Showing posts with label Meycauayan. Show all posts
Showing posts with label Meycauayan. Show all posts

Thursday, October 16, 2014

TBT: Bahay ng mga Urrutia / Casa Meycauayan


Noong bata ako, mahilig akong mag-ikot sa kabayanan ng Meycauayan gamit ang bisikleta ng tatay ko. Pero hindi katulad ng ibang kabataan noon na simpleng paglilibang lang ang layunin ng pagbibisikleta ang aking pakay. Umiikot ako noon para malasin ang kung ano mang natitirang luma sa aking bayan. Nasunog ang malaking bahagi ng kabayanan noong 1949 kaya't ilan na lamang sa mga istrukturang nakatayo rito ang masasabing luma. 


Madalas akong napahihinto sa isang bloke sa kahabaan ng Provincial Road. May malaking bahay na lumang nakapagpapamangha sa akin sa tuwing madaraanan ko iyon. Sa wari ko, mas malaki ang bahay na ito kaysa sa bahay na luma sa likod ng simbahan. Nga lang, mukhang hindi na gaanong naaalagaan ang bahay dahil sa may mga bahaging sira na. 

Hindi makukumpleto ang pag-iikot kong iyon kung hindi ko nadaraanan ang bahay. Para bang isa itong itinerary sa isang package tour na kung hindi mapupuntahan ay sayang. Madalas ko pang nakukuwento sa nanay ko ang tungkol sa bahay, na para sa kanila ay pangit na dahil luma na raw. Gusto ko sanang sabihing kaya nga maganda kasi luma.

Nang matuntong ako sa hayskul, natigil ang aking pag-iikot dahil kailangang magbigay-tuon ako sa aking pag-aaral. Makalipas ang ilang taon matapos kong makatuntong sa kolehiyo muli akong sumakay ng bisikleta para mag-ikot. Sa pagpadyak ko ng mga pedal ng bisikleta ay naroon ang pananabik na muli kong makikita ang bahay, ngunit sa aking pagkagitla, ang matandang bahay na kinagigiliwan kong makita ay wala na sa dati niyong kinatitirikan. Wala na ang bahay na may magandang hagdanan sa labas. Wala na ang malalaking bintanang parating nakabukas sa tuwing dadaan ang prusisyon ng Biyernes Santo kung saan nakatanaw ang pamilyang tumutunghay sa kanilang Samaritana at Pagkabuhay. Wala na rin ang dahol ng clover na matagal-tagal na ring nakakabit sa may patsada ng bahay. Wala na. Para bang bahagi ng kabataan ko ang ngayon ay nawala na.

Sabi nila, hindi naman talaga orihinal na itinayo ang bahay sa Meycauayan. Binili lang daw ito ng pamilya ng mga Urrutia sa San Fernando, Pampanga noong dekada 50 saka itinayo sa Hulo. Ipinatayo raw ang bahay sa Pampanga noong 1913 ni Don Teodoro Escota. Kung bibilangin pala ay isang-daan at isang taon na ito ngayon. Katangian ng bahay na ito ang pagkakaroon ng magandang hagdan na nasa labas ng bahay, katangian ng mga matandang bahay na itinayo noong pagpasok ng ika-20 siglo. Tipikal na bahay na bato ang istruktura nito. Batong adobe ang bumubuo sa unang palapag samantalang kahoy naman sa itaas. Malamig daw sa loob nito dahil sa mga malalaking bintana, ventanilla at sa mga media aguas sa loob nito. Marahil ay masarap tumira doon kahit na tag-init sa Pilipinas.

Unti-unting giniba ang bahay matapos na ito ay ipagbili ng mga Urrutia kay Arch. Gerry Acuzar. Ngayon ay naitayo na ito Las Casas Filipinas de Acuzar sa Bagac, Bataan. Isa itong resort/theme park na ngayon ay isa nang tourist attraction sa lalawigan. 

