Friday, November 2, 2012

Mga Obserbasyon sa Nakaraang Undas 2012


Hindi namin nakasanayan sa pamilya na tawaging Undas ang November 1. Mas sanay kaming tukuyin ang araw na iyon na Todos los Santos. Sabagay, ang araw naman talaga na iyon ay nakalaan para sa paggunita sa lahat ng mga santong itinalaga ng simbahan. Marahil dahil sa malapit na kultura ng mga Mehikano at ng mga Pilipino, naging tradisyon na rin natin na gunitain ang araw na ito bilang Araw ng mga Patay o Dia delos Muertes. Pero bakit nga ba “undas?” Sinasabing ang undas ay galing sa mga salitang kastila na “honras de funebres.” Isa itong monumentong gingawa upang alalahanin ang mga yumao. Tinatawag din itong “tomba” o “tumba.” Sa aming parokya, may gumagawa pa rin ng tumba tuwing sasapit ang buwan ng Nobyembre upang gunitain ang mga kaluluwa ng mga namatay. Hinuhulugan nila ang tumba ng mga pangalan ng mga namatay na nais nilang maisama sa lahat ng mga misa sa buwang iyon.

Dalawang sementeryo ang pinupuntahan naming mag-anak. Ang pampublikong sementeryo ng Meycauayan kung saan nakalibing ang aking tatay at ang kanilang pamilya at ang Cementerio Catolico de Meycauayan kung saan naman nakahimlay ang mga yumao sa pamilya nina nanay.

Matatagpuan ang Pampublikong Sementeryo ng Meycauayan sa Calvario. Hindi na rito tumatanggap pa ng mga bagong libing dahil sinasabing magkakaroon daw ng pagsasaayos sa sementeryo na ilang taon na ring napapabalita. Sa totoo lang, tama rin na huwag munang tumanggap ng mga bagong libing sapagkat nangangailangan na ng pagsasayos ang naturang himlayan. Makikitang ang mga nichong apartment type ay umaabot na sa ikawalo hanggang ikasiyam na palapag na kung titignan ay mapapansing walang naiwang pagkakakilanlan kung sino ba ang nakalibing doon. Ilan din sa mga nichong iyon ay tinubuan na ng mga puno ng balete na naging sanhi ng pagbibitak ng mga ito. Maputik din sa loob lalo na sa panahon ng tag-ulan at sa tuwing bumabagyo. Maswerte na lang at hindi ito nakalagay sa mababang lugar kaya hindi ito binabaha. Maraming mga nicho ang iniwang bukas matapos na ipa-exhume ang mga labi na marahil ay ililipat na ng bagong libingan sa ibang lugar upang hindi madamay sa pagsasaayos. Sa pangkalahatan, nakalulungkot ang kalagayan ng sementeryong ito. Nais man namin mailipat si tatay sa cementerio catolico, hindi pa namin ito maisagawa dahil kung magkakagayon, kailangan na maisama ang mga kapamilya niya.

Matagal nang nakatayo ang Cemeterio Catolico de Meycauayan. Panahon pa lamang ng mga Kastila, pinaglilibingan na ng mga yumaong katoliko ang sementeryong ito. Mayroon itong isang ermitang yari sa bato na nagsisilbing mortuary chapel noon na ipinagawa sa mga huling taon ng panunungkulan ni Fray Benito de Madridejos (1850-1852) bilang kura paroko. Maraming sinaunang nicho sa paligid ng kapilyang ito ngunit dahil sa pagsasaayos ng mga libing sila ay nawala at nasira. Napakaraming mga sinaunang libing na yari sa adobe ang wala na at napalitan na ng mga bagong gawang hollow blocks. May bakod na yari sa bato at isang tarangkahang yari sa bakal ang sementeryo na ipinagawa noong 1885. 


Ang pinakamatandang lapidang yari sa bato (1920’s) ay makikita sa likod ng bakod na ito ay pinangangambahang masira sapagkat nadamay ito sa pagpapataas at pagsesemento ng daan.  Talaga bang kinakailangan isakripisyo ang pamanang kultura upang mabigyang-daan ang pagsasaayos?








Sa nakaraang paggunita sa mga yumao, kitang-kita ang kawalan ng disiplina ng maraming mga Pilipino. Maingay sa sementeryo. Napakaraming naghuhuntahan tungkol sa mga buhay-buhay, patay man o buhay. Nagkalat ang basura. Walang basurahan sa mga sementeryo. Sa likuran nga namin ay may isang tumpok ng basura na kung titignang mabuti ay may mga tela at foam na mula sa ataul na gamit na. Iilan ang nagdarasal. Kaunti ang makikita mong nagrorosaryo o kaya ay nagsa-San Gregorio.

Marami akong hinahanap. Ngunit kung pakasusuriin, sa dami ng mga taong dumadalaw sa mga sementeryo kahapon, mabuti na ring isipin na nabubuklod pa rin ng pagpapahalaga sa pamilya ang mga Pilipino, patay man o buhay.

No comments:

Post a Comment