Monday, July 22, 2013

Uhaw ang Tigang na Lupa ni Liwayway Arceo



Ilang gabi nang ako ang kapiling niya sa higaan. Tila musmos akong dumarama sa init ng kanyang dibdib at nakikinig sa pintig ng kanyang puso. Ngunit, patuloy akong nagtataka sa malalim na paghinga niya, sa kanyang malungkot na pagtitig sa lahat ng bagay, paghikbi...Ilang araw ko nang hindi nadadalaw ang aklatan: ilang araw ko nang hindi nasasalamin ang isang larawang mahal sa akin: bilugang mukha, malapad na noo, hati-sa-kaliwang buhok, singkit na mga mata, hindi katangusang ilong, mga labing duyan ng isang ngiting puspos-kasiyahan...Sa kanya ang aking noo at mga mata. Ang aking hawas na mukha, ilong na kawangki ng tuka ng isang loro, at maninipis na labi, ay kay Ina...Si Ina ay hindi palakibo: siya ay babaing bilang at sukat ang pangungusap. Hindi niya ako inuutusan. Bihira siyang magalit sa akin at kung nagkakagayon ay maikli ang kanyang pananalita: Lumigkit ka!...At kailangang ‘di ko makita. Kailangang ‘di ko masaksihan ang kikislap na poot sa kanyang mga mata. Kailangang ‘di ko namamalas ang pagkagat niya sa kanyang labi. Kailangang ‘di ko na makita ang panginginig ng kanyang mga daliri. Ito rin ang katumbas ng kanyang mariing huwag kung mayroon siyang ipinagbabawal. Ang ngiti ni Ina ay patak ng ulan kung tag-araw: ang bata kong puso ay tigang na lupang uhaw na uhaw...Minsan man ay hindi ko narinig na may pinagkagalitan sila ni Ama bagama’t hindi ko mapaniwalaang may magkabiyak ng pusong hindi nagkakahinampuhan. Marahil ay sapagkat kapwa sila may hawak na kainawaan: ang pagbibigayan sa isa’t isa ay hindi nalilimot kailanman.Kung gabi ay hinahanap ko ang kaaliwang idinudulot ng isang amang nagsasalaysay tungkol sa mga kapre at nuno at tungkol sa magagandang ada at prinsesa; ng isang nagmamasid at nakangiting ina; ng isang pulutong ng nakikinig na magaganda at masasayang bata.Ngunit, sa halip niyon ay minalas ko si Ama sa kanyang pagsusulat; sa kanyang pagmamakinilya; sa kanyang pagbabasa. Minamasdan ko kung paano niya pinapakunot ang kanyang noo; kung paano niya ibinubuga ang asong nagbubuhat sa kanyang tabako; kung paano siya titingin sa akin na tila may hinahanap; kung paano niya ipipikit ang kanyang mga mata; kung paano siya magpapatuloy sa pagsulat...Si Ina ay isang magandang tanawin kung nanunulsi ng mga punit na damit; kung nag-aayos ng mga uhales at nagkakabit ng mga butones sa mga damit ni Ama. Sa kanyang pagbuburda ng aking mga kamison at panyolito – sa galaw ng kanyang mga daliri – ay natutunghayan ko ang isang kapana-panabik na kuwento. Ngunit, ang pananabik na ito’y napapawi.Kabagut-bagot ang aking pag-iisa at ako ay naghahanap ng kasama sa bahay:isang batang marahil ay nasa kanyang kasinungalingang gulang o isang saggol na kalugud-lugod, may ngiti ng kawalang-malay, mabango ang hininga, may maliit na paa at kamay na nakatutuwang pisilin, may mga pisngi at labing walang bahid-kasalanan at kasiya-siyang hagkan, o isang kapatid na kahulihan ng gulang, isang maaaring maging katapatan...Sakali mang hindi nagkagalit si Ina at Ama, o kung nagkakagalit man ay sadyanghindi ipinamamalay sa akin, ay hinahanap ko rin ang magiliw na palitan ng mga titig, ng mga ngiti, ng mga biruan. Sapat na ang isang tuyot na aalis na ako sa pagpapaalam ni Ama. Sapat na ang naningil na ang maniningil sa ilaw o sa tubig o sa telepono upang sakupin angpanahong itatagal ng isang hapunan. Sapat na panakaw sa sulyap ni Ama upang ipadamang may naririnig siya.Mabibilang sa mga daliri ng aking dalawang kamay kung makailan kaming nagpasyal: Si Ama, si Ina at ako. Malimit na ako ang kasama ni Ina; hindi ko nakitang sinarili nila ang pag-aaliw.Inuumaga man si Ama sa pag-uwi kung minsan ay hindi ko kinapapansinan ng kakaibang kilos si Ina. Nahihiga rin siya pagdating ng mga sandali ng pamamahinga