Malayo-layo rin ang nalakbay ng bahay; mula sa San Fernando, sa Meycauayan at ngayon ay sa Bagac. Marahil ay pagod na rin siya. Mabuti na ring isipin na kahit paano ay naisaayos ang bahay at malamang doon na ito mananatiling nakatirik sa loob ng mahabang panahon. Magkakasya na lang ako sa pagtingin sa mga larawan nito sa internet. Hindi na kasi kayang pedalin ng bisikleta ko ang kalayuan ng Bagac para lang muli kong mamalas ang bahay na bagama't hindi akin ay bahagi ng aking makulay na kabataan.

16 Oktubre, 2014
Malinta, Lungsod ng Valenzuela

Thursday, August 22, 2013

Puente de Meycauayan: Ang Tulay sa Bayan



Kung ikaw ay isang Meycaueñong nakatira sa kabayanan, namamalengke sa MeyMart o kaya ay nagsisimba sa bayan, malamang ay nadaanan mo na ang tulay ng Meycauayan sa Poblacion. Sa iyong pagdaan sa tulay na ito, alam mo bang iba ang itsura nito noong panahon ng mga Espanyol?


Quarterly Bulletin Vol. 4, April 1, 1915 No. 1 p.16
Ang matandang tulay na yari sa bato sa Poblacion ay sinimulang gawin noong 1789 sa ilalim ng pamamahala ni R. P. Fr. Francisco Robles.[1] Bahagi ito ng mahabang daan na nag-uugnay sa Maynila na bumabagtas mula sa Plaza Goiti, Caloocan, Malabon, Polo, papasok sa Bulacan. Humigit-kumulang umabot sa P 1210.00 ang ginastos sa pagpapagawa ng tulay na ito; salaping mula sa mga mamamayan, sa pondo ng komunidad ng mga Franciscano at mula sa sariling bulsa ni Fray Robles.[2] Naipatayo ang nasabing tulay sa pamamagitan ng polo y sevicios o sapilitang paggawa.[3]

Ang tulay na ito ay may limang arko na may sukat na 6 na yarda ang bawat isa. Tinatayang 51.2 metro ang sukat ng tulay mula sa magkabilang dulo nito.[4]

Sa kasawiampalad, ang tulay na nasira dahil sa pagpapasabog ng mga pwersa ng USAFFE noong ika-31 ng Disyembre, 1941.[5] Pansamantalang nagpatayo ng tulay na kahoy upang maging daanan at mapakinabangan ang lumang tulay. Isang makabagong kongkretong tulay ang ipinalit sa lumang tulay matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. 

Noong dekada '70 sa paanan ng tulay sa gawing palengke ay nagbukas ang isang Floating Restaurant. Ito ay noong malinis at hindi pa mabaho ang ilog. Dahil sa industriya ng balatan at gintuan, lumaganap ang pagkalason ng ilog na nagdulot ng pagkalugi at pagsasara ng restaurant. Makalipas rin ang ilang dekada ay naging mahina ang tulay na ito kung kaya kinailangang gibain upang ipatayo ang tulay na nadaraanan natin sa kasalukuyan.

Sa ganitong panahon na bumabagyo at bumabaha sa kabayanan, ang tulay ng Meycauayan lamang ang lugar na hindi inaabot ng tubig-baha kung kaya maraming mga sasakyan ang dito ay pansamantalang humihimpil upang maiwasang malubog sa tubig ang kanilang mga makina. Pansamantalang nagiging palengke rin ito sa oras ng kalamidad kung saan nalulubog ang palengke.

Ilang taon na rin ang nakalilipas mula noong lagyan ito ng mga "grill" bilang pangharang upang maiwasan ang pagtatapon ng basura sa Ilog ng Meycauayan. Kung matututo lang sana ang mga tao rito na magpahalaga sa kasaysayan at kalikasan... 

