Showing posts with label Diocese of Malolos. Show all posts
Showing posts with label Diocese of Malolos. Show all posts

Monday, April 22, 2013

Pista ng Bisitang Matanda ng Marilao


Larawan ng isinaayos na "Bisitang Matanda"
      Tuwing sasapit ang buwan ng Abril sa Marilao, matapos ang pagluluksa ng sambayanan sa kalilipas pa lamang na Semana Santa at ang pagsasaya ng madla sa katatapos pa lamang na Pasko ng Pagkabuhay, pinakaaabangan ng mga taga-Poblacion ang pagdiriwang ng Pista ng Bisitang Matanda. Isa itong bisitang itinuturing ng mga Marileño na duyan ng kanilang pananampalatayang Katoliko sapagkat dito sa bisitang ito, ipinunla ng mga frayleng Franciscano ang sambayanan ng Diyos bago pa mang ang bayan ng Marilao ay nagsarili mula sa Meycauayan. Sinasabing ang lugar na kinatatayuan ng matandang bisita ang tinatawag noon na “Tawiran” na kung saan nakadambana ang imahen ng Santo Cristo na tinatawag ng maraming “Mahal na Señor.” Limampung taon matapos na maitayo ang matandang bisita, sa panahong nagsarili ang bayan, dahil na rin sa kaliitan ang bisita at sa lumalagong pangangailangang pangkaluluwa ng mga taga-Marilao kung kaya nagpasya silang ilipat ang lugar na katatayuan ng bagong simbahang kalalagyan ng kanilang bagong patron, si San Miguel Arcangel. Taong 1796 nang pormal na maitatag ang Pueblo de Marilao.

Opisyal na Replika ng Mahal na Señor
     Ang imahen ng Mahal na Señor sa Bisitang Matanda ay isa sa mga natatanging yaman ng Bayan ng Marilao. Isa itong krusipiho na may kakaibang paglalarawan sa paghihirap ng ating Panginoong Jesus. Ang krusipiho ay nagpapakita kay Jesus na agaw-buhay na nakabayubay sa krus habang ang isang anghel, dala-dala ang isang kalis, ay matamang nakaantabay upang sahurin ang pagpatak ng Kanyang Mahal na Dugo. Iilan lamang sa Pilipinas ang may ganitong paglalarawan sa Mahal na Señor kaya gayon na lamang ang pagmamalaki ng mga taga-Marilao rito.









Salinan ng Krus
      Mayaman sa tradisyon ang pagdiriwang ng pista ng Bisitang Matanda. Pinagdiriwang ito tuwing ikatlong linggo matapos ang Pasko ng Pagkabuhay. Ang kapistahang ito, na bukod sa pistang bayan, ay tila isang bato-balaning humahatak pabalik sa mga dating Marileñong naninirahan na sa ibang mga bayan at lungsod upang mamintuho at makipista. Sa taong ito ng kanilang pagpipista, bukod sa isang Hermano Mayor na nangangasiwa sa mga gawaing may kinalaman sa pagpipista, mayroong siyamnapung hermanos mayores ang nagtutulong-tulong na itaguyod ang kapistahan. Bawat isang hermano ay nag-aalaga ng maliit na krus na ipinasa sa kanila ng noong nakaraang pista. Buong taong mamalagi sa kanila ang krus na kanila naman isasalin sa susunod na hermano sa araw ng kapistahan. Tinatawag nila itong “Salinan ng Krus” na isinasagawa matapos ang misa sa gabi. 

     Pagtapos ng salinan na tumatagal ng isang oras dahil na rin sa dami ng mga sasalinan, isa-isa nang dumarating ang maliliit na batang babaeng nakasuot ng magagandang damit upang iprusisyon ang mga maliliit na krus. Sila ay karaniwang kaanak ng mga hermano na kakatawan sa kanila upang ilibot sa kabayanan ang krus na kanilang inalagaan kasabay ng paglabas ng mahimalang larawan ng Mahal na Señor. Matapos ang prusisyon, karaniwan nang nagkakaroon ng salu-salo sa tahanan ng mga heramano bilang pasasalamat sa pagpapalang tinamo nila sa buong taon.

     Nakatutuwang isipin na bagamat nagsarili na ang Marilao bilang isang parokya, dalawang daan at labimpitong taon na ang nakalilipas, ang pagpipista sa Bisitang Matanda, na siyang tulay na nagkakawing sa kasaysayan ng mga bayan ng Marilao at Meycauayan ay hindi pa rin nalilimutan. Patunay ito ng malapit na ugnayang nagdurugtong sa dalawang bayan.

22 Abril, 2013
Lungsod ng Meycauayan

Monday, February 18, 2013

Pagbabalik-tanaw sa Pagdiriwang ng Ika-400 Taon ng Pagkakatatag ng Meycauayan noong 1978

Noong taong 1978, buong dingal na ipinagdiwang ng sambayanan ng bayan ng Meycauayan ang kanyang ika-400 taon ng Kristiyanisasyon at pagkakatatag. Sa buong taong iyon, punong-puno ng mga pagdiriwang at programa ang inilaan ng mga samahang panrelihiyon at sibiko. Ang pagdiriwang na ito ay pinamunuan na noo’y alkalde ng bayan, Kgg. Celso R. Legaspi at Msgr. Felix Sicat katulong ang iba pang mga nagbigay ng kanilang pagod at oras upang maging matagumpay ang nasabing Gawain.