at kung nakatutulog siya o hindi ay hindi ko matiyak. Marahil ay ito ang tunay na madarama ng kataling-puso ng isang taong inaangkin ng madla...Ngunit, walang pagsisisi sa kanyang tinig. Ilang taon na ngayon ang nakaraan nang minsang may ibinalik na aklat ang aming tagapaglaba: yaon daw ay nakuha niya sa isang lukbutan ng amerikana ni Ama. Ibinigay ko yaon kay Ina: yaon daw ay talaarawan ni Ama.Kinabukasan ay may bakas ng luha ang mga mata ni Ina. Kapansin-pansin ang lalo niyang hindi pagkibo buhat noon. Lalo siyang naging malungkot sa aking paningin. Ano ang nasa isang talaarawan? Lasing na lasing si Ama. Karaniwan nang umuuwing lasing si Ama ngunit, kakaibaang kalasingan niya ngayong gabi. Hinihilamusan siya ni Ina ng malahiningang tsaa, ngunit wala itong naibigay na ginhawa.Hindi rin kumikibo si Ina: nasa mga mata niya ang hindi maipahayag na pagtutol
Sapagkat may isusulat ako...sapagkat ikamamatay ko ang pighating ito...sapagkat...sapagkat...sapagkat... Idinaraing ngayon ni Ama ang kanyang dibdib at ulo: hindi raw siya makahingang mabuti.Marahil ay may sipon ka, ani ina. Sinisinat ka nga.Isang panyolitong basa ng malamig na tubig ang itinali ko sa ulo ni Ama. Wala siyang tutol sa aking ginagawa. Sinusundan niya ng tingin ang bawat kilos ko.Ang kanyang mga bisig, buhat sa siko hanggang sa palad, at ang kanyang binti,buhat sa tuhod hanggang sa mga talampakan, ay makailan kong binuhusan ng tubig na mainit na inakala kong matatagalan niya – tubig na pinaglagaan ng mga dahon ng alagaw. Kinulob ko siya ng makakapal na kumot matapos na inumin niya ang ibinigay kong mainit na tubig na pinigaan ng kalamansi.Nakangiti si Ama: Manggagamot pala ang aking dalaga!Sinuklian ko ng isang mahinang halakhak ang ngiti niyang yaon: hindi ako dating binibiro ni Ama.Sana’y ako si ina sa mga sandaling yaon: sana’y lalo kong ituturing na mahalagaang nadarama kong kasiyahan...Nabigo ako sa aking pag-asa: nakaratay nang may ilang araw si Ama. Halos hindi siya hinihiwalayan ni Ina: sa ilalim ng kanyang mga mata ay may mababakas na namang maiitim na guhit.Anang manggagamot ay gagawin niya ang lahat ng kanyang makakaya. Ngunit,ayaw niyang ipagtapat sa akin ang karamdaman ni Ama. Ipinaayos ngayon ni Ama ang kanyang hapag. Nililinis ko ang kanyang makinilya.Idinikit ko ang kagugupit na kuwentong kalalathala pa lamang. Pinagsama-sama ko ang mga papel sa kanyang mga kahon. Ang pang-ilalim na kahon ng kanyang hapag ay nagbigay sa akin ng hindi gagaanong pagtataka: may isang kahitang pelus na rosas at isang salansan ng mga liham. Maliliit at mga bilugang titik bughaw na tinta sa pangalan ni Ama sa kanyang tanggapan ang mga nasa sobre.Ang larawan sa kahitang pelus ay hindi yaong hawas na mukha, may ilong nakawangki ng tuka ng isang loro, maninipis na labi. Sa likod niyon ay nasusulat sa maliliit at bilugang mga titik sa bughaw na tinta: Sapagkat ako’y hindi makalimot...
Ang larawan ay walang lagda ngunit nadama ko ang biglang pagkapoot sa kanya at sa mga sandaling yaon ay natutuhan ko ang maghinanakit kay Ama. Bakit sa panahong ito lamang tayo pinaglapit ng pangyayari? Higit marahil ang aking katiwasayan kung hindi ka dumating sa aking buhay, bagamat hindi ko rin marahil matitiis na hindi maipagpalit ang aking kasiyahan sa isang pusong nagmamahal. Totoong ang kalagayan ng tao sa buhay ang malimit maging sagwil sa kanyang kaligayahan...Naiwan na natin ang gulang ng kapusukan; hindi na tayo maaaring dayain ng ating nadarama. Ngunit, nakapagitan sa atin ngayon ang isang malawak na katotohanang pumipigil sa kaligayahan ang hindi natin maisakatuparan ay buhayin na lamang natin sa alaala. Panatilihin na lamang natin sa diwa ang katamisan ng isang pangarap; sana’y huwag tayong magising sa katotohanan...Nakita ko siya kagabi sa panaginip; sinusumbatan niya ako. Ngunit, hindi