22 Agosto, 2013
Lungsod ng Meycauayan



[1]Huerta, Fr. Felix, Estado geografico, topografico, estadistico, historico-religioso dela Santa y Apostolica Provincia de S. Gregorio Magno, Binondo: Imprenta de M. Sanchez y Compania 1865 p.72

[2] Ibid

[3] Dionisio, Ronaldo, NSPS San Francisco de Asis: Kasaysayan ng Buhay Pananampalataya ng Meycauayan, Guiguinto Printing Press, 2008 p. 12

[4] Quarterly Bulletin Vol. 4 April 1, 1915 No. 1, Bureau of Public Works, Manila p. 15


[5] Aklat Pag-alaala: Diwa, Buhay, Sining at Pagdiriwang ng Bayang Meycauayan sa Kanyang Ika-400 Taon

Saturday, May 4, 2013

Pagoda sa Meycauayan

Isa sa mga nananatiling masasayang pagpipista sa Lungsod ng Meycauayan ay ang Pista ng Mahal na Señor ng Liputan. Ang Liputan ay isang baranggay sa Meycauayan na nararating lamang sa pamamagitan ng bangka. Dahil sa isa itong pamayanang napaliligiran ng tubig, ang pangunahing hanapbuhay na pinagkakakitaan ng mga nakatira rito ay pangingisda. Isa ang Liputan sa mga baranggay na may maliit na bilang ng populasyon ngunit masasabing karamihan ng mga nakatira rito ay nakaririwasa sa buhay.

Sikat ang Liputan sa kabayanan ng Meycauayan dahil tuwing sasapit ang unang Linggo ng Mayo, sila ay nagpapagoda sa ilog. Dinadala nila sa kabayanan ang kanilang patron, ang imahen ng Santo Cristo na magiliw nilang tinatawag na Mahal na Señor, kasama ng iba pang mga imahen. Inilululan ito sa dalawang kasko na kinalalagyan ng isang pagodang yari sa bakal at ipinuprusisyon sa katubigan ng Ilog ng Meycauayan sa pagitan ng ika-8 hanggang ika-9 ng umaga. Noong mga unang panahon, ang mga kasko ay hinihila ng maliliit na bangka na tinatawag na "pituya".  Ito ay dumadaong sa punduhan ng mga huling isda sa palengke kung saan ay ibinababa nila rito ang mga pasahero ng pagoda kasama na rin ang mga imahen upang sila ay magprusisyon sa kabayanan. Dadalhin ang mga imahen sa simbahang malaki upang pagmisahan at pagkatapos ay ipuprusisyon muli sila sa kabayanan pabalik sa pagoda. Muling babalik ang lahat sa pagoda upang magprusisyon muli sa ilog pabalik ng Liputan. Pagbalik sa kanilang barrio, muli silang mapuprusisyon pabalik sa bisita. Kinagabihan, isang procesion solemne ang isinasagawa sa palibot ng barrio. Dahil maliit ang sukat ng lupa nila, sinasabing umiikot ang prusisyon nang pitong beses sa palibot ng barrio.

Ang pagpipistang ito ay hindi lamang nagpapatunay na may mga natatangi pang tradisyon ang lungsod kundi napapatunay na sa paglipas ng panahon, sa kabila ng mabilis na takbo ng panahon, may mga pamayanan pa rin na magiliw na ipinagpapatuloy ang tradisyong ipinamana sa kanila ng kanilang mga ninuno.

04 Mayo 2013
Lungsod ng Meycauayan

Wednesday, April 24, 2013

Provincia de Meycauayan?



