamamagitan ng kakayahang magpatawad, pagpasan ng mga kamalian na may pasensiya at pagtatama na may kahinahunan at tahimik na pagtitiis. Binigyang-diin din niya ang pagaalay sa kapwa sa loob ng pamayanan na inaalay sa Abang Inang Maria. Pinilit niyang maging isang wangis ni Maria sa harap ng kaniyang mga kasama at hinikayat gawing modelo si Maria sa pagsunod sa mga yapak ni Hesus. Sumali rin sa mga gawaing pang-deboto si Del Espiritu Santo at ang mga beata, at tumulong din sila sa mga paring Hesuita sa pamamagitan ng paghahanda sa mga sumasaling deboto sa mga pagsasanay na pang-espiritu. Isinulat ni Del Espiritu Santo ang mga konstitusyon ng kaniyang pamayanan at ipinasa para payagan noong Hulyo 1, 1726. Matapos maaprubahan noong 1732 ng Piscal Provisor ng Maynila, ipinasya ni Del Espiritu Santong bitawan ang kaniyang responsibilad bilang punong-madre ng kaniyang kumbento. Namuhay siya bilang karaniwang kasama hanggang sa kaniyang kamatayan. Nakita ito ni Padre Murillo Velarde ng Lipunan ni Hesus bilang isang magiting na hudyat ng pagpapakumbaba. Walang kagustuhan si Del Espiritu Santong mag-utos at maging dominante. Sa pagtutuos ni Padre Velarde, si Del Espiritu Santo ay isang tunay na babaeng may lakas ng kalooban na napagwagian ang mga malalaking kahirapan na hinarap niya sa pagtatatag ng kongregasyon mula simula hanggang katapusan. Namatay si Del Espiritu Santo habang nakaluhod na tumatanggap ng komunyon noong Setyembre 10, 1748, sa gulang na 85. Inilibing siya sa Simbahan ni San Ignacio. 84 na gulang. Hinirang siyang Venerable ni Papa Benedicto XVI noong ika-6 ng Hulyo, 2007.

(Mula sa Wikipedia)

Wednesday, August 28, 2013

Walang Sugat

Sa mga mag-aaral na naghahanap ng iskrip ng sarswelang "Walang Sugat" ni Severino Reyes, mangyaring tumungo sa link na nasa ibaba nito.

ISKRIP ng WALANG SUGAT

Basahin ang sarswela at tukuyin kung ano-ano ang mga mensahe na nakapaloob sa dulang musikal na ito.

Thursday, August 22, 2013

Puente de Meycauayan: Ang Tulay sa Bayan



Kung ikaw ay isang Meycaueñong nakatira sa kabayanan, namamalengke sa MeyMart o kaya ay nagsisimba sa bayan, malamang ay nadaanan mo na ang tulay ng Meycauayan sa Poblacion. Sa iyong pagdaan sa tulay na ito, alam mo bang iba ang itsura nito noong panahon ng mga Espanyol?


Quarterly Bulletin Vol. 4, April 1, 1915 No. 1 p.16
Ang matandang tulay na yari sa bato sa Poblacion ay sinimulang gawin noong 1789 sa ilalim ng pamamahala ni R. P. Fr. Francisco Robles.[1] Bahagi ito ng mahabang daan na nag-uugnay sa Maynila na bumabagtas mula sa Plaza Goiti, Caloocan, Malabon, Polo, papasok sa Bulacan. Humigit-kumulang umabot sa P 1210.00 ang ginastos sa pagpapagawa ng tulay na ito; salaping mula sa mga mamamayan, sa pondo ng komunidad ng mga Franciscano at mula sa sariling bulsa ni Fray Robles.[2] Naipatayo ang nasabing tulay sa pamamagitan ng polo y sevicios o sapilitang paggawa.[3]

Ang tulay na ito ay may limang arko na may sukat na 6 na yarda ang bawat isa. Tinatayang 51.2 metro ang sukat ng tulay mula sa magkabilang dulo nito.[4]

Sa kasawiampalad, ang tulay na nasira dahil sa pagpapasabog ng mga pwersa ng USAFFE noong ika-31 ng Disyembre, 1941.[5] Pansamantalang nagpatayo ng tulay na kahoy upang maging daanan at mapakinabangan ang lumang tulay. Isang makabagong kongkretong tulay ang ipinalit sa lumang tulay matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. 

Noong dekada '70 sa paanan ng tulay sa gawing palengke ay nagbukas ang isang Floating Restaurant. Ito ay noong malinis at hindi pa mabaho ang ilog. Dahil sa industriya ng balatan at gintuan, lumaganap ang pagkalason ng ilog na nagdulot ng pagkalugi at pagsasara ng restaurant. Makalipas rin ang ilang dekada ay naging mahina ang tulay na ito kung kaya kinailangang gibain upang ipatayo ang tulay na nadaraanan natin sa kasalukuyan.

Sa ganitong panahon na bumabagyo at bumabaha sa kabayanan, ang tulay ng Meycauayan lamang ang lugar na hindi inaabot ng tubig-baha kung kaya maraming mga sasakyan ang dito ay pansamantalang humihimpil upang maiwasang malubog sa tubig ang kanilang mga makina. Pansamantalang nagiging palengke rin ito sa oras ng kalamidad kung saan nalulubog ang palengke.

Ilang taon na rin ang nakalilipas mula noong lagyan ito ng mga "grill" bilang pangharang upang maiwasan ang pagtatapon ng basura sa Ilog ng Meycauayan. Kung matututo lang sana ang mga tao rito na magpahalaga sa kasaysayan at kalikasan... 

22 Agosto, 2013
Lungsod ng Meycauayan



[1]Huerta, Fr. Felix, Estado geografico, topografico, estadistico, historico-religioso dela Santa y Apostolica Provincia de S. Gregorio Magno, Binondo: Imprenta de M. Sanchez y Compania 1865 p.72

[2] Ibid

[3] Dionisio, Ronaldo, NSPS San Francisco de Asis: Kasaysayan ng Buhay Pananampalataya ng Meycauayan, Guiguinto Printing Press, 2008 p. 12

[4] Quarterly Bulletin Vol. 4 April 1, 1915 No. 1, Bureau of Public Works, Manila p. 15


[5] Aklat Pag-alaala: Diwa, Buhay, Sining at Pagdiriwang ng Bayang Meycauayan sa Kanyang Ika-400 Taon