Unang araw ng Enero, 1978 pinasinayaan ang taon sa pamamagitan ng isang pagtitipong ekumeniko upang magpasalamat sa Panginoon sa kanyang paggabay.  Pinangunahan ito ni Msgr. Felix Sicat (Katoliko), Msgr. Ricardo Ramos (Iglesia Filipina Independiente) at Reb Pastor Nathaniel Roque (Metodista). Kasunod ito isinagawa ang isang banal na misa sa pangunguna ni Obispo Leonardo Z. Legapi, OP na noo’y katulong na obispo ng Maynila. Sa buwan ito rin pinasinayaan ang Martsa ng Meycauayan sa pamamagitan ng pagpapatugtog nito sa mga sinehan at pagsasapubliko ng mga plaka upang mapakinggan ng madla.

Isang engrandeng parada ang isinagawa noong ika-27 ng Enero na nilahukan ng lahat ng sangay ng Pamahalaang Bayan, mga samahan at mga mamamayan ng Meycauayan.  Sa buwang ito rin binasbasan ang bagong tayong arkong pagsalubong (Welcome Arch) sa hangganan ng Marilao at Meycauayan.

Ika-3 ng Pebrero ng ganapin ang koronasyon ng Miss Meycauayan 78 kung saan isang motorcade ang isinagawa sa umaga bago ang pagsasagawa ng koronasyon. Ika-4 ng Pebrero nang magkaroon ng serenata sa Patio ng Simbahan na nilahukan ng 21 banda ng mga musiko.

Ika-5 ng Peberero ipinagdiwang ng sambayanang katoliko ang Pista ng bayan ng Meycauayan sa pamamagitan ng isang banal na misang pinangunahan ni Obispo Cirilo Almario at mga anak na pari ng Meycauayan. Sa gabi ay isang maringal na prusisyong sinamahan ng mga patron ng mga bayang dating sakop ng Meycauayan at mga patron ng baryo.

Ika-21 ng Abril nang pasinayaan ang Commemorative Stamp at First Day Issue ng Quadricentennial ng Meycauayan na pinangunahan ng Postmaster General Felizardo Tanabe.

Buwan-buwan, ibat-ibang mga pagdiriwang ang isinagawa bilang pag-aalaala sa pagkakatatag ng bayan. Bawat paaralan at ilang mga institusyon ay nagkaroon ng kani-kaniyang araw upang ipamalas ang angking husay ng mga mamamayan at mga mag-aaral. Ilang bayang anak ng Meycauayan din ang nagpalabas ng mga panoorin. Maraming mga samahan din ang naitatag sa panahong nagdiriwang ng quadricentennial ang bayan.

Sa paggunita sa araw ni Rizal, isinagawa muli ang isang malaking parade na nilahukan ng mga piling dilag ng Meycauayan. Yaong mga naging Reyna ng Rizal Day mula 1908 hanggang sa nagwagi ng Miss Meycauayan 1978 ay nasilayan ng madla sa pamamagitan ng isang motorcade.

Sa katapusan ng taon, ika-31 ng Disyembre, 1978 ay isang programa ang isinagawa ng Sangguniang Bayan at ng Parokya bilang pasasalamat sa magtatapos na taon. Pasasalamat at pag-asa na gagabayan pa rin ng Panginoon ang dakilang bayan sa mga susunod pang taon.

08 Pebrero, 2013
SMCM, Lungsod ng Meycauayan, Bulacan

Thursday, October 18, 2012

Sa araw na ito...

Ika-18 ng Oktubre, 1973, itinalaga ang Lubhang Kagalang-galang Cirilo R. Almario, Jr., D. D. bilang Obispo Titular ng Zaba at Katulong na  Obispo (coadjutor bishop) ng Diyosesis ng Malolos sa Katedral ng Lipa, Batangas.

Si Obispo Cirilo ay ipinanganak sa Caridad, Lungsod ng Cavite noong ika-11 ng Enero, 1931 at inordinahang pari noong Ika-30 ng Nobyembre, 1956 sa Maynila. Humalili siya kay Obispo Manuel Del Rosario, ang kauna-unahang obispo ng Diyosesis ng Malolos. Pansamantala namalagi si Obispo Cirilo sa bagong kumbento ng Parokya ni San Idefonso ng Toledo sa Guiguinto at nanatili doon sa loob ng tatlong taon matapos ang pagpapagawa ng kumbento ng Katedral ng Malolos na siyang magiging Palasyo ng Obispo. Ilan sa mga posisyong kanyang hinawakan ay ang mga sumusunod: Kalihim ng Kapulungan ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas (CBCP) mula 1976-1981, puno ng CBCP Public Affairs Committee and CBCP Commission on Biblical Apostolate. Naging punong abala siya sa paghahanda sa kauna-unahang pagbisita ng Santo Papa, Beato Juan Pablo II noong 1981. Bumaba sa tungkulin at naging Obispo Emerito ng Malolos noong ika-20 ng Enero, 1996. Kasalukuyang namamalagi sa kumbento ng mga madre ng Religious Catechists of Mary na kanyang itinatag.