Cronica ni Fray San Antonio

Siya nga, nabasa mo iyan nang tama sapagkat minsan, sa mga dahon ng kaysaysayan ay tinatawag na lalawigan ng Meycauayan ang Bulacan. Sa kasaysayan ng Bulacan, karaniwang batid ng marami na ang lalawigan ng Bulacan ay itinatag noong 1578 kasabay ng pagkakatatag ng bayan ng Bulakan na itinuturing din na una nitong cabecera. Ngunit ilan sa mga lumang aklat ang maaaring makapagpatunay sa katotohanang tinawag itong “provincia de Meycauayan” na kung saan ang “Pueblo de Meycauayan” ang siyang cabecera.

Sa aking paghahanap ng mga tala, una kong nakita ang aklat ni P. Felix Huerta, isang Franciscanong mula sa Espanya na dito sa Pilipinas namalagi. Ang aklat na ito ay pinamagatang Estado geográfico, topográfico, estadístico, histórico-religioso de la santa y apostólica provincia de S. Gregorio Magno. Inilalarawan sa kanyang aklat ang mga bayang itinatag ng mga Franciscano sa Pilipinas kasama na rin ang kasaysayan ng mga ito. Dahil ang Meycauayan ay isang bayang itinatag ng mga Franciscano, kasama ang kasaysayan nito sa aklat.

Ang Meycauayan ay kasama sa mga bayang itinatag ni Fray Juan de Plasencia at Fray Diego de Oropesa. Sang-ayon sa paglalarawan ni Huerta sa lalawigan ng Bulacan, sinimulan niya ito sa mga katagang “Esta provincia, llamada antiguamente de Meycauayan, por haber estado en el pueblo de este nombre la cabecera…” [1] Samantala, sa paglalarawan din niya sa pueblo de Meycauayan nabanggit din niya ang mga pariralang “antiguamente fue cabecera de provincia.” [2] Malamang may pinagbatayan si Padre Huerta sa kanyang isinulat yamang may mga naunang mga naisulat na hinggil sa kasaysayan ng Probinsya ng San Gregorio Magno sa Pilipinas. Ngunit hindi mapatutunayan ang sapantahang ito dahil sa hindi nakasulat sa nasabing akda kung saan kinuha niya ang ideyang ito.  

Sa aklat na Apuntes Interesantes Sobre de las Islas Filipinas, tinukoy ng may akda na sa pagkakatatag ng lalawigan ng Bulacan ay minsang naging kabisera nito ang bayan ng Meycauayan.[3] Sinusuportahan nito ang binanggit ni Padre Huerta sa naunang aklat na nabanggit.

Ayon naman kay Dr. Jaime Veneracion, nang dumating ang mga Espanyol sa Pilipinas, ang pinakapusod ng lalawigan noon ay ang Meycauayan kung saan nagmula ang iba pang mga bayan sa katimugang bahagi ng Bulacan. Binanggit din niya na sa kalagitnaan ng ikalabimpitong daang taon lamang  makikilala ang lalawigan bilang Bulacan na ipinangalan sa kanyang kabisera, ang bayan ng Bulakan. Ang ikalawang tinuran niyang ito ay ibinatay niya sa Errecion de Pueblo: Bulacan mula sa Pambansang Sinupan.[4]

Sa aking mga nasaliksik, ang pinakamahalaga at pinakamatandang tala na bumabanggit sa pagkalalawigan ng Meycauayan ay mula rin sa isang Franciscano, si Padre Juan Francisco de San Antonio sa kanyang pagsulat sa kasaysayan ng Probinsiya ni San Gregorio Magno. Binanggit sa talang ito na ang kabayanan ng Pueblo de Meycauayan ay inilipat sa bagong lugar mula sa dati nitong kinalalagyan dahil sa pananalanta ng isang mapaminsalang bagyo. Kaugnay nito, Sa kahilingan ni San Pedro Bautista sa pamamagitan ng noo'y ministro na si Fr. Antonio Nombela, ipinadala ni Dr. Santiago de Vera ang kanyang kalihim, si Gaspar de Azebo sa noo’y alcalde mayor ng “provincia de Meycauayan” (katumbas ng punong-lalawigan sa kasalukuyan) na si Christoval de Asqueta noong ika-16 ng Nobyembre, 1588. Ito ay upang siyasatin ang ilang mga usapin ukol sa paglilipat ng kabayanan at ang pagtatayo ng bagong simbahang bato para sa parokya ng Meycauayan.[5]