ko balak ang magwasak ng isang tahanan. Hindi ko maatim na magnakaw ng kanyang kaligayahan; hindi ko mapababayaang lumuha siya dahil sa akin. Ang sino mang bahagi ng iyong buhay ay mahal sa akin; ang mahal sa akin ay hindi ko maaaring paluhain...Ang pag-ibig na ito’y isang dulang ako ang gumaganap ng pangunahing tauhan;sapagkat ako ang nagsimula ay ako ang magbibigay-wakas. Ipalagay mo nang ako’y nasimulang tugtuging nararapat tapusin. Gawin mo akong isang pangarap na naglalaho pagkagising. Tulungan mo akong pumawi sa kalungkutang itong halos pumatay sa akin...Ngunit, bakit napakahirap ang lumimot?Nadama ko ang kamay ni Ina sa aking kanang balikat: noon ko lamang namalayan na may pumasok sa aklatan. Nakita niya ang larawang nasa kahitang pelus na rosas. Natunghan niya ang mga liham na nagkalat sa hapag ni Ama.Si Ina ay dumating at lumisang walang binitiwang kataga. Ngunit, sa kanyang paglisan ay muling binati ng kanyang palad ang aking balikat at nadarama ko paang salat ng kanyang mag daliri; ang init ng mga iyo, ang bigat ng kanilang pagkakadantay...Ang katahimikang namagitan sa amin ni Ina ay hindi pa napapawi. Iniiwasan ko ngayon ang pagsasalubong ng aming mga titig; hindi ko matagalan ang kalungkutang nababasa ko sa mga paninging yaon. Hiningi ni Ama ang kanyang panulat at aklat-talaan. Nguni, nang mapaniwala ko siyang masama sa kanyang ang bumangon ay kanyang sinasabi: Ngayon ay ang aking anak ang susulat nang ukol sa atin...At sa anya’y isang dalubhasang kamay ang uukit niyon sa itim na marmol. Ngunit, hindi ko maisatitik ang pagtutol na halos ay pumugto sa aking paghinga.Nasa kalamigan ng lupa ang kaluwalhatian ko!Kailanman ay hindi ko aangkining likha ng aking mga daliri ang ilang salitang ito. Huwag kang palilinlang sa simbuyo ng iyong kalooban; ang unang tibok ng puso ay hindi pag-ibig sa tuwina...Halos kasinggulang mo ako nang pagtaliin ang mga puso namin ng iyong Ina...Mura pang lubha ang labingwalang taon...Huwag ikaw ang magbigay sa iyong sarili ng mga kalungkutang magpapahirap sa iyo habang-buhay...Muli kong nadama ang tibay ng buhol na nag-uugnay ng damdamin ni Ama sa akin.Kinatatakutan ko na ang malimit na pagkawala ng diwa ni Ama.Si Ina ay patuloy sa kanyang hindi pagkibo sa akin, patuloy sa kanyang hindi pag-idlip, patuloy sa kanyang pagluha kung walang makakita sa kanya...Ang kanang kamay ni Ina ay idinantay sa noo ni Ama at ang pagtatanan ng isang nais tumakas na damdamin sa kanyang dibdib ay tinimpi ng pagdadaop ng kanyang ngipin sa labi.Naupo siya sa gilid ng higaan ni Ama at ang kaliwang kamay nito ay kinulong niya sa kanyang mga palad.Magaling na ako, mahal ko...magaling na ako...sa muli mong pagparito ay sabihin mo sa akin kung saan tayo maaaring tumungo...ang moog na itong kinabibilangguan ko’y aking wawasakin...sa ano mang paraan...sa ano mang paraan...Ang malabubog na tubig na bumabakod sa mga pangingin ni Ina ay nabasag at ilang butil niya ang pumatak sa bisig ni Ama. Mabibigat na talukap ang pinilt na iminulat ni Ama at sa pagtatagpo ng mga titig nila ay gumuhit sa nanunuyo niyang labi ang isang ngiting punong-puno ng pagbasa. Muling nalapat ang mga durungawang yaon ng isang kaluluwa at hindi niya namasid ang mga matang binabalungan ng luha: ang mga salamin ng pagdaramdam na    di mabigkas .  Nasa mga palad pa rin ni ina ang kaliwang kamay ni ama: sabihin mo mahal ko, na maaangkin ko na ang kaligayahan ko…Kinagat ni ina nang mariin ang kanyang labi at nang siya’y mangusap ay hindi ko maamin kay ina ang tinig na yaon...Maangkin mo na, mahal ko!  Ang init ng mga labi ni ina ang kasabay ng kapayapaang nananahan sa mga labi ni ama at nasa mga mata man niya ang ilaw ng pagkabigo sa pagdurugtong sa isang buhay na wala nang luhang dumadaloy sa mga iyon: natitiyak niya ang kasiyahang nadama ng kalilisang kaluluwa…

