Tuesday, July 2, 2013

Mahal na Krus sa Wawa ng Bocaue

Masaya, maingay, punong-puno ng debosyon, basang-basa. Ganyan ilarawan ng mga namamanata ang pagpipista ng Mahal na Krus sa Wawa ng Bocaue. Dinarayo ang pista ng mga deboto at mga nais makasaksi sa karangyaan at init ng pananampalataya ng mga taga-Bocaue sa maliit na replica ng Krus na kinamatayan na Kristo. Ang Krus na tumubos sa sala ng lahat. Ang Krus na naging sagisag ng ating pananampalataya.  Sa isang marangyang pagodang may napakagandang disenyo, inilululan ang Mahal na Krus sa Wawa. Inilalagay ito sa itaas na bahagi upang mamalas ng mga taong nag-aabang sa mga pampang ng ilog na binabagtas ng pagoda habang ito ay lumiligid sa ilog nang makailang ulit. Mahigit sa sampung mga maliliit na bangkang napapalamutian din ng mga dekorasyon ang kasabay na lumilid ng pagoda. Masaya, maingay, punong-puno ng debosyon, basang-basa. Ganyan ilarawan ng mga namamanata ang pagpipista ng Mahal na Krus sa Wawa ng Bocaue. Ngunit ang sayang ito ay mababago matapos ang taong 1993.

Balik-tanaw

Ang pagpipista ng Mahal na Krus sa Wawa ay nagsimula mahigit dalawandaang taon na ang nakalilipas sa pagkakatagpo ng isang itim na krus ang nakitang lumulutang sa ilog ng Bocaue. Sinasabing isang matandang babae ang iniligtas ng krus na ito mula sa pagkakalunod kung kaya dinala ng mga tao ang nasabing imahen sa isang bisita at nang lumaon ay sa simbahan ng Bocaue. Taon-taon mula noon, dumami ang mga naging deboto ng Krus dahil na rin sa di mabilang na mga himalang naikabot dito. Ipinagdiriwang ang kapistahan nito tuwing unang linggo matapos ang ika-2 ng Hulyo at nang lumaon ay tuwing unang Linggo ng Hulyo. Bago ilulan ang Mahal na Krus sa pagoda, isang misa konselebrasyon ang isinasagawa sa simbahan at pagkatapos, ito ay ipuprusisyon patungo sa pagoda. Matapos ang ligiran ng pagoda, muli itong ibabalik sa simbahan upang itanghal muli.

Ang Trahedya ng Pagoda noong 1993

Noong ika-2 ng Hulyo, 1993, ang pagpagpapahayag ng debosyon sa Mahal na Krus ay nauwi sa malagim na trahedya. Ang pagoda kung saan isinakay ang mga banal na imahe ay lumubog nang sakyan ng humigit-kumulang limandaang tao na lagpas sa kapasidad nito. Dahil sa nangyari, mahigit dalawandaan ang nasawi. Sinasabing ang depektibong pagkakagawa ng pagoda ang dahilan ng paglubog nito. Mabigat ang mga materyales na ginamit sa mataas na pagoda. Malikot ang mga taong sakay ng pagoda dahil sa kanilang pagsasayawan at pagsisiya na karaniwan naming isinasagawa ng mga nakasakay doon taon-taon. Dahil na rin sa dami ng tao at sa depektibong disenyo, hindi kinaya ng maliliit na kasko ang mabigat na coco lumber na ginamit kung kaya unti-unti itong pinasok ng tunig. Nagtalunan ang mga tao sa ilog na naging dahilan ng pagkakawala ng balanse ng pagoda kaya ito tuluyang lumubog. Tinatayang 266 na katao ang namatay dahil sa pagkakalunod at sa pagtama ng mga mga nahulog na kahoy. Ang Masaya, maingay, punong-puno ng debosyon, basang-basang pagdiriwang na punong-puno ng halakhakan at pananalangin ay napalitan ng luha at panaghoy.

Muling-pagbuhay sa Tradisyson

Matapos ang trahedya, ipinagbawal ng lokal na pamahalaan ng Bulacan ang paggawa ng pagoda sa Bocaue. Matagal na naging tahimik ang ilog ng Bocaue tuwing unang Linggo ng Hulyo. Sariwa pa sa marami ang iyakang umalingawngaw noong araw na lumubog ang pagoda. Ngunit unti-unti, sa tulong ng mga deboto, muling ibinabalik ang sigla ng pista. Muli nang inililigid ang Krus sa ilog lulan ng mas maliit na pagoda. Ang dating kasing taas ng apat na palapag na gusali ay nilimitahan na lamang na tinatayang hindi lalagpas sa 15 talampakan. Muli nang nanunumbalik ang sigla at saya. Kasabay ng pagbabalik ng masaya maingay, punong-puno ng debosyon, basang-basa pagdiriwang, inaalala ng mga taga-Bocaue ang mga nagbuwis ng buhay sa paglubog ng pagoda. Kasama ng kanilang mga panalangin ng kahilingan, ipinagdarasal ng mga kaanak, kaibigan at nga deboto ang pagkakaroon ng kapayapaan ng kanilang mga kaluluwa.

Sa darating na Linggo, ika-7 ng Hulyo ay kapistahan ng Mahal na Poong Krus sa Wawa.

No comments:

Post a Comment