Nakatutuwang isipin na minsan sa mga pahina ng kasaysayan ay naging lalawigan ang Meycauayan. Ang katatotohanang ito ay nagpapatunay sa kadakilaan ng bayan at makapagbibigay-diing ang bayan ay hindi nagsimula bilang isang “sleepy town.” Ngunit nakalulungkot na ang katotohanang ito, na hindi mapasusubalian dahil sa mga patunay na nabanggit sa itaas, ay lingid sa kaalaman ng mga nakararaming Bulakenyo. Marahil ay natabunan ito dahil ang kasaysayan ng Bulacan sa pangkalahatan ay nakasentro sa Malolos dahil sa mahalagang papel na ginampanan nito sa rebolusyon. Sana’y unti-unti nang mabuo ang mga napilas na dahon ng kasaysayan ng dakilang lalawigan ng Bulacan.

24 Abril, 2013
Lungsod ng Meycauayan



[1] Huerta, Fr. Felix, Estado geográfico, topográfico, estadístico, histórico-religioso de la santa y apostólica provincia de S. Gregorio Magno. Imprenta de N. Sanchez, Binondo, Manila ; 1865 p 70.
[2] Ibid, p 71.
[3] Herrero, Casimiro, Apuntes interesantes sobre las islas Filipinas, Imprenta del el Pueblo, Madrid; 1869 p 79.
[4] Veneracion, Jaime, Kasaysayan ng Bulacan, BAKAS, Cologne, Germany, 1986 p 17.
[5] San Antonio, Juan Francisco de,  Chronicas de la apostolica provincia de S. Gregorio, Papa, el Magno ... de religiosos descalzos de N.S.P. Francisco en las Islas Philipinas, China, Japon &c: Parte segunda .... [Sampaloc (Manila)]: Impressa en la imprenta del uso de la propia Provincia, sita en el Co[n]vento de Nra. Señora de Loreto del pueblo de Sampaloc, extra-muros de la ciudad de Manila , 1741 p 316-319.

Monday, February 18, 2013

Pagbabalik-tanaw sa Pagdiriwang ng Ika-400 Taon ng Pagkakatatag ng Meycauayan noong 1978

Noong taong 1978, buong dingal na ipinagdiwang ng sambayanan ng bayan ng Meycauayan ang kanyang ika-400 taon ng Kristiyanisasyon at pagkakatatag. Sa buong taong iyon, punong-puno ng mga pagdiriwang at programa ang inilaan ng mga samahang panrelihiyon at sibiko. Ang pagdiriwang na ito ay pinamunuan na noo’y alkalde ng bayan, Kgg. Celso R. Legaspi at Msgr. Felix Sicat katulong ang iba pang mga nagbigay ng kanilang pagod at oras upang maging matagumpay ang nasabing Gawain.

Unang araw ng Enero, 1978 pinasinayaan ang taon sa pamamagitan ng isang pagtitipong ekumeniko upang magpasalamat sa Panginoon sa kanyang paggabay.  Pinangunahan ito ni Msgr. Felix Sicat (Katoliko), Msgr. Ricardo Ramos (Iglesia Filipina Independiente) at Reb Pastor Nathaniel Roque (Metodista). Kasunod ito isinagawa ang isang banal na misa sa pangunguna ni Obispo Leonardo Z. Legapi, OP na noo’y katulong na obispo ng Maynila. Sa buwan ito rin pinasinayaan ang Martsa ng Meycauayan sa pamamagitan ng pagpapatugtog nito sa mga sinehan at pagsasapubliko ng mga plaka upang mapakinggan ng madla.