Saturday, July 13, 2013

Tungkol sa Katamaran ng mga Pilipino ayon kay Dr. Jose P. Rizal

 (Ang matutunghayan ay isang lagom sa Tagalog ng sanaysay na “Sobre de la Indolencia de los Filipinos,” na nalathala sa La Solidaridad mula noong Hulyo 15 hanggang Setyembre 15, 1890. Ang sanaysay na ito’y isinulat ni Rizal sa ikalawang pagtungo niya sa Europa. Isinulat niya ito bilang tugon sa paulit-ulit na upasala sa mga Pilipino na sila’y mga tamad. Ang upasalang ito’y hindi tinutulan ni Jose Rizal sa kaniyang sanaysay. Manapa’y inamin nga niya ang pag-aangkin ng katamaran ng kaniyang mga kababayan. At sa pag-amin niyang iyan ay nagbigay siya ng mga matuwid kung bakit ang mga Pilipino ay masasabi ngang tamad. Narito ang kaniyang mga matuwid.

                Ang pangunahing sanhi ay ang mainit na singaw ng panahon. Kahit na ang mga banyagang nandarayuhan sa Pilipinas buhat sa mga bayang malamig ang klima ay nagiging tamad pagdating dito at ayaw humawak ng mabibigat na gawain. Sa bayang mainit ang panahon, kahit hindi kumilos ang isang tao, siya’y pinagpapawisan at hindi mapalagay. Wika pa ni Rizal: Ang mga Europeong naninirahan sa Pilipinas ay nangangailangan pa ng mga tagapaypay at tagahugot ng sapatos, at hindi nagsisipaglakad kundi laging lulan ng kanilang karwahe, gayong masasarap ang kanilang kinakain at ginhawa ang kanilang kabuhayan. Sila’y malaya, ang bunga ng kanilang mga pagsisikap ay para sa kanilang sarili, may pag-asa sa kinabukasan, at iginagalang ng madla. Ang abang katutubo, ang tamad na katutubo ay kulang sa pagkain, walang inaasahan sa araw ng bukas, ang bunga ng kanilang pagod ay sa iba napupunta, at kinukuha sila sa paggawang sapilitan.

                Sinasabing ang mga Europeo ay nahihirapan sa mga bayang mainit ang singaw ng panahon palibhasa’y hindi sila hirati sa gayong klima, kaya’t karampatan lamang na dulutan sila ng balanang makapagpapaginhawa sa kanilang kalagayan. Datapuwa’t ang wika nga ni Rizal, ang isang tao’y maaaring mabuhay kahit saan kung sisikapin lamang niyang ibagay ang kanyang sarili sa hinihingi ng pangangailangan.

                Ang sikap at pagkukusa ay nawala sa mga Pilipino dahil din sa kagagawan ng mga Kastila. Ang mga Pilipino, nang bago dumating ang mga Kastila ay ginhawa sa kanilang kabuhayan, nakikipagkalakalan sila sa Tsina at iba pang mga bansa, at hinaharap nila ang pagsasaka, pagmamanukan, paghabi ng damit at iba pa. Kaya’t mapagkikilalang nang wala pa rito ang mga Kastila, ang mga Pilipino bagaman ang mga pangangailangan nila’y hindi naman marami, ay hindi mga mapagpabayang gaya ngayon.

                Ang lahat ng industriya at pati na ang pagsasaka ay napabayaan sapagkat ang mga Pilipino’y hindi makapagtanggol laban sa pananalakay ng mga mandarambong buhat sa Mindanaw at Sulu. Paano’y ayaw pahintulutang makapag-ingat ng mga baril at iba pang sandata ang mga Pilipinong naiiwan sa bayan habang ang iba’y wala at kasama sa mga pandarayuhang walang kabuluhan. Nang panahon ng Kastila’y maraming digma at kaguluhan sa loob ng bayan at maraming ipinapapatay. Isinalaysay ni Rizal ang nangyari sa isang pulong malapit sa Sebu, na halos nawalan ng tao sapagkat madaling nangabihag ng mga piratang buhat sa Sulu palibhasa’y walang sukat maipananggol sa sarili.

                Ang pagsasaka’y napabayaan dahil pa rin sa sapilitang paggawa na ipinatutupad ng pamahalaan. Dahil sa maraming pandarayuhang ginagawa ng mga Kastila, kailangan ang walang tigil na paggawa ng mga barko, kaya’t maraming Pilipino ang pinapagpuputol nila ng mga kahoy sa gubat upang magamit. Wala tuloy katiyakan ang kabuhayan ng mga tao kaya’t naging mga mapagpabaya. Tungkol dito’y sinipi ni Rizal si Morga na nagsabi (sa kanyang Sucesos) na halos nakalimutan na ng mga katutubo ang pagsasaka, pagmamanukan, ang paghabi, na dati nilang ginagawa noong sila’y mga pagano pa hanggang sa mga ilang taon pa pagkatapos ng pagsakop. Iyan ang naging bunga ng tatlumpu’t dalawang taon ng sapilitang paggawa na ipinataw sa mga Pilipino.

                Ang pamahalaa’y walang dulot na pampasigla upang ang mga tao ay mahikayat na gumawa. Pinatamlay ng mga Kastila ang pakikipagkalakalan sa mga bansang malaya, gaya ng Siam, Cambodia, at Hapon, kaya’t humina ang pagluluwas ng mga produktong Pilipino at ang industriya ay hindi umunlad. Ang Pilipino’y hindi maaaring gumawa sa kanilang bukid kung walang pahintulot ng pamahalaan.

                Bukod sa mga iyan, ang Pilipino’y hindi tumatanggap ng karampatang halaga sa kanilang mga produkto. Sinabi ni Rizal na alinsunod sa istorya, matapos alipinin ng mga encomendero ang mga Pilipino, sila’y pinagagawa para sa sarili nilang kapakinabangan, at ang iba nama’y pinipilit na sa kanila ipagbili ang inaani o produkto sa maliit na halaga at kung minsa’y wala pang bayad o kaya’y dinadaya sa pamamagitan ng mga maling timbangan at takalan.

                Alinsunod pa rin kay Rizal, ang lahat ng negosyo’y sinasarili ng gobernador, at sa halip pukawin ang mga Pilipino sa kanilang pagpapabaya, ang iniisip lamang niya’y ang kanyang kapakanan kaya’t sinusugpo ang ano mang makaaagaw niya sa mga pakinabang sa pangangalakal.

                Mga kung anu-anong kuskos-balungos sa pakikitungo sa pamahalaan, mga “kakuwanan” ng pulitika, mga kinakailangang panunuyo at “pakikisama,” mga pagreregalo, at ang ganap na pagwawalang-bahala sa kanilang kalagayan,- ang mga iyan ay naging pamatay-sigla sa paggawang kapaki-pakinabang.

                Nariyan pa ang halimbawang ipinamalas ng mga Kastila: pag-iwas sa pagpaparumi ng kamay sa paggawa, pagkuha ng maraming utusan sa bahay, na para bang alangan sa kanilang kalagayan ang magpatulo ng pawis, at ang pagkilos na animo’y kung sinong maginoo at panginoon na ipinaging palasak tuloy ng kasabihang “para kang Kastila,”- ang lahat ng iyan ay nagpunla sa kalooban ng mga Pilipino ng binhi ng katamaran at pagtanggi o pagkatakot sa mabibigat na gawain.

                At ang wika pa ng mga Pilipino noon: “Bakit gagawa pa? Ang sabi ng kura ay hindi raw makapapasok sa kaharian ng langit ang taong mayaman.”

                Ang sugal ay binibigyan ng luwag, at ito’y isa pa ring nagpapalala ng katamaran.

                Ang Pilipino’y hindi binibigyan ng ano mang tulong na salapi o pautang upang maging puhunan. Kung may salapi man ang isang Pilipinong magsasaka, ang natitira, matapos bawasin ang buwis at iba pang impuwesto ay ipinambabayad naman niya sa kalmen, kandila, nobena, at iba pa.

                Kung ang mga pananim ay pinipinsala ng balang o ng bagyo, ang pamahalaan ay hindi nagbibigay ng ano mang tulong sa mga magsasaka, kaya ang mga ito ay inaalihan ng katamaran.

                Walang pampasiglang ibinibigay sa pagpapakadalubhasa. May isang Pilipinong nag-aral ng kimika sa Europa, ngunit hindi man lamang siya pinag-ukulan ng pansin.