Isang engrandeng parada ang isinagawa noong ika-27 ng Enero na nilahukan ng lahat ng sangay ng Pamahalaang Bayan, mga samahan at mga mamamayan ng Meycauayan.  Sa buwang ito rin binasbasan ang bagong tayong arkong pagsalubong (Welcome Arch) sa hangganan ng Marilao at Meycauayan.

Ika-3 ng Pebrero ng ganapin ang koronasyon ng Miss Meycauayan 78 kung saan isang motorcade ang isinagawa sa umaga bago ang pagsasagawa ng koronasyon. Ika-4 ng Pebrero nang magkaroon ng serenata sa Patio ng Simbahan na nilahukan ng 21 banda ng mga musiko.

Ika-5 ng Peberero ipinagdiwang ng sambayanang katoliko ang Pista ng bayan ng Meycauayan sa pamamagitan ng isang banal na misang pinangunahan ni Obispo Cirilo Almario at mga anak na pari ng Meycauayan. Sa gabi ay isang maringal na prusisyong sinamahan ng mga patron ng mga bayang dating sakop ng Meycauayan at mga patron ng baryo.

Ika-21 ng Abril nang pasinayaan ang Commemorative Stamp at First Day Issue ng Quadricentennial ng Meycauayan na pinangunahan ng Postmaster General Felizardo Tanabe.

Buwan-buwan, ibat-ibang mga pagdiriwang ang isinagawa bilang pag-aalaala sa pagkakatatag ng bayan. Bawat paaralan at ilang mga institusyon ay nagkaroon ng kani-kaniyang araw upang ipamalas ang angking husay ng mga mamamayan at mga mag-aaral. Ilang bayang anak ng Meycauayan din ang nagpalabas ng mga panoorin. Maraming mga samahan din ang naitatag sa panahong nagdiriwang ng quadricentennial ang bayan.

Sa paggunita sa araw ni Rizal, isinagawa muli ang isang malaking parade na nilahukan ng mga piling dilag ng Meycauayan. Yaong mga naging Reyna ng Rizal Day mula 1908 hanggang sa nagwagi ng Miss Meycauayan 1978 ay nasilayan ng madla sa pamamagitan ng isang motorcade.

Sa katapusan ng taon, ika-31 ng Disyembre, 1978 ay isang programa ang isinagawa ng Sangguniang Bayan at ng Parokya bilang pasasalamat sa magtatapos na taon. Pasasalamat at pag-asa na gagabayan pa rin ng Panginoon ang dakilang bayan sa mga susunod pang taon.

08 Pebrero, 2013
SMCM, Lungsod ng Meycauayan, Bulacan

Sunday, January 6, 2013

Paskong Bukid?

Mga magsasaka sa Meycauayan noong 1900's

Narinig na ba ninyo ang “Paskong Bukid?” Marahil ay alam nating lahat kung ano ang Pasko na para sa mga Pilipino ay katumbas ng Pasko ng Pagsilang (mayroon ding isang pang Pasko sa pagdiriwang ng simbahan, ang Pasko ng Pagkabuhay.) Noong ako ay nag-aaral ng hayskul sa isang pampublikong paaralan sa Marilao, nagtataka ako sa tuwing sasapit ang ika-6 ng Enero dahil kaunti lamang ang mga pumapasok na mga kamag-aral ko sa araw na iyon. Sa pag-uusisa kinabukasan, nabatid kong kaya pala sila liban sa klase ay namasko sila dahil Paskong Bukid daw sa kanila. Ngunit ano nga ba ang “Paskong Bukid?” Iba pa ba ito sa Pasko ng Pagsilang na ipinagdiriwang ng mga Katoliko?