                Ang katamara’y pinalulubha pang lalo ng di mabuting sistema ng edukasyon. Ganito ang wika ni Rizal:

                “Iminulat palibhasa  sa halimbawa ng mapagbulay-bulay at tamad na pamumuhay ng mga monghe, ang mga katutubo nama’y walang ginawa kundi iukol ang kanilang buhay sa pagkakaloob ng kanilang salapi sa simbahan dahil sa inaasahang mga himala at iba pang kataka-takang bagay. Ang kanilang kalooban ay nagayuma; buhat sa pagkabata ay wala silang natutuhan kundi ang pagkilos na parang mga makina na hindi nalalaman ang buong kabagayan. Kataka-taka bang ang ganitong maling pagmumulat sa isip at kalooban ng isang bata ay magbunga ng kahambal-hambal na mga pagkakasalungatan? Iyang walang puknat na pagtutunggali ng isip at ng tungkulin… ay humantong sa pananamlay ng kanyang mga pagsisikap, at sa tulong ng init panahon, ang kaniyang walang katapusang pag-aatubili, ang kaniyang mga pag-aalinlangan ay siyang naging ugat ng kaniyang katamaran.”

                Ang sistema ng edukasyon, na isang kawil ng mga pagmamalupit, ay nagpatamlay sa halip na magpasigla sa Pilipino. Siya’y nagkaroon ng mababang pagkakilala sa sarili at pagwawalang-bahala sa paggawa.

                Ang isa pang nagpalala sa katamaran ng mga Pilipino ay ang kawalan nila ng damdamin bilang isang bansa palibhasa’y pinagkaitan sila ng karapatang makapagtatag ng mga samahan na magbibigay sa kanila ng pagkakataong magkaunawaan at magkaisang damdamin.

                Palibhasa nga’y walang bansang kinaaaniban, ang mga Pilipino’y hindi nagkaroon ng pagkabahala sa ano mang kahirapang dinaranas ng mga tao. Patay ang apoy ng kanilang pagsisikap, at walang sukat makaganyak sa kanila na mag-ukol ng panahon at sigla alang-alang sa kaunlaran at kasaganaan ng kanilang Bayan.

                Ang sabi ni Rizal: “Ang edukasyon ay siyang lupa, at ang kalayaan ay siyang araw, ng sangkatauhan. Kung walang edukasyon at walang kalayaan, walang pagbabagong maisasagawa, walang hakbang na makapagdudulot ng bungang ninanais.”

(Mula sa Modyul sa Filipino 8)

Monday, July 8, 2013

Mga Piling BioPoem mula sa MNHS-Grade 8

Katulad ng naipangako, narito ang mga mahuhusay na gawang BioPoem ni San Pedro Calungsod ng mga mag-aaral mula sa Ikawalong Baitang ng Mataas na Paaralang Pambansa ng Malinta. :-)



Gawa ni Ruby Mendoza ng VIII-Agape

Pedro
Banal, Martir, Huwaran, Matapat at Makatao
Kaibigan ni Diego Luis, isang misyonero
Mahal ang relihiyon, tapat na totoo
Pinaratangang nilalason, mga katutubo
Pinatay, hinubaran ng masasamang tao
Dahil sa ginawang himala, itinalagang Santo
Nais niya'y mabinyagan lahat tayo
Isang Cebuano, dugong Pilipino
Calungsod ang apelyido






Gawa ni Nariel Marciales ng VIII-Agape


Pedro
Mabait, Masunurin, Mapagmahal, Banal
Migranet, Karpintero, Sakristan at Misyonaryo
Mamagmahal sa kapwa, tapat sa Panginoon
Pumunta sa Guam, nagligtas ng isang buhay
Sa kanyang pagiging maka-Diyos, sinibat at namatay
Nag-alay ng buhay, pagiging banal ay naisakatuparan
Ang pagiging Kristiyano at ang Kabanalan ay nais niyang ipalaganap
Katutubong Cebuano
Calungsod ang apelyido




Si Leila po iyong naka-headband.
Gawa ni Leila Marie Baltazar ng VIII-Agape

ANG IKALAWANG PILIPINONG SANTO

Pedro
Martir, Matapang, Banal Romano Katoliko
Kaibigang tapat ni Beato Diego
Tapat sa tungkulin, relihiyong Katoliko nais palawakin
Pinaratangang nanlason ng kaisipan, inusig ng taong bayan
Dahil sa Kristiyano'y binatilyo'y pinagtangkaan
Kinaya ang pagsubok, mithii'y ipinaglaban
Hindi sumuko sa kanyang pinagdaanan
Tubong-Cebu, Dugong Pilipino
Calungsod ang Apelyido