Ipinagdiriwang ng mga magsasaka sa Gitnang Kapatagan ng Luzon ang Paskong Bukid tuwing ika-6 ng Enero, sa Kapistahan ng Tatlong Hari sa lumang kalendaryo ng simbahan. Sa mga lumang Almanaque o kalendaryo, ang ika-6 ng Enero ay “Fiesta de Precepto. (Fiesta) de la Epifania del Señor y la Adoracion delos Santos Reyes Baltazar, Melchor y Gaspar.” Pistang Pangngilin. Ang Pagpapakita ng Banal na Sanggol at ang Pagdalaw ng mga Banal na Pantas na si Melchor, Gaspar at Baltazar. Paskong Bukid ito kung tawagin sapagkat tanging mga taga-bukid lamang ang nagsasagawa nito. Hindi ako pamilyar noon sa pagdiriwang na ito sapagkat ako ay lumaki sa kabayanan ng Meycauayan na malapit sa mga pangisdaan. Sa pangkalahatan, ang Meycauayan ay nahahati sa dalawang bahagi: ang Kabayanan na malapit sa Ilog Meycauayan at mga palaisdaan at ang Bukid na bahaging palayan. Pero bakit nga ba may Paskong Bukid sila?

Sa kasaysayan ng pagsilang ni Jesukristo, ibinalita ng mga kawan ng anghel sa mga pastol ang magandang balita na dumatal na sa daigdig ang kaligtasan. Ang mga pastol na ito ang siyang unang nakatunghal sa Sanggol sa sabsaban. Sila ang unang bumisita sa Banal na Mag-anak nina Jesus, Maria at Jose sa Bethlehem. Ang mga magsasaka, na ang ilan din ay nag-aalaga o nagpapastol ng mga hayop, ay tinitingalang mapalad ang mga pastol na pinagbalitaan ng magandang balita ng anghel. Dahil dito, ipinalalagay nila na sa kabila ng kanilang abang kalagayan, pinili pa rin ng Diyos na magpakita sa mga pastol. Dahil wala naming nagpapastol ng tupa sa Pilipinas, itinuturing ng mga magsasaka na ang kanilang maralita ngunit marangal na pamumuhay ay masasalamin sa mga pastol na ito. Sa kanilang hanay, bagamat sila’y aba, unang sumilay ang kaligtasan. Sapat na dahilan upang ipagdiwang nila nang may higit na pag-aalab ng kanilang mga damdamin ang Pista ng pagpapakita ng Panginoon.

Nakatutuwang isipin na sa kabila ng pagbabago sa Liturhiya ng Simbahang Katoliko kung saan hindi na itinituring na pistang pangngilin ang ika-6 ng Enero at inilipat na ang Kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon sa unang Linggo ng Enero, buhay pa rin ang pagdiriwang ng Paskong Bukid sa Meycauayan. Kahit na napasok na ng iba-ibang mga relihiyon at sekta ang bahanging ito ng bayan, marami pa rin ang naghahanda ng pagkaing tulad ng sa Paskong Tunay. Maririnig pa rin ang walang-humpay na sagitsit ng mantika sa mga pinipirito sa kusina o likod-bahay. Nawala man ang pagsisibak ng kahoy na ipariringas sa kalang mga kawa ang pinaglulutuan, nariyan pa rin ang mga tagapagluto ng pamilya na walang sawang niluluto ang espesyal na putahe ng kanilang angkan. Nagbibihis pa rin ng mga bagong damit ang mga bata at dumadalaw sa mga magkakamag-anak na kung minsan ay umaasang makakukubra pa ng mga pamasko sa mga hindi pa nila napupuntahan noong nakaraang ika-25 ng Disyembre. Masarap pagnilayan na kahit na mabilis ang modernisasyon sa bahaging ito ng Meycauayan dahil sa pagsulpot ng mga pabrika at pagawaan, hindi pa rin namamatay ang tradisyong ito. Tradisyong nagpapaalala na ang kaligtasan ay makakamit ng kahit na pinakapayak sa ating lahat.

06 Enero, 2013
Lungsod ng Meycauayan