Tuesday, July 2, 2013

Mahal na Krus sa Wawa ng Bocaue

Masaya, maingay, punong-puno ng debosyon, basang-basa. Ganyan ilarawan ng mga namamanata ang pagpipista ng Mahal na Krus sa Wawa ng Bocaue. Dinarayo ang pista ng mga deboto at mga nais makasaksi sa karangyaan at init ng pananampalataya ng mga taga-Bocaue sa maliit na replica ng Krus na kinamatayan na Kristo. Ang Krus na tumubos sa sala ng lahat. Ang Krus na naging sagisag ng ating pananampalataya.  Sa isang marangyang pagodang may napakagandang disenyo, inilululan ang Mahal na Krus sa Wawa. Inilalagay ito sa itaas na bahagi upang mamalas ng mga taong nag-aabang sa mga pampang ng ilog na binabagtas ng pagoda habang ito ay lumiligid sa ilog nang makailang ulit. Mahigit sa sampung mga maliliit na bangkang napapalamutian din ng mga dekorasyon ang kasabay na lumilid ng pagoda. Masaya, maingay, punong-puno ng debosyon, basang-basa. Ganyan ilarawan ng mga namamanata ang pagpipista ng Mahal na Krus sa Wawa ng Bocaue. Ngunit ang sayang ito ay mababago matapos ang taong 1993.

Balik-tanaw

Ang pagpipista ng Mahal na Krus sa Wawa ay nagsimula mahigit dalawandaang taon na ang nakalilipas sa pagkakatagpo ng isang itim na krus ang nakitang lumulutang sa ilog ng Bocaue. Sinasabing isang matandang babae ang iniligtas ng krus na ito mula sa pagkakalunod kung kaya dinala ng mga tao ang nasabing imahen sa isang bisita at nang lumaon ay sa simbahan ng Bocaue. Taon-taon mula noon, dumami ang mga naging deboto ng Krus dahil na rin sa di mabilang na mga himalang naikabot dito. Ipinagdiriwang ang kapistahan nito tuwing unang linggo matapos ang ika-2 ng Hulyo at nang lumaon ay tuwing unang Linggo ng Hulyo. Bago ilulan ang Mahal na Krus sa pagoda, isang misa konselebrasyon ang isinasagawa sa simbahan at pagkatapos, ito ay ipuprusisyon patungo sa pagoda. Matapos ang ligiran ng pagoda, muli itong ibabalik sa simbahan upang itanghal muli.

Ang Trahedya ng Pagoda noong 1993

Noong ika-2 ng Hulyo, 1993, ang pagpagpapahayag ng debosyon sa Mahal na Krus ay nauwi sa malagim na trahedya. Ang pagoda kung saan isinakay ang mga banal na imahe ay lumubog nang sakyan ng humigit-kumulang limandaang tao na lagpas sa kapasidad nito. Dahil sa nangyari, mahigit dalawandaan ang nasawi. Sinasabing ang depektibong pagkakagawa ng pagoda ang dahilan ng paglubog nito. Mabigat ang mga materyales na ginamit sa mataas na pagoda. Malikot ang mga taong sakay ng pagoda dahil sa kanilang pagsasayawan at pagsisiya na karaniwan naming isinasagawa ng mga nakasakay doon taon-taon. Dahil na rin sa dami ng tao at sa depektibong disenyo, hindi kinaya ng maliliit na kasko ang mabigat na coco lumber na ginamit kung kaya unti-unti itong pinasok ng tunig. Nagtalunan ang mga tao sa ilog na naging dahilan ng pagkakawala ng balanse ng pagoda kaya ito tuluyang lumubog. Tinatayang 266 na katao ang namatay dahil sa pagkakalunod at sa pagtama ng mga mga nahulog na kahoy. Ang Masaya, maingay, punong-puno ng debosyon, basang-basang pagdiriwang na punong-puno ng halakhakan at pananalangin ay napalitan ng luha at panaghoy.

Muling-pagbuhay sa Tradisyson

Matapos ang trahedya, ipinagbawal ng lokal na pamahalaan ng Bulacan ang paggawa ng pagoda sa Bocaue. Matagal na naging tahimik ang ilog ng Bocaue tuwing unang Linggo ng Hulyo. Sariwa pa sa marami ang iyakang umalingawngaw noong araw na lumubog ang pagoda. Ngunit unti-unti, sa tulong ng mga deboto, muling ibinabalik ang sigla ng pista. Muli nang inililigid ang Krus sa ilog lulan ng mas maliit na pagoda. Ang dating kasing taas ng apat na palapag na gusali ay nilimitahan na lamang na tinatayang hindi lalagpas sa 15 talampakan. Muli nang nanunumbalik ang sigla at saya. Kasabay ng pagbabalik ng masaya maingay, punong-puno ng debosyon, basang-basa pagdiriwang, inaalala ng mga taga-Bocaue ang mga nagbuwis ng buhay sa paglubog ng pagoda. Kasama ng kanilang mga panalangin ng kahilingan, ipinagdarasal ng mga kaanak, kaibigan at nga deboto ang pagkakaroon ng kapayapaan ng kanilang mga kaluluwa.

Sa darating na Linggo, ika-7 ng Hulyo ay kapistahan ng Mahal na Poong Krus sa Wawa.

Monday, July 1, 2013

Duplo: Ang Ibon ng Hari



Ang Ibon ng Hari
                                           
Hari:           Simulan na ang laro. Bumilang kayo.

Mga Bilyaka: Una, Ikalawa, Ikatlo.

Mga Bilyako: Una, Ikalawa, Ikatlo.

Hari:           Tribulasyon!

Lahat:         Tribulasyon!

Hari:           Estamos en la Buena composicion.(Titindig)
          Ang komposisyon ng tanan
          ay paglalarong mahusay!
          Ang magulo ay mahalay
          Sa mata ng kapitbahay.
          Mga binibini at mga ginoo,
          Matatanda’t batang ngayo’y naririto,
          Malugod na bati ang tanging handog ko
          sa pagsisimula nitong larong duplo.
          Ang hardin ko’y kubkob ng rehas na bakal,
          Asero ang pinto’t patalim ang urang;
          Ngunit at nawala ang ibon kong hirang,
          Ang mga bilyaka ang nuha’t nagnakaw!

Mga Bilyaka: Hindi kami ang nagnakaw.

Hari:           Sino ang nagnakaw?

Bilyako 1:    Kagabi po, hari, maliwanag ang b’wan;
          May isang aninong aking natanaw;
          Hindi sinasadya, nang aking lapitan
          Isang babae po, iyang natagpuan.

          At kitang-kita kong ikinubli niya.
          Siya’y naririto at nasa tribuna,
          Nagnakaw ng ibon ay isang bilyaka!



Hari:                     Diyata’t bilyaka?
                   Sino sa kanila?

Bilyako 1:              Sa unang hanay po.

Bilyaka 2:             H’wag paniwalaan.
                   Siya’y bulaan!
                   (Magkakaingay)

Hari:                     (Sa lahat) Katahimikan!
                   (Sa Bilyako 1) Mapatototohanan?

Bilyako 1:              Ako’y nalalaan!

Bilyaka 2:             Kung kagabi lamang ang sinabi niya,
                   Hindi maaari’t kami’y magkasama;
                   Kami’y namamasyal ng irog kong sinta,
                   Pa’nong mananakaw ang ibon sa hawla?

Hari:                     Kung hindi nga siya, sabihin kung sino
                   At pakaasahang parurusahan ko.

Bilyaka 2:             Ang nuha ng ibo’y sa ikalawang hanay,
                   Doon nakaupo nang buong hinusay,
                   Walang iba kundi kanyang kasintahan (Ituturo.)
                   Kung hindi ay bakit ipinagsasanggalang?

Hari:                     Pinararatanga’y hindi umiimik,
                   Tila nga may sala’t dila’y nauumid. (Mag-iisip)
                   Sapagkat may sala
                   Heto, palmatorya! (Akmang papaluin)

Bilyako 2:              Kaiingat kayo, O mahal na hari,
                   Mag-isip-isip ka’t baka magkamali.
                   (Titigil ng pagsasalita bago magpapatuloy)
                   Nalalaman ko po kung sinong nagnakaw.
                   Aking ibubulong kung pahihintulutan.

Hari:                     Nagpapahintulot!

Bilyako 2:             (Lalapit at bubulong)

Hari:                     Ipakakaon ko, talaga bang tunay?
                   (Siyang pagdating ng abay ng reyna)

Abay ng Reyna:     Mahal na hari po, ibo’y aking dala,
                   Isasauli ko sa kinunang hawla;
                   Kagabi po ito’y kinuha ng reyna
                   Siya ay nag-aliw sa pangungulila!

Hari:                     Kung gayon ay walang dapat parusahan!
                   Ibalik ang ibon sa hawlang kinunan.
                   Kung uulitin pa’y ipagbibigay-alam
                   Nang huwag ang iba ang mapagbintangan.

Aba ng Reyna:      ’Pinagbigay-alam sa inyong gward’ya,
                   Baka nalimutan at nalingat siya.

Hari:                     Maraming salamat, bilyaka’t bilyako,
                   Ngayo’y tinatapos itong larong duplo.
                   Paalam sa lahat, salamat sa inyo,
                   Muling magkikita pag naglaro tayo.     